Noong 1890, ang Korea ay isang tangway na hindi pa rin naaabot, na may mga 100 Cristiano lamang. Isang maliit na grupo ng mga misyonero ang nakarinig tungkol sa radikal na mga ideya ni John Nevius, at inanyayahan siyang pumunta at turuan sila tungkol sa kaniyang hindi tradisyonal na mga pamamaraan ng pagtatanim ng iglesya at pag-eebanghelyo. Binago ng dalawang-linggong paglalakbay na iyon ang kasaysayan, at ang mga pamamaraan ni Nevius ang naging gabay na mga prinsipyo ng misyon sa Korea sa sumunod na 50 taon. Sa katunayan, maraming mananalaysay ng iglesya ang naniniwala na ang dalawang-linggong paglalakbay ni Nevius sa Korea ay maaaring siyang naging dalawang pinakamaimpluwensiyang linggo sa kasaysayan ng makabagong misyon.
Humiwalay si Nevius sa kaniyang mga kapwa misyonero sa pamamagitan ng paggigiit na ang mga lokal na manggagawa ay dapat sumuporta sa sarili, mamuno sa sarili at magpalaganap sa sarili mula pa sa simula. Bagaman marami ang pumuri kay Nevius sa bandang huli, itinuring si Nevius na isang mapanganib na radikal sa kaniyang panahon. Gumugol siya ng halos 30 taon ng gawaing pangmisyonero sa pagsisikap na mapagamit sa iba ang kaniyang mga pamamaraan, at labis siyang nadismaya.
Matapos ang mga dekadang iyon ng pagkadismaya sa Tsina, habang nakikita ang ibang misyonero na gumagamit ng mga pamamaraang hindi mabisa upang maabot ng Ebanghelyo ang Tsina, sumulat si Nevius ng ilang artikulo tungkol sa kaniyang mga pamamaraan. Inilathala ang mga ito noong 1890 sa journal ng mga misyonero na Chinese Recorder (Shanghai, Tsina). Noong 1899, muling inilathala ang mga ito sa ilalim ng pamagat na Planting and Development of Missionary Churches.
Isa sa kaniyang mga radikal na ideya ay na “dapat hikayatin ang mga iglesya na lumago sa pamamagitan ng pagsusupling sa parehong paraan ng halamang strawberry. Tuwing may mananampalatayang nagbabalik-loob, dapat siyang maging aktibong ahente sa pag-abot sa ibang tao.” Bukod dito, ayaw niyang bumuo ng mga lider na magtutuon sa pangangaral. Sa palagay niya, masyadong matagal bago makabuo ng mga mangangaral na makapagsasalita nang wasto at malinaw sa mahabang panahon, at hindi bahagi ng kultura ng Korea noong panahong iyon ang pakikinig sa mahahabang talumpati. Kaya halos imposible para sa isang mangangaral na mapanatili ang atensiyon ng mga nakikinig sa anumang makabuluhang haba ng panahon. Kaya sa halip ay nagtuon si Nevius sa pagpaparami ng mga guro—ngunit ang mga gurong ito ay naiiba sa tradisyonal na pananaw sa isang guro.
Itinuturing ng marami ang pamamaraan ni Nevius para sa sistematikong pag-aaral ng Biblia bilang kaniyang pinakamahalagang prinsipyo, lalo na ang paraan ng pagpapakilos niya sa mga laykong lider upang paramihin ang mga pag-aaral na ito ng Biblia saanman. Dinadala niya ang mga mananampalataya sa isang lugar sa loob ng ilang linggo, tinuturuan sila ng isang serye ng mga kuwento sa Biblia at mga pangunahing aralin, at pagkatapos ay pinauuwi sila upang ituro ang mga kuwento at aralin sa iba. Nakatuon ang mga kuwento at aralin sa paglalapat ng mga prinsipyo ng Biblia sa kanilang sariling pang-araw-araw na buhay (kasama ang pagsasaulo ng mga talata ng Biblia, pagsasaulo ng Kredo ng mga Apostol at ilang iba pang bagay).
Ang mga indibiduwal na ito (mga guro, o mas tumpak, mga gumagawang alagad) ay babalik sa sarangbang—ang “silid-tanggapan” ng kanilang mga bahay—at aanyayahan ang kanilang mga kaibigan. Muli nilang isasalaysay ang mga kuwento at aralin sa iba, at ipasasaulo sa kanila ang parehong mga bagay. Inaasahang ang sinumang dumalo sa aralin sa sarangbang ay pupunta rin at ibabahagi ang mga kuwento at aralin sa Biblia sa kanilang mga kapitbahay. Ang lahat ay mag-aaral, at kasabay nito ay inaasahang ang lahat ay magiging guro, na agad na ipinapasa sa iba ang kanilang natutuhan.
Hindi nagtuon si Nevius sa pagtatanim ng mga iglesya sa tradisyonal na kahulugan. Nagtuon siya sa pagpaparami ng kaniyang pagsasanay sa paggawang alagad, kung saan tinitipon niya ang mga tao at itinuturo sa kanila ang mga kuwentong dapat nilang dalhin at paramihin sa iba.
Nahirapan si Nevius na ipatupad ang kaniyang mga ideya sa Tsina. Iniugnay niya ang hirap na ito sa katotohanang ang mga tradisyonal na pamamaraan (ang “Lumang Sistema” gaya ng tawag niya rito) ay karaniwan sa maraming misyonero at mga iglesyang naitanim na sa buong Tsina. Kapag nagsimula na ang mga iglesya sa tradisyonal na paraan, nahihirapan silang magbago, lalo na kapag may kasangkot na tulong mula sa ibang bansa.
Gayunman, nang pumunta si Nevius sa Korea, hindi niya hinarap ang problemang iyon, dahil nasa kamusmusan pa lamang ang gawain sa Korea. Walang mga tradisyonal na istrukturang makikipagpaligsahan sa kaniyang mga pamamaraan. Ang “Pamamaraang Nevius” ay itinuring lamang bilang ang paraan ng paggawa ng ministeryo. Dalawang linggo lamang siya roon, nagsasanay ng iba. Sa kasamaang palad, tatlong maiikling taon lamang ang lumipas, namatay si Nevius; at hindi niya kailanman nalaman ang epekto ng kaniyang dalawang-linggong paglalakbay sa tangway.
Kung ihahambing ang gawain sa Korea sa gawain sa Tsina, napakabagal ng “Lumang Sistema.” Mga 46 na taon matapos dumating ang mga unang misyonero, mga 350 lamang ang mga bagong mananampalataya. Noong 1927, (matapos ang mga 120 taon ng pagkakaroon ng mga misyonero) idinaing ng misyonerong si Robert Speer na ang mga Presbyterian ay may 32 lamang na iglesyang Presbyterian na sumusuporta sa sarili sa buong Tsina. Matapos ang 100 taon ng ministeryo, ang mga Cristiano sa lahat ng denominasyon sa Tsina ay umabot sa mga 178,000. Maaaring mukhang malaking bilang ito, ngunit ihambing ito sa nangyari sa Korea.
Ang Korea, kung saan isinagawa ang Planong Nevius halos mula pa sa simula, ay nakakita ng malaking pagkakaiba. Pagsapit ng mga 1930 (matapos ang 46 na taon lamang ng gawaing pangmisyonero ng mga Protestante), ang Korea ay may mahigit 200,000 Cristianong bagong mananampalataya (kung ihahambing sa 350 sa Tsina matapos ang 46 na taon). Pagsapit ng panahong iyon, ang bilang ng mga Cristianong taga-Korea ay lumampas na sa bilang ng mga Cristiano sa buong Tsina, kahit na ang pagsisikap ng misyon sa Tsina ay nagsimula nang mas, mas maaga. Samantalang ang unang 100 taon ng gawaing pangmisyonero sa Tsina ay nagbunga ng 178,000 Cristiano, ang unang 100 taon ng gawaing pangmisyonero sa Korea (1984) ay nagbunga ng 6,000,000 Cristiano!
Siyempre, alam natin na kalaunan ay sumabog ang paglago ng iglesya sa Tsina. Gayunman, nangyari ito pangunahin matapos ang 1945, nang umalis na sa Tsina ang mga banyagang misyonero. Pinilit nito ang mga iglesya sa Tsina na yakapin ang marami sa mga mithiin ni Nevius, dahil wala na silang ibang mapagpipilian.
Karaniwang sumasang-ayon ang mga misyonero at mga lider ng iglesya sa Korea na ang mga prinsipyo ni Nevius ang naging susi sa pag-eebanghelyo sa Korea. Dahil sa sumasabog na paglagong ito ng Ebanghelyo, tinawag ang Pyongyang na Jerusalem ng Silangan.
Tandaan: dalawang linggo lamang ang kabuuang ginugol ni Nevius sa Korea!
Para sa talakayan: Anong mga prinsipyo ng kilusan ang nakikita ninyo sa kuwentong ito?
Unang inilathala sa Mission Frontiers 43:1 (Ene./Peb. 2021), pp. 31-32. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


