SINIMULAN NI LUCAS ANG AKLAT NG Mga Gawa sa pagsasabi sa atin na ang sinimulang gawin at ituro ni Jesus ay patuloy na Niyang ginagawa ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga alagad na binigyang-kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ang kuwento ni Lucas tungkol sa unang iglesya ay ang kuwento ng masiglang Salita ng Ebanghelyo na lumalago, lumalaganap, at dumarami na nagbubunga ng mga bagong alagad at mga bagong iglesya. Narating natin ang wakas ng Mga Gawa ngunit hindi natatapos ang kuwento. Si Pablo ay nasa ilalim ng house arrest habang naghihintay ng paglilitis; samantala, patuloy na lumalaganap sa buong mundo ang Salitang hindi mapigilan. Malinaw ang ibig sabihin ni Lucas: nagpapatuloy ang kuwento sa pamamagitan ng kanyang mga mambabasa na may Salita, Espiritu at atas na gumawa ng mga alagad at magtanim ng mga iglesya.
Sa buong kasaysayan ng iglesya, nakikita nating nagpapatuloy ang padrong ito: ang Salitang lumalabas sa pamamagitan ng mga ordinaryong tao, ang mga alagad at iglesyang dumarami. Habang gumuguho noon ang Imperyong Romano, tinawag ng Diyos ang isang binatang nagngangalang Patrick. Nanirahan siya sa Britanya na sakop ng Roma ngunit dinukot at ipinagbili bilang alipin ng mga mananalakay na taga-Ireland. Nag-iisa at desperado, dumaing siya sa Diyos na nagligtas sa kanya. Nang maglaon, binuo niya ang kilusang pangmisyonero ng mga Celt na naging dahilan ng pag-eebanghelyo at pagtatanim ng humigit-kumulang 700 iglesya, una sa buong Ireland at pagkatapos ay sa malaking bahagi ng Europa sa sumunod na ilang siglo.
Dalawandaang taon matapos ang Repormasyon, wala pa ring plano o estratehiya ang mga Protestante na dalhin ang Ebanghelyo hanggang sa dulo ng daigdig. Iyan ay hanggang sa gamitin ng Diyos ang isang batang maharlikang Saxon upang baguhin ang isang nag-aawayang grupo ng mga relihiyosong refugee. Noong 1722, binuksan ni Count Nikolaus Zinzendorf ang kanyang lupain sa mga inuusig na relihiyosong tumututol. Sa pamamagitan ng kanyang pamumunong tulad ng kay Cristo at ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, nabago sila tungo sa unang kilusang pangmisyonero ng mga Protestante, na kilala bilang mga Moravian.
Sina Leonard Dober at David Nitschmann ang mga unang misyonerong isinugo ng mga Moravian. Sila ang naging mga tagapagtatag ng kilusang Kristiyano sa gitna ng mga alipin sa West Indies. Sa sumunod na 50 taon, nag-iisang gumawa ang mga Moravian, bago dumating ang sinumang ibang Kristiyanong misyonero. Pagsapit noon, nakapagbautismo na ang mga Moravian ng 13,000 bagong mananampalataya at nakapagtanim ng mga iglesya sa mga isla ng St. Thomas, St. Croix, Jamaica, Antigua, Barbados, at St. Kitts.
Sa loob ng dalawampung taon, nasa Arctic na ang mga misyonerong Moravian sa gitna ng mga Inuit, sa timog Africa, sa gitna ng mga katutubong Amerikano sa Hilagang Amerika, at sa Suriname, Ceylon, China, India, at Persia. Sa sumunod na 150 taon, mahigit 2,000 Moravian ang nagboluntaryong maglingkod sa ibang bansa. Pumunta sila sa mga pinakaliblib, pinakamahirap, at pinakapinababayaang lugar. Ito ay isang bagong bagay sa paglaganap ng Kristiyanismo: isang buong pamayanang Kristiyano—mga pamilya gayundin ang mga walang asawa—na nakatalaga sa pandaigdigang misyon.
Nang sumiklab ang Digmaan ng Kalayaan ng Amerika noong 1776, umuwi ang karamihan sa mga ministrong Metodistang Ingles. Iniwan nila ang animnaraang miyembro at isang batang misyonerong Ingles na nagngangalang Francis Asbury na isang alagad ni John Wesley.
Huminto si Asbury sa pag-aaral bago siya tumuntong ng labindalawang taon upang maging aprentis ng isang panday. Ang kanyang pagkaunawa sa halimbawa, mga pamamaraan at turo ni Wesley ang nagbigay-daan sa kanya na iangkop ang mga ito sa isang bagong larangan ng misyon habang nananatiling tapat sa mga prinsipyo.
Hindi lamang nakaligtas ang Metodismo sa Digmaang Rebolusyonaryo, lumaganap pa ito sa buong lupain. Nalampasan ng Metodismo sa ilalim ni Asbury ang pinakamalalakas at pinakamatatag na denominasyon. Noong 1775, 2.5% lamang ng kabuuang kasapian ng iglesya sa Amerika ang mga Metodista. Pagsapit ng 1850, tumaas ang kanilang bahagi sa 34%. Naganap ito sa panahong higit na mas mahigpit ang mga kinakailangan ng mga Metodista para sa pagiging miyembro kaysa sa ibang mga denominasyon.
Ang Metodismo ay isang kilusan. Naniniwala sila na ang Ebanghelyo ay isang masiglang puwersa sa mundo na nagdadala ng kaligtasan. Naniniwala sila na ang Diyos ay makapangyarihan at personal na naroroon sa buhay ng bawat alagad, kabilang ang mga Aprikanong Amerikano at kababaihan, hindi lamang ang mga klero. Naniniwala rin sila na tungkulin at priyoridad nila ang abutin ang mga taong naliligaw at magtanim ng mga iglesya sa buong bansa.
Malaki ang naging pakinabang ng Metodismong Amerikano mula sa pagpapasimunong gawain ni John Wesley at ng mga Metodistang Ingles. Malaya mula sa mga hangganan ng tradisyonal na lipunang Ingles, natuklasan ni Asbury na lalo pang nakatagpo ng tahanan ang kilusang Metodista sa isang mundo ng pagkakataon at kalayaan.
Habang lumalaganap ang kilusan sa pamamagitan ng pagpapagal ng mga batang naglalakbay na mangangaral, napanatili ng Metodismo ang pagkakabuklod nito sa pamamagitan ng isang malinaw na sistema ng pamayanan. Nanatiling magkakaugnay ang mga Metodista sa pamamagitan ng isang ritmo ng mga class meeting, love feast, quarterly meeting at camp meeting. Pagsapit ng 1811, may 400-500 camp meeting na idinaraos taun-taon, na may kabuuang dumalo na mahigit isang milyon.
Nang mamatay si Asbury noong 1816, may 200,000 Metodista. Pagsapit ng 1850, may isang milyong Metodista na pinangungunahan ng 4,000 naglalakbay na mangangaral at 8,000 lokal na mangangaral. Ang tanging organisasyong mas malawak pa ay ang pamahalaan ng Estados Unidos.
Kalaunan, nawala ang alab ng Metodismo at nanatag upang tamasahin ang mga naabot nito. Sa prosesong iyon, isinilang nito ang kilusang Holiness. Si William Seymour ay isang mangangaral ng Holiness na may desperadong hangaring makilala ang kapangyarihan ng Diyos. Anak siya ng mga dating alipin, isang janitor at bulag ang isang mata. Pinili ng Diyos ang di-inaasahang taong ito upang pasiklabin ang isang kilusang nagsimula noong 1906 sa isang hindi na ginagamit na gusali ng mga Metodista sa Azusa Street.
Ang mga pagtitipong puno ng damdamin ay tumatagal nang buong araw hanggang sa gabi. Walang sentral na koordinasyon ang mga pagtitipon, at bihirang mangaral si Seymour. Tinuruan niya ang mga tao na dumaing sa Diyos para sa pagpapakabanal, sa kapuspusan ng Banal na Espiritu, at sa banal na pagpapagaling.
Agad na kumalat ang mga misyonero mula sa Azusa Street patungo sa buong mundo. Sa loob ng dalawang taon, nadala na nila ang Pentecostalismo sa ilang bahagi ng Asya, Timog Amerika, Gitnang Silangan, at Africa. Sila ay mahihirap, hindi nasanay, at hindi handa. Marami ang namatay sa larangan. Ginantimpalaan ang kanilang mga sakripisyo; ang mga kilusang Pentecostal/karismatiko at mga kaugnay nito ang naging pinakamabilis lumago at pinakamagkakaiba-iba sa buong mundo na pagpapahayag ng pandaigdigang Kristiyanismo.
Sa kasalukuyang bilis ng paglago, magkakaroon ng isang bilyong Pentecostal pagsapit ng 2025, karamihan sa kanila ay nasa Asya, Africa, at Latin America. Ang Pentecostalismo ang pinakamabilis lumawak na kilusan—panrelihiyon, pangkultura, o pampulitika—kailanman.
Nagtatag si Jesus ng isang kilusang pangmisyonero na may atas na dalhin ang Ebanghelyo at paramihin ang mga alagad at iglesya saanman. Puno ang kasaysayan ng mga halimbawa ng mga kilusang tulad mismo ng sa aklat ng Mga Gawa; iilan lamang ang aking binanggit. Tatlong mahahalagang elemento ang kinakailangan para sa mga kilusan ni Jesus: ang Kanyang masiglang Salita, ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu at ang mga alagad na sumusunod sa iniutos ni Jesus.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 40:1 (Ene./Peb. 2018), pp. 29-31. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


