24:14? Sino kayo?
Hindi kami isang organisasyon. Kami ay isang koalisyon ng magkakatulad ang pag-iisip na mga indibidwal, tagapagsagawa at organisasyon na nangako sa isang bisyong makita ang mga kilusan sa bawat pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot. Ang aming panimulang layunin ay makita ang mabisang pagsisimula ng ministeryo ng kilusan ng Kaharian sa bawat pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot pagsapit ng Disyembre 31, 2025. Ginagawa namin ito batay sa apat na pinahahalagahan:
a. Pag-abot sa mga hindi pa naaabot alinsunod sa Mateo 24:14, ibig sabihin, ang pagdadala ng Ebanghelyo ng kaharian sa bawat pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot.
b. Pagsasakatuparan nito sa pamamagitan ng mga “Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya,” na kinapapalooban ng pagpaparami ng mga alagad, iglesya, lider at mismong mga kilusan.
c. Pagkakaroon ng pagmamadali na gaya ng sa panahon ng digmaan upang makapagsimula ng ministeryo sa bawat pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot gamit ang estratehiya ng kilusan pagsapit ng katapusan ng 2025.
d. Paggawa ng mga bagay na ito nang may pakikipagtulungan sa iba.
Bakit ninyo ginagamit ang pangalang 24:14?
Ang Mateo 24:14 ang batong panulok ng inisyatibang ito. Nangako si Jesus: “Ang Ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng bansa (ethne), at pagkatapos ay darating ang wakas.” Ang aming pokus ay makibahagi upang makita naming makarating ang Ebanghelyo sa bawat pangkat ng mga tao sa mundo. Nananabik kaming mapabilang sa henerasyong tatapos sa sinimulan ni Jesus at sa pinag-alayan ng buhay ng iba pang tapat na manggagawa bago tayo. Alam namin na naghihintay si Jesus na bumalik hanggang ang bawat pangkat ng mga tao ay nagkaroon ng pagkakataong tumugon sa Ebanghelyo at maging bahagi ng Kanyang Kasintahang Babae.
Itinatakda ba ninyo ang 2025 bilang taon kung kailan maaabot ang lahat ng bansa?
Hindi, ang aming layunin ay makapagsimula ng ministeryo sa bawat pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot gamit ang isang mabisang estratehiya ng kilusan ng Kaharian pagsapit ng Disyembre 31, 2025. Nangangahulugan ito na ang isang pangkat (lokal o dayuhan o kombinasyon) na nasangkapan sa estratehiya ng kilusan ay naroroon sa bawat pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot. Walang ipinahihiwatig na petsa kung kailan matatapos ang gawain. Pananagutan iyon ng Diyos. Ang Diyos ang nagpapasya kung kailan sisigla ang mga kilusan.
Bakit napakatindi ng inyong pagmamadali sa pagsusulong nito?
2000 taon na ang lumipas mula nang ibigay ni Jesus ang Dakilang Atas. Sinasabi sa atin ng 2 Pedro 3:12 na “madaliin ang araw ng kanyang pagbabalik.” Sinasabi sa atin ng Mga Awit 90:12 na bilangin ang ating mga araw. Isang grupo ng mga nagtatag ng 24:14 ang naghintay sa Panginoon at nagtanong kung dapat ba kaming magtakda ng huling araw o hindi. Nadama naming sinasabi Niya sa amin na sa pagtatakda ng isang agarang huling araw, magagamit namin nang mas matalino ang aming panahon at magagawa ang mga sakripisyong kailangan upang matupad ang bisyon.
Sinisikap ba ninyong ihanay ang lahat ng organisasyong pangmisyon sa inyong estratehiya?
Hindi. Kinikilala namin na tinawag ng Diyos ang maraming iglesya, organisasyong pangmisyon at network sa mga espesyalisadong ministeryo. Ang 24:14 Coalition ay binubuo ng mga tao at organisasyong may hangaring maging, o naging na, matagumpay na mga tagapagpasimula ng mga kilusan, gamit ang iba't ibang estratehiya. Ang iba't ibang organisasyon at tagapagsagawa ay may natatanging mga pamamaraan at kasangkapan pero lahat kami ay may marami sa parehong natatanging katangian ng CPM. Ang mga ito ay mga estratehiyang nakabatay sa pagsisikap na isabuhay sa makabagong konteksto ang mga padron ng paggawa ng mga alagad at pagbuo ng iglesya na nakikita natin sa mga Ebanghelyo at sa aklat ng Mga Gawa.
Nagkaroon na ng ibang mga pagtatangka na pagtulungin ang mga tao sa pagtatapos ng Dakilang Atas. Ano ang naiiba sa 24:14?
Nagtatayo ang 24:14 sa ibabaw ng iba pang mabubuting inisyatibang ito. Ang ilan sa mga nauna ay tumulong sa pandaigdigang iglesya na maabot ang ilang mahahalagang yugto (hal. ang pag-ampon sa mga pangkat ng mga tao). Ang 24:14 ay tungkol sa pagtatapos ng sinimulan ng iba sa pamamagitan ng pagpapasimula ng mga kilusang kayang abutin ang buong mga pangkat ng mga tao at lugar sa paraang nagpapatuloy. Ang 24:14 coalition ay nakikipagtuwang sa iba pang mga network gaya ng Ethne, Finishing the Task, GACX, GCPN, at iba pa. Isang natatanging katangian ay pinamumunuan ang 24:14 ng mga lider ng Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya. Isa pang salik ay malaki ang inilago ng karanasan sa mga kilusan (lalo na sa gitna ng mga hindi pa naaabot), na nagbunga ng lubhang napabuting “pinakamahuhusay na gawi.”
Ano ang “Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya?”
Ang Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM) ay inilalarawan bilang ang pagpaparami ng mga alagad na gumagawa ng mga alagad at ng mga lider na humuhubog ng mga lider, na nagbubunga ng mga katutubong iglesyang nagtatanim ng mga iglesya na nagsisimulang mabilis na lumaganap sa isang pangkat ng mga tao o bahagi ng populasyon. Ang mga bagong alagad at iglesyang ito ay nagsisimulang baguhin ang kanilang mga komunidad habang isinasabuhay ng bagong Katawan ni Cristo ang mga pinahahalagahan ng kaharian.
Kapag nangyayari ang tuloy-tuloy na pagpaparami ng mga iglesya hanggang ika-4 na henerasyon (sa maraming sanga), nakatawid na ang pagtatanim ng iglesya sa isang hangganan tungo sa pagiging isang nagpapatuloy na kilusan. Bagaman maaaring abutin ng mga taon bago ito magsimula, kapag nagsimula na ang isang kilusan, karaniwan naming nakikitang natatawid ang hangganang ito ng ika-4 na henerasyon sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Lalong dumarami ang mga CPM na nagpapasimula ng mga bagong CPM sa loob ng iba pang mga pangkat ng mga tao at bahagi ng populasyon.
Ano ang inyong kahulugan ng iglesya?
Mga Gawa 2:36-47.
Bagaman may iba't ibang kahulugan sa buong mundo, ang karamihan sa mga kilusang ito ay sasang-ayon na ang pangunahing kahulugan ng iglesya ay ang nakikita nating pagkatao at ginagawa ng unang iglesya sa Mga Gawa 2. Sa katunayan, marami sa kanila ang aakay sa isang grupo ng mga alagad na bagong bautismado upang pag-aralan ang Mga Gawa 2 at magsimulang manalangin at pag-isipan kung paano sila magiging ganitong uri ng iglesya. Hinihikayat namin kayong gawin ang pagsasanay na ito sa sarili ninyong iglesya. Ang mga iglesyang ito ay nagpapatuloy sa pag-aaral at pagsasabuhay ng marami pang aspekto ng pagiging iglesya mula sa Bagong Tipan. Hinihikayat namin kayong magkaroon ng kahulugan ng iglesya na hindi hihigit at hindi kukulang sa ibinibigay sa atin ng Bagong Tipan.
May mga CPM ba sa Biblia?
Ang Mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya ay isang makabagong termino upang ilarawan ang nangyayari na sa buong kasaysayan ng Iglesya.
Walang alinlangang may mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya na mula pa noong unang siglo ng panahong Kristiyano. Kailangan lamang ninyong basahin ang nasa pagitan ng mga linya upang makita ang mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya bilang kuwento sa likod ng pag-angat ng Kristiyanismo mula kay Cristo hanggang kay Constantino. Sa kanyang aklat ng Mga Gawa, iniulat ni Lucas na: “ang lahat ng Judio at Griego na naninirahan sa lalawigan ng Asya ay nakarinig ng salita ng Panginoon.” (Mga Gawa 19:10) Pinuri ni Apostol Pablo ang mga taga-Tesalonica na sa pamamagitan nila ay “ang mensahe ng Panginoon…ay nakilala sa lahat ng dako,” (1 Tesalonica 1:8) at malapit sa katapusan ng kanyang buhay ay nagpahayag: “wala nang lugar para sa aking paggawa sa mga rehiyong ito,” (Roma 15:23) dahil sa kanyang hangaring “ipangaral ang Ebanghelyo kung saan hindi pa kilala si Cristo.” (Roma 15:20)1
Laban ba sa mga tradisyonal na iglesya ang pamamaraang CPM?
Ginagamit ng Diyos ang lahat ng uri ng iglesya upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin sa mundo. Lahat tayo ay bahagi ng Katawan ni Cristo at kailangan nating parangalan ang isa't isa. Napagtatanto namin na ang kasaysayan ng iglesya at ang kasalukuyang mga katotohanan sa buong mundo ay malinaw na nagpapakita na hindi maisasakatuparan ang Dakilang Atas gamit lamang ang mga tradisyonal na modelo ng iglesya. Ang dami ng mga mapagkukunang kailangan para sa isang tradisyonal na iglesyang istilong Kanluranin ay hindi nagpapahintulot sa paglagong kailangan upang malampasan ang paglaki ng populasyon, at ang mga padron ng kultura na iniuugnay sa Kanluraning mundo ay madalas na hindi mabuting daluyan sa pagdadala ng Ebanghelyo sa mga di-Kanluranin (na bumubuo sa karamihan ng mga pangkat ng taong hindi pa naaabot sa mundo). Ang pangunahing tulak para sa mga CPM ay ang pag-abot sa mga hindi naaabot at malamang na hindi maaabot ng mga tradisyonal na padron ng iglesya. Ang mga padron ayon sa Biblia na simple at madaling ulitin (gaya ng ginagamit ng Diyos upang magdala ng mga CPM) ang nag-aalok ng pinakamabuting pag-asa para matupad ang Kanyang utos na dalhin ang Magandang Balita sa lahat ng bansa at bayan. Kaya para sa sinumang seryoso sa pag-abot sa mga hindi pa naaabot sa makabuluhang bilang, mariin naming inirerekomenda ang mga padron ng ministeryo na naglalayong magpasimula ng isang CPM.
Bakit ninyo itinataguyod ang mabilis na pagpaparami? Hindi ba nito pinalalaki ang posibilidad ng erehiya?
Sa totoo lang, sa pangkalahatan ay mas kaunti ang erehiya sa mga kilusan dahil sa mismong napaka-interaktibong katangian ng paggawa ng mga alagad. Ang erehiya ay binhing inihahasik ng kaaway sa gitna ng mga grupo ng mananampalataya, bahagi man sila ng mga kilusan o ng mga tradisyonal na iglesya. Ang tanong ay hindi kung maghahasik ang kaaway ng ganitong mga problema kundi kung sinasangkapan ba natin ang mga alagad at iglesya upang magbantay laban sa maling mga turo at harapin ang mga ito kapag lumitaw. Maging ang iglesya sa Bagong Tipan ay humarap sa ganitong mga hamon, pero ang pagsasangkap sa mga mananampalataya na umasa sa Kasulatan bilang kanilang awtoridad at pag-aralan nang sama-sama ang Kasulatan bilang katawan (gaya sa Mga Gawa 17:11) ay tumutulong na magbantay laban sa malikhain at mahusay magsalitang mga huwad na guro. Ang erehiya ay karaniwang nagmumula sa maimpluwensiya, masigla at mapanghikayat na mga lider at/o institusyon. Iniiwasan at hinaharap namin ang erehiya sa pamamagitan ng pagbabalik sa Salita ng Diyos at sariling pagtutuwid ayon sa Salita ng Diyos. Ang mga estratehiyang ginagamit namin sa paggawa ng mga alagad ay lubos na nakabatay sa Biblia. Ang mga tanong na lumilitaw ay ibinabalik sa Salita ng Diyos, upang ang Salita ng Diyos ang maging pinagmumulan ng mga sagot, hindi ang mga indibidwal. Ang pagtutok sa paggawa ng mga alagad na nakabatay sa pagsunod sa halip na nakabatay sa kaalaman ay nagbibigay rin ng proteksiyon laban sa erehiya. Sa ibang salita, ang mga alagad ay hindi lamang nakatuon sa pagkakamit ng kaalaman, kundi ang sukatan ng kanilang pagiging alagad ay ang pagsunod sa kaalamang iyon.
Humahantong ba sa mababaw na paggawa ng mga alagad ang mabilis na paglago ng isang kilusan?
Ang mababaw na pagiging alagad ay may hilig na mangyari kapag natututuhan ng mga bagong mananampalataya na:
- ang pangunahing inaasahan sa kanila ay ang dumalo sa mga pagtitipon ng iglesya minsan o dalawang beses sa isang linggo.
- ang pagsunod sa Kasulatan ay hinihikayat pero hindi hinihingi.
- ang pinakamahahalagang turo mula sa Diyos ay ihahain sa kanila ng isang lider ng iglesya.
Nakalulungkot, ang mga ito ay kabilang sa mga mensaheng natatanggap ng maraming mananampalataya sa buong mundo.
Ang pinakamabuting paraan upang alagaan ang tunay na pagiging alagad ay sanayin ang mga bagong mananampalataya na:
- makipag-ugnayan sa Salita ng Diyos (ang Biblia) para sa kanilang sarili at tuklasin (kasama ng iba pang mananampalataya) kung ano ang sinasabi nito at kung paano ito umaangkop sa kanilang buhay.
- sundin ang pinaniniwalaan nilang sinasabi ng Diyos na gawin nila sa pamamagitan ng Kanyang Salita.
- ibahagi ang “tunay na kalagayan” ng kanilang buhay sa iba pang mga tagasunod ni Jesus, ipanalangin at palakasin ang loob ng isa't isa, at isabuhay ang mga utos na “sa isa't isa” ng Bagong Tipan.
- ibahagi ang katotohanan ng buhay kay Cristo sa mga hindi pa nakakikilala sa Kanya.
Ang mga padrong ito ng tunay na pagiging alagad ay nasa puso ng nakikita natin sa mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya.
Hindi ba't uso lamang ang mga kilusan?
Nagkaroon na ng mga kilusan sa buong kasaysayan, kabilang ang nasa aklat ng Mga Gawa, ang kilusang Celtic na pinamunuan ni Patrick, ang kilusang Moravian, ang kilusang Wesleyan, ang muling pagsiglang Welsh, at iba pa. Ang bagong alon na ito ng mga kilusan ay nagsimula noong 1994, 24 na taon na ang nakararaan, at lumalaki nang eksponensiyal hanggang sa kasalukuyan na may mahigit 650 natukoy na kilusan.
Gaya ng unang iglesya, ang mga kilusang ito ay—sa teknikal na pananalita—“magulo.” Puno ang mga ito ng mga tao at ng kahinaan ng tao at ng kalakasan ng Diyos sa kabila ng mga kahinaang iyon. Kung mayroon kayong iba pang mga tanong o ibang mga sagot, ikagagalak naming makipag-usap. Maaari kayong sumulat sa amin sa info@2414now.net.
Mga tala
- David Garrison, http://www.missionfrontiers.org/issue/article/10-church-planting-movement-faqs Bumalik sa teksto
Unang inilathala sa Mission Frontiers 41:1 (Ene./Peb. 2019), pp. 38-40. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


