Hinawakan ni Jack1 ang mga rehas ng pinto ng kanyang selda at sumilip sa pasilyo. Bumilis ang tibok ng kanyang puso habang tumutulo ang pawis sa kanyang noo. Magsasalita ba siya o hindi? Bilang dating sundalo, naalala niya ang malulupit na kakila-kilabot na pagpapahirap sa mga bilangguang militar. Inaresto dahil sa pangangaral ng Ebanghelyo, nasa maling panig na siya ngayon ng rehas.
Magsasalita ba siya? Paano siya hindi magsasalita? Inutusan siya ng kanyang Panginoon.
Mas mahigpit na hinawakan ang mga rehas, nagsalita siya nang mahina sa sinumang bantay na nakatalaga sa malapit. “Kung hindi ninyo ako palalayain, ang dugo ng 50,000 tao ay sasainyong mga ulo!” Mabilis siyang bumalik sa sulok ng selda, naghihintay ng bugbog. Pero hindi ito dumating. Nagawa ko! Nagpatotoo ako sa harap ng mga bumihag sa akin.
Kinabukasan, hawak ang mga rehas, nagsalita siya nang mas malakas. “Kung hindi ninyo ako palalayain, ang dugo ng 50,000 tao ay sasainyong mga ulo!” Pero muli, walang dumating na paghihiganti.
Araw-araw ay inulit niya ang pakikipagharap na ito sa mga bumihag sa kanya, at palakas nang palakas ang kanyang tinig sa bawat pahayag. Pinagsabihan siya ng mga bantay ng bilangguan na tumahimik, pero walang nangyari.
Sa katapusan ng linggo, sumigaw si Jack nang marinig ng lahat, “KUNG HINDI NINYO AKO PALALAYAIN, ANG DUGO NG 50,000 TAO AY SASAINYONG MGA ULO!” Nagpatuloy ito nang ilang oras hanggang sa wakas ay dinakma si Jack ng ilang sundalo at isinakay sa isang trak ng militar.
Lumingon-lingon si Jack nang may pangamba, inaasahang malapit nang dumating ang wakas. Makalipas ang dalawa o tatlong oras, huminto ang trak. Inihatid siya ng mga sundalo sa gilid ng daan. “Hindi na namin matiis ang walang tigil mong pagsigaw! Nasa hangganan ka na ng distrito. Umalis ka rito at huwag ka nang mangangaral muli sa lugar na ito!”
Habang umuugong pabalik ang trak sa maalikabok na daan, napakurap si Jack sa pagkagulat. Naging tapat siya sa pagkatawag na ipangaral ang mabuting balita sa isang bansang hindi pa kailanman nakarinig tungkol kay Jesus. Tinawag siya ng Panginoon at iningatan siya ng Panginoon. Makalipas ang ilang linggo, puspos ng pakiramdam ng pagmamadali at pinatapang ng espirituwal na tibay ng loob, palihim na bumalik si Jack at ang isa pang kapatid sa distrito sa ilalim ng dilim upang sundin ang utos ng dakilang Hari. Hindi nagtagal ay naakay nila sa pananampalataya ang unang lalaki—isang lalaking sa pamamagitan niya isisilang ang isang Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya.
Ang mga Di-Nahahawakang Elemento ng Mabungang mga Tagapagpasimula ng CPM
Dalawang di-nahahawakang katangian ang paulit-ulit na namumukod-tangi na tila nagbubukod sa pinakamabungang mga tagapagpasimula ng Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM) mula sa marami pang ibang manggagawa. Tulad ni Jack sa bilangguang iyon sa Asya, kitang-kita ang mga elementong ito sa buhay ni Cristo at sa buhay ng mga alagad sa Mga Gawa. Sila ang mga pampabilis na tila nag-uudyok sa isang lingkod ni Cristo na espirituwal na nananatili sa Kanya tungo sa pagiging mabunga. Bagaman mahirap silang bigyang-kahulugan, tatawagin ko silang “pagmamadali” (urgency) at “tibay ng loob” (grit). Para sa layuning ito, binibigyang-kahulugan ko ang pagmamadali bilang sadyang pamumuhay para sa misyon nang may kamalayan na limitado ang panahon. Ang tibay ng loob ay isang matiyagang determinasyon at lakas na magpatuloy tungo sa misyong iyon, madalas sa harap ng mga hadlang na tila hindi malalampasan.
Hindi karaniwang ito ang mga unang katangiang hinahanap natin sa mga tagapagtanim ng iglesya at mga misyonero, kadalasan dahil sa mga negatibong pakahulugan:
- Pagmamadali: “Masyado siyang masigasig at mapilit!”
- Tibay ng loob: “Masyado siyang matigas ang ulo!”
Lalong nagiging bihira ang makatagpo ng mga manggagawa sa Kaharian (kahit man lamang sa Kanluraning mundo) na hinaharap ang kanilang misyon nang may nagngangalit na mga ngipin at pakiramdam ng pagmamadali na madalas ay hindi nagpapatulog sa kanila sa gabi. Higit na mas gusto natin ang mga taong may “palugit” (margin). Gayunman, malamang na hindi papasa sina Jesus at Pablo sa ating depinisyon ng mga taong may angkop na palugit. Ngayon, maaaring payuhan natin sila na “magdahan-dahan,” gumugol ng mas maraming panahon sa mga interes na hindi kaugnay ng trabaho at ayusin ang balanse ng kanilang trabaho at buhay.
Gayunman, ang mga lalaki at babaeng ginagamit ng Diyos upang magsilang ng mga kilusan ng Kaharian ay tila kapansin-pansing bulag sa ideya ng palugit ayon sa ating pagkakahulugan dito. Sa halip, inuubos ng misyon ng Diyos ang kanilang buhay gaya ng nangyari kay Jesus.
Naalala ng Kanyang mga alagad na nasusulat: “Ang sigasig para sa iyong bahay ay uubos sa akin.” (Juan 2:17, ESV)
Ang sigasig ay isang katangiang naglalarawan kay Jesus na naalala ng mga alagad. Si John Wesley ba, na sumusulat ng mga sermon habang nakasakay sa kabayo sa paglalakbay niya mula sa isang pagtitipon tungo sa iba, ay may ganoong palugit? Sisibol kaya ang isang kilusan kung mayroon siya nito? Habang nagpupumiglas si William Carey sa England na mapakawalan upang tuparin ang Dakilang Atas, ilalarawan ba natin ang kanyang buhay bilang buhay na puno ng palugit? Papasa kaya sina Hudson Taylor, Mother Teresa o Martin Luther King, Jr. sa ganoong mga depinisyon?
Sinabi ni Jim Elliot, ang martir:
“Ginagawa Niyang ningas ng apoy ang Kanyang mga lingkod. Madali ba akong magliyab? Diyos, iligtas Mo ako sa kinatatakutang asbestos ng ‘ibang mga bagay.’ Ibabad Mo ako sa langis ng Espiritu upang ako’y maging isang ningas. Pero panandalian ang ningas, madalas ay maikli ang buhay. Matitiis mo ba ito, kaluluwa ko—sa akin ay nananahan ang Espiritu ng Dakilang Maikli ang Buhay, na ang sigasig para sa bahay ng Diyos ay umubos sa Kanya. ‘Gawin Mo akong panggatong Mo, Ningas ng Diyos. Diyos, idinadalangin ko, sindihan Mo ang mga tamad na patpat na ito ng aking buhay at nawa’y magliyab ako para sa Iyo. Ubusin Mo ang aking buhay, aking Diyos, sapagkat ito ay Iyo. Hindi ko hinahanap ang mahabang buhay, kundi ang buhay na puspos, tulad Mo, Panginoong Jesus.’”
Ang pakikipagharap sa mga tagapagpasimula ng CPM ngayon ay nagbubunga ng magkakatulad na paglalarawan: matinding damdamin, tiyaga, determinasyon, di-mapakali, masigasig na pagpupursige, sigasig, pananampalataya, ayaw sumuko o tumanggap ng “hindi” bilang sagot. Panahon na upang muling itaas ang mga di-nahahawakang elemento ng pagmamadali at tibay ng loob sa antas na nakikita natin sa Bagong Tipan.
Maaari ba silang mawalan ng balanse? Walang duda. Pero ang pendulo ay masyadong lumayo sa kabilang direksyon.
Pagmamadali
Pagmamadali: sadyang pamumuhay para sa misyon nang may kamalayan na limitado ang panahon
Namuhay si Jesus nang may pakiramdam ng pagmamadali dahil alam Niyang maikli ang panahon ng Kanyang ministeryo (tatlong taon). Mula sa simula hanggang sa wakas ng Juan, madalas na binabanggit ni Jesus ang Kanyang “oras” ng paglisan sa mundo (hal. Juan 2:4, 8:20, 12:27, 13:1). Alam ni Jesus sa Kanyang espiritu na maikli ang mga araw at kailangan Niyang sulitin ang bawat isa para sa misyong pinagsuguan sa Kanya ng Kanyang Ama.
“Kailangan nating gawin ang mga gawa ng nagsugo sa akin habang araw pa; dumarating ang gabi, kung kailan walang sinumang makagagawa.” (Juan 9:4, ESV)
Halimbawa, habang handa nang manatili ang mga alagad sa Capernaum matapos ang kahanga-hangang tagumpay noong nakaraang araw, eksaktong kabaligtaran ang ipinasya ni Jesus. Dahil alam Niyang ang Kanyang misyon ay malibot ang buong Israel bago Siya lumisan, umalis Siya upang simulan ang susunod na yugto ng paglalakbay.
“At sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta tayo sa mga kasunod na bayan, upang makapangaral din ako roon, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit ako lumabas.’ At nilibot niya ang buong Galilea, nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.” (Mar. 1:38-39, ESV; tingnan din ang Luc. 4:43-44)
Inilalarawan ng isang kasamahan ang kaisipang ito bilang “pagmamadaling pang-isang termino,” na tumutukoy sa karaniwang haba ng isang termino ng paglilingkod ng misyonero (3-4 na taon).
Maaaring balaan ng mga eksperto ngayon si Jesus tungkol sa “burn-out.” Pero ang hangarin ni Jesus ay hindi ang masunog sa pagod kundi ang “maubos sa pagliliyab” o “masunog nang buo” sa mismong panahong pinili ng Ama para sa Kanya. Inilalarawan ng pagkaubos sa pagliliyab ang pamumuhay nang may pagmamadali at tindi ng bilis ng Ama (ang Kanyang tinig) tungo sa misyon ng Ama (ang Kanyang layunin) para sa kaluguran ng Ama (kagalakang nagmumula sa pagkaalam na Siya ay ating napapalugdan at ginagawa natin ang Kanyang kalooban—Juan 4:34, 5:30).
Ang burn-out ay hindi gaanong may kinalaman sa palugit o sa kawalan ng palugit kundi sa kawalan ng kasiyahan ng isang buhay na ginugol nang mabuti. Abala ang lahat ngayon; hindi lahat ay may layunin. Ang abalang pamumuhay na walang direksyon ay pasuray-suray patungo sa burn-out. Pero ang buhay na nakaugat sa presensya ng Ama at para sa Kanyang mga layunin ay nagbibigay-buhay. Tinatapos natin ang bawat araw na tinatanggap ang papuri ng Diyos: “Mahusay, mabuti at tapat kong lingkod.” Ang pagkaubos sa pagliliyab ay ang hayaang lubusang magamit ng Diyos ang ating buhay ayon sa Kanyang bilis at bilang tugon sa Kanyang mga udyok at hayaan Siyang wakasan ang ating buhay sa Kanyang mabuting panahon.
Nakikiusap si Jesus sa Kanyang mga alagad na mamuhay sa katulad na paraan. Ang pagmamadali ay karaniwang tema ng mga talinghagang itinuro sa kanila ni Jesus. Sa talinghaga ng piging ng kasalan (Mat. 22:1-14), dapat pilitin ng mga alipin ang mga tao na pumunta sa piging bago mahuli ang lahat. Walang panahong dapat sayangin. Sa talinghaga ng mga handang alipin, ang mga alipin ay dapat manatiling “nakabihis para sa pagkilos” upang manatiling gising sa pagbabalik ng Panginoon (Luc. 12:35-48).
Ang ibig sabihin ng pagmamadali ay hindi natin alam kung gaano karaming panahon ang mayroon tayo, kaya ang ating buhay ay dapat ipamuhay nang may layunin, sinusulit ang mga araw.
Dinala ng mga alagad ang pakiramdam na ito ng pagmamadali sa mga pagsisikap sa misyon sa Mga Gawa. Nakahihilo ang tatlong paglalakbay ni Pablo na libu-libong milya (sa bilis ng paglalakad) at dose-dosenang lugar na isiniksik sa loob ng 10-12 taon. May misyon si Pablo (pangangaral sa lahat ng mga Hentil) at walang gaanong panahon upang tuparin ito. Ito ang dahilan kung bakit inasahan niyang hindi magtatagal sa Roma kundi itutulak siya nila patungong Espanya upang wala nang matitirang lugar na mapaglalagyan ng pundasyon para sa Ebanghelyo (Rom. 15:22-24).
Ang pagmamadaling tuparin ang pagkakatiwalang ibinigay sa kanila ng Diyos ang laging nagtulak sa pinakamabungang mga lingkod ng Diyos:
“Ganito dapat kami ituring ng sinuman, bilang mga lingkod ni Cristo at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Bukod dito, hinihingi sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat.” (1 Cor. 4:1-2, ESV)
Tibay ng Loob
Tibay ng loob: matiyagang determinasyon at lakas na magpatuloy tungo sa isang misyon, madalas sa harap ng mga hadlang na tila hindi malalampasan
Si Rooster Cogburn (na binigyang-buhay ni John Wayne sa True Grit), umaapoy ang mga baril, ay nagpapaalala ng larawan ng isang taong humaharap sa mga hadlang na tila hindi malalampasan upang makamit ang isang misyon. Pero sa espirituwal na larangan, ang matiyagang tibay ng loob ay laging naging katangian ng mga lalaki at babaeng tinawag ng Diyos upang maglunsad ng mga kilusan.
Hindi mapigilan ang pang-isang-terminong misyon ni Jesus. Itinuon Niya ang Kanyang mukha na tulad ng batong-kiskisan tungo sa mga kaguluhang naghihintay sa Kanya sa Jerusalem (Luc. 9:51-53). Sa daan, marami ang nagpahayag ng kanilang hangaring sumunod sa Kanya. Pero isa-isa, hinamon Niya ang kanilang kahandaang bilangin ang halaga at ang kanilang determinasyong manatili sa landas (Luc. 9:57-62). Tibay ng loob.
Naging katangian ng tibay ng loob ang pakikipagbuno ng ating Panginoon sa mga tukso sa ilang at sa huling oras sa Getsemani—ang determinadong lakas na magpatuloy upang lumakad sa gitna ng mga hadlang na tila hindi malalampasan upang maabot ang layuning itinakda ng Ama.
Nakiusap si Jesus sa Kanyang mga alagad na mamuhay nang may katulad na tibay ng loob—ang ayaw tumanggap ng “hindi” bilang sagot. Sa halip, tulad ng balong nakikiusap sa di-matuwid na hukom, sila ay “dapat laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa” (Luc. 18:1-8, ESV).
Kaya, sa buong Mga Gawa, ipinagpatuloy ng mga alagad ang kanilang palabas na pagsulong para sa Kaharian sa harap ng kamangha-manghang mga hadlang. Nang batuhin si Esteban at kaladkarin sa bilangguan ang mga kapwa mananampalataya (Mga Gawa 8:3), ano ang ginawa nila? Ipinangaral nila ang salita habang sila ay nangangalat! Si Pablo, na binato sa Listra, ay agad na bumangon upang muling pumasok sa lungsod bago magpatuloy sa susunod na destinasyon. Sina Pablo at Silas, na mahigpit na nakagapos sa isang bilangguan sa Filipos, ay umawit ng mga papuri sa Kataas-taasan nang pinakamababa ang kanilang kalagayan. Pinanatili sila ng espirituwal na tibay ng loob sa misyon.
Anong mga kalagayan ang maaaring lumitaw na magtutulak sa inyo na iwan ang misyon ng Diyos? Gaano kataas ang antas ng inyong tibay ng loob?
Matatagpuan ang mga lihim ng tibay ng loob sa determinasyon ni Jesus na harapin ang krus: “Si Jesus… na dahil sa kagalakang inilagay sa harap Niya ay tiniis ang krus, na hinamak [lit. itinuring na walang anuman] ang kahihiyan.” (Heb. 12:2, ESV)
Ang kagalakan ng nasa harap Niya—ang pagpapalugod sa Kanyang Ama, ang pagtupad sa Kanyang misyon, ang paglalaan ng pagtubos—ang nag-akay sa Kanya na ituring na walang anuman ang kahihiyan ng krus. Higit na malaki ang mabuting bunga kaysa sa hirap.
Nagpahayag si Pablo ng katulad na damdamin: “Kaya tinitiis ko ang lahat alang-alang sa mga hinirang, upang sila rin ay magkamit ng kaligtasang na kay Cristo Jesus kasama ang walang-hanggang kaluwalhatian.” (2 Tim. 2:10, ESV)
Ang mabuting bunga para kay Pablo—na matagpuan ng mga hinirang ng Diyos sa bawat lugar ang kaligtasan—ay higit na malaki kaysa sa hirap ng pagtitiis ng pangungutya, mga paghagupit, pagkabilanggo, mga pagkawasak ng barko at pagbato. Isang pangitain lamang ng mabuting bunga ng misyon ang magpapatibay sa atin ng tibay ng loob na kailangan natin upang tiisin ang hirap at kahirapan upang makamit ito.
Ang ating henerasyon ay may kakayahang magsimula ng ministeryo sa bawat natitirang pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot gamit ang mabungang mga pamamaraan ng CPM. Nasa ating kakayahan ang mga paraan upang mapagtagumpayan ang bawat hadlang sa pagtupad ng Dakilang Atas at sa pagbabalik ng Panginoon. Pero babangon lamang ang ganoong henerasyon kapag determinado itong tapusin ang gawain nang may panibagong pakiramdam ng pagmamadali, pinatibay ng tibay ng loob upang lampasan ang bawat hadlang.
Nanalangin si Moises, ang tao ng Diyos, sa Mga Awit 90:12: “Kaya turuan Mo kaming bilangin ang aming mga araw upang magkaroon kami ng pusong may karunungan.”
Ano ang mangyayari kung kikilalanin ng pandaigdigang iglesya na limitado ang panahon? Paano kung magtakda tayo ng petsa para matapos ang pagsisimula ng ministeryo sa bawat pangkat ng tao gamit ang isang mabisang estratehiya ng CPM pagsapit ng isang taon tulad ng 2025 o 2030? Marahil ay mamumuhay tayo nang may mas marunong na puso, puspos ng pakiramdam ng pagmamadali, at gagawin ang anumang sakripisyong kailangan upang tuparin ang layunin ng misyon.
Mamuhay tayo nang may pakiramdam ng pagmamadali at magtiis nang may tibay ng loob hanggang sa dumating ang wakas.
Mga tala
- Isang alyas para sa isang alagad ni Cristo sa Timog-silangang Asya Bumalik sa teksto
Unang inilathala sa Mission Frontiers 39:1 (Ene./Peb. 2017), pp. 40-43. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


