Ang Pangwakas na Layunin
Sa nakalipas na ilang taon, isang hindi gaanong tahimik na rebolusyon ang lumalaganap sa mundo ng frontier missions. Ang rebolusyong iyon ay kinapapalooban ng mga kilusan—mga Kilusan ng Kaharian. Nagsimula silang lumitaw sa aming (kay David Garrison) radar noong dekada 90. Inilarawan namin (ni David) ang mga kilusan bilang “mabilis na dumaraming mga katutubong iglesyang nagtatanim ng mga iglesya na lumalaganap sa isang pangkat ng mga tao o bahagi ng populasyon.” Para sa higit pa tungkol dito, tingnan ang aking (kay David) aklat, Church Planting Movements, WIGTake Resources, 2004. Para sa karaniwang mga panukat, maaari kayong maghanap ng mga parameter gaya ng:
- 1000 o higit pang tao na lumalapit kay Cristo,
- Sa loob ng medyo maikling panahon (12-18 buwan)—mabilis na dumarami—at
- Apat o higit pang sanga ng paglago sa parehong pangkalahatang lungsod/rehiyon/tribo/bayan.
Ang pariralang “apat o higit pang sanga” ay maaaring unawain bilang apat o higit pang genealohikal na “puno” na magkakahiwalay ngunit magkakaugnay (Para sa higit pa tungkol sa mga kilusan at mga case study, tingnan, halimbawa, ang aking (kay David) A Wind in the House of Islam, Monument, CO: WIGTake Resources, 2014).
Noong Hunyo 2020, nakatagpo ang mga mananaliksik ng katibayan ng 1,369 na kilusan na kinapapalooban ng mahigit 76 milyong tao at 4.8 milyong grupo o simpleng iglesya (tingnan ang dashboard sa https://2414now.net/resources/). Ang datos na ito ay tumuturo sa isang malawakang pagbabago sa misyon. Ito ang kumakatawan sa nag-iisang pinakamakabuluhang pagbabago sa pandaigdigang estratehiya ng misyon sa nakalipas na siglo. Milyun-milyong bagong tagasunod ang lumuluwalhati kay Jesu-Cristo bilang Diyos at bilang Panginoon ng kanilang buhay. Ito ang pangwakas na layunin ng misyon at ng Iglesya. Ito ang layunin kung saan tayo tinawag.
Sa gitna ng mga ahensiyang pangmisyon, iglesya at misyonero, naging karaniwan na ang mga inisyal gaya ng CPM (Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya) at DMM (Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad), kung minsan ay ginagamit nang magkasingkahulugan, habang sa ibang pagkakataon ay inilalarawan ayon sa kanilang pagkakaiba. Ang totoo—walang iisang tao o tanggapan na nagtatakda ng mga estratehiya at pamamaraan. Minsan ay pabirong sinabi sa akin ng isang tagapagsanay, “Ang pinakamabisang sesyon ng pagsasanay ay palaging ang katatapos mo lamang.” Sa katunayan, natutukso ang bawat isang tagapagpatupad na magpasyang ang kanyang pamamaraan ang pinakaayon sa Biblia, pinakamabisa at pinakamahusay na paraan upang gawin ito. Totoo, maaaring bahagi nito ay dahil lahat tayo ay nakararanas ng iba't ibang “gilid” ng paglago ng kaharian—at bihirang magmukhang eksaktong pareho ang mga ito sa bawat isang kaso. Dahil dito, hilingin sa limang bulag na ilarawan ang elepanteng kahahawak pa lamang nila—at maaaring makakuha kayo ng limang magkakaibang sagot depende sa kung aling bahagi ng elepante ang nahawakan nila—kahit iisang hayop lamang ang nahawakan nilang lahat. Kaya bagaman mayroon na tayong medyo malinaw na larawan ng layunin, may pagkakaiba-iba ng mga papel na maaaring gampanan ng sangkatauhan sa paghahanda ng entablado para sa Banal na Espiritu upang magdala ng isang kilusan.
Ang Pangunahing Lugar ng Panalangin
Gayunman, sa kabila ng pagkakaiba-iba sa estratehiya at pamamaraan, tila totoo sa lahat ng dako at sa lahat ng panig na ang lahat ng kilusang ito ay nagsimula sa pagbibigay-diin sa panalangin para sa mga naliligaw (Garrison, 2004). Malamang na iyon ang nag-iisang pangunahing estratehiyang pinagkakasunduan ng lahat. Sa sarili naming (kay Doug) ahensiya (Team Expansion), sinimulan na naming subaybayan kung ilang oras kaming nananalangin para sa mga naliligaw sa bawat isa sa aming mga rehiyon. Ang panalangin ay mula sa pagiging isang seremonya bago kumain o dalawang-minutong panalangin sa isang pangkatang pagsamba ay naging pangunahing estratehiya sa pagsisimula sa bawat larangan!
Ang Heograpiya ng mga Kilusan sa Ngayon
Sa kabila ng napakalaking paglago sa buong mundo, sa kasamaang palad, napakakaunti (iilang dakot) sa mga kilusang iyon ang sinasabing nagaganap sa Kanluran (tingnan ang 24:14 Dashboard.1) Samantala, parami nang parami ang mga iglesyang nakasaksi at nakasasaksi ng sunud-sunod na patotoo ng mga kilusan sa ibang bansa. Dahil dito at sa iba pang dahilan, tila makatwirang itanong, “Anong mga estratehiya, kung mayroon man, ang makapagpapalago ng mga CPM/DMM sa Hilagang Amerika? Paano natin maaalis ang mga hadlang sa mga kilusan upang magawa ng Espiritu ng Diyos dito ang ginagawa Niya sa ibang lugar?” Ito ay patuloy na mga tanong na walang malinaw na sagot. Nagtatanong ang mga lider ng mga iglesya ng lahat ng laki, “Gagana ba ang pamamaraang ito sa Hilagang Amerika?” Natutuhan nila sa mahirap na paraan na maging walang-awa at walang-tigil sa pagsusuri sa inaakala nilang mga bagong plano at programa. Sa katotohanan, ang mga estratehiya ng CPM/DMM ay hindi mga panlilinlang o kahit mga pamamaraan. Ang mga ito ay mga gawi sa buhay, mga estratehiya at mga tagubilin ayon sa Biblia. Dahil dito, tila mas kritikal ngayon kaysa kailanman na maingat nating ilarawan kung ano ang ibig nating sabihin kapag sinasabi nating “mga estratehiya ng CPM/DMM.”
Mga Prinsipyo at Gawi sa Buhay
Kung tatanggapin natin na mabuting bagay ang makitang maraming tao ang lumalapit kay Cristo, halos tinanggap na rin natin ang katotohanang mabuti ang mga kilusan. Kung gayon, ang tanong ay nagiging: paano natin sila mahihikayat dito sa Hilagang Amerika? At, sa pangkalahatan, paano tayo maaaring mamuhay, kapwa bilang indibidwal at bilang komunidad, upang palaguin ang mga kilusan sa buong mundo?
Gaya ng nabanggit na namin, walang mga sagot na tinatanggap ng lahat. Pero sa pagsusulat ng artikulong ito, literal na daan-daang tagapagsanay at tagapagpatupad ang aming tinanong. Buong-pagpapakumbaba naming iminumungkahi na ang mga pamamaraan ng CPM/DMM ay karaniwang naghahangad na magbangon ng masisiglang grupo ng mga tagasunod ni Cristo na, sa pamamagitan ng pananagutan sa isa't isa, ay humihiling sa Diyos na bigyan sila ng kakayahang maging mga alagad na karapat-dapat paramihin habang mabilis silang nagpaparami sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Kanyang Banal na Espiritu—kapwa sa kanilang kapitbahayan at sa buong mundo—ng mga alagad, lider, grupo o simpleng iglesya at mga kilusan.
Mga Nangungunang Tagapagpahiwatig at mga Nahuhuling Tagapagpahiwatig
Sa pag-aaral ng ekonomiya, inuuri ng mga mananaliksik sa negosyo ang ilang panukat ayon sa kanilang tiyempo. Ang “mga nangungunang tagapagpahiwatig” (leading indicators) ay mga pangyayari o gawi na makapaghuhula ng magiging pagganap sa hinaharap. Dahil nangyayari ang mga ito bago ang isang partikular na pagbabago sa ekonomiya, maaaring hubugin ng isang tao ang isang gawing pang-ekonomiya sa pag-asang magdudulot ito ng magandang resulta. Ginagabayan tayo ng mga nangungunang tagapagpahiwatig sa prosesong iyon.
Sa kabilang banda, ang “mga nahuhuling tagapagpahiwatig” (lagging indicators) ay madalas na nangyayari pagkatapos ng isang pagbabago sa ekonomiya. Ang mga ito ay sukatan ng tagumpay o kabiguan at, dahil dito, madalas na wala ang mga ito sa ating direktang kontrol (para sa higit pa tungkol dito, tingnan ang https://en.wikipedia.org/wiki/Economic_indicator). Kaya para sa ating layunin, ang mga nahuhuling tagapagpahiwatig ay higit na palatandaan na kumikilos ang Diyos sa ating gitna.
Marahil, sa pagsasabuhay ng mga prinsipyo at gawi sa buhay na maaaring humantong sa CPM/DMM, dapat tayong matuto mula sa mga ekonomista. Nais naming imungkahi na mas magtuon tayo sa mga nangungunang tagapagpahiwatig at hindi gaanong mag-alala sa mga nahuhuling tagapagpahiwatig. Bilang sangkatauhan, wala tayong kapangyarihan sa mga nahuhuling tagapagpahiwatig. Hindi natin maaaring “itakda sa ating kalooban” na dadami ang bunga sa loob ng apat na henerasyon. Hindi natin maaaring biglang pilitin ang 1000 na sumunod kay Cristo (sinubukan na iyan ng ilang pinuno, pero tila hindi naging maganda ang kinalabasan). Hindi natin maaaring manipulahin ang mga tao upang bumuo ng 100 iglesya. Ito ang karaniwang “mga nahuhuling tagapagpahiwatig” na nagpapakita ng mga kilusan.
Ang magagawa natin ay pag-usapan ang mga nangungunang tagapagpahiwatig. Makokontrol natin kung gaano kadalas tayong nananalangin. Makagagawa tayo ng pasya (kung mayroon tayong sapat na determinasyon) kung ilang beses natin ibabahagi ang “ating kuwento” at/o ang “kuwento ng Diyos.” Makapagbibigay tayo ng mga estruktura ng pananagutan para sa pagsunod sa naririnig ng mga tao mula sa Panginoon at para sa pagpapasa sa iba ng itinuturo sa kanila ng Diyos. Sadya nating masasangkapan ang bawat mananampalataya na pakainin ang sarili at magparami sa iba't ibang paraan. Maaari pa nga nating pagpasyahan kung gaano kadalas natin aanyayahan ang mga tao na lumahok sa isang grupo (at kung gaano natin sinasanay ang iba na gawin din ito). Ang lahat ng salik na ito ay nasa ating kontrol. Sa kapangyarihan ng Diyos, nagkaroon kami ng pagkakataong maging bahagi, masaksihan at/o pag-aralan ang mga kilusan sa buong mundo. Mula sa lahat ng karanasang ito, kung may napagpasyahan man kami, ito ay kung isasagawa man lamang natin ang isang hanay ng mga simple at maaaring ulitin na mga gawaing nangungunang tagapagpahiwatig, ginagawa natin ang ating bahagi. Ang ating panalangin ay kailangang palaging ito: na piliin ng Diyos na gawin ang natitira.
Habang Nananalangin Tayo, Ano ang Ating Gagawin? Sino ang Kailangan Nating Maging?
Sa ngayon, itinuro namin ang pangunahing lugar ng panalangin. Gayunman, bilang mga taga-Hilagang Amerika, nais din nating malaman kung ano ang maaari nating GAWIN. Kapansin-pansin, tila kasinghalaga, kung hindi man higit pa, na itanong: ano ang kailangan nating MAGING?
Narito ang ilang konklusyong nabuo ng 24:14 network. Umaangkop ang mga ito sa mga estratehiya ng CPM/DMM sa buong mundo—at ipinapalagay na makatutulong din ang mga ito sa Hilagang Amerika. Inilalarawan ng 24:14 network ang pamamaraang CPM/DMM bilang isa kung saan:
- May kamalayan na Diyos lamang ang makapagpapasimula ng mga kilusan, pero ang mga alagad ay makasusunod sa mga prinsipyo ng Biblia upang manalangin, magtanim at magdilig ng mga binhing maaaring humantong sa isang dumaraming kilusang tulad ng sa aklat ng Mga Gawa. Diyos Lamang ang Makagagawa Nito!
- Ang pokus ay gawing alagad na nagpaparami ang bawat tagasunod ni Cristo sa halip na bagong mananampalataya lamang.
- Ang bawat tagasunod ay nagkakaroon ng mga padron ng pag-uugali ng madalas at regular na pananagutan sa pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos at pagpapasa ng mga ito sa iba sa isang mapagmahal na kapaligiran. Nangangailangan ito ng pamamaraan ng maliit na grupo kung saan nakikilahok ang lahat.
- Ang bawat alagad ay sinasangkapan sa komprehensibong paraan (gaya ng pagpapaliwanag at pagsasabuhay ng Kasulatan, isang buo at balanseng buhay-panalangin, pagganap bilang bahagi ng mas malaking Katawan ni Cristo at mahusay na pagtugon sa pag-uusig/pagdurusa) upang sila ay gumanap hindi lamang bilang mga mamimili, kundi bilang mga aktibong ahente ng pagsulong ng kaharian.
- Ang bawat alagad ay binibigyan ng bisyon kapwa sa pag-abot sa kanilang network ng mga ugnayan at sa pagpapalawak ng kaharian hanggang sa mga dulo ng daigdig na inuuna ang pinakamadidilim na lugar (taglay ang kaisipang “wala nang matitirang lugar” – Roma 15:23). Sinasangkapan sila upang makapaglingkod at makipagtuwang sa iba pang bahagi ng Katawan ni Cristo sa dalawang kapaligirang ito.
- Ang mga grupo o simpleng iglesyang nagpaparami ay sadyang binubuo bilang bahagi ng proseso ng pagpaparami ng mga alagad. Ang layunin sa mga pamamaraang CPM/DMM ay ang mga alagad, grupo o simpleng iglesya, lider at kilusan ay maaaring dumami nang walang hanggan sa kapangyarihan ng Espiritu.
- Ang diin ay wala sa partikular na mga “taktika” kundi sa mga saligang prinsipyo ng Biblia ng mga dumaraming Kilusan ng Kaharian.
Mga Grupo sa Loob ng Mas Malaking Komunidad ng mga Mananampalataya
Maraming tagapagsagawa ng mga estratehiya ng Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad ang nag-ulat na mabisang gumagana ang mga pamamaraang ito kapag nagsisimula ng pag-abot sa isang bagong lugar. Ang tanong na kinakaharap natin sa Hilagang Amerika ay higit sa lahat—gagana rin ba ang mga ito sa loob at sa gitna ng mga matatag nang iglesya? Tila kaayon nga ang mga ito ng pagpaparami ng iglesya sa Bagong Tipan. Marami sa mga pangunahing prinsipyo ang tila pinakaangkop sa “mga komunidad ng maliliit na grupo,” pero hindi ba't dapat nating magawang pag-ugnayin ang maliliit na grupong ito bilang mga kumpol sa loob ng mas malalaking konteksto (halimbawa, isang megachurch o isang network ng mga iglesya sa buong lungsod)? Ang mga komunidad na ito, na bubuuin ng isang kalipunan ng mga pagtitipon ng maliliit na grupo, ay maaaring magsagawa ng mahahalagang tungkulin gaya ng pagpapaunlad ng pamumuno, interaktibong pagdiriwang at malalim na pamamagitang panalangin sa mas malaking antas ng rehiyon o lungsod. Higit pa rito, kapag nagsisimula ang mga bagong kilusan at nasa yugto ng maliliit na grupong nakatatayo sa sarili, tila makatwiran dito sa Hilagang Amerika na pagtibayin ang kanilang kasapatan kay Cristo at suportahan ang pagtutok sa pagbibigay-kakayahan sa bawat alagad na maging gumagawa ng mga alagad.
Bilang Buod: Ang Ating Pinakamalaking Pananagutan ay ang Pag-aalis ng mga Hadlang
Muli, dahil sa karunungan ng pagtutok sa tungkulin nang higit sa anyo, napakahalagang idiin na, bilang sangkatauhan, ang tanging magagawa natin ay sumunod at magsikap na ilagay ang ating sarili sa gitna ng kalooban ng Diyos. Ang layunin ay alisin ang pinakamaraming hadlang hangga't maaari sa pag-asang pipiliin ng Diyos na kumilos sa ating gitna. Alam nating kaya Niya. Hindi natin eksaktong mahuhulaan kung bakit o kailan Niya ito gagawin. Kung pipiliin Niyang kumilos, iyon ay dahil SIYA ang nagpasya. Dahil dito, mahalagang linawin: Hindi natin maaaring “gawin ang CPM/DMM.” Tila isang pagkakamali kahit ang paggamit ng pariralang iyon, “Gagawin ko ang CPM/DMM.” Ang CPM/DMM ay hindi isang bagay na ginagawa natin. Diyos lamang ang makapagpapangyari ng isang kilusan. Ang mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad ay hindi nagaganap dahil sa isang pamamaraan o isang mahiwagang baston. Ang mga ito ay tuwirang bunga ng Espiritu ng Diyos. Kung ito ang ating konklusyon, kung gayon, ang sagot sa tanong sa pamagat ng artikulong ito ay tiyak na, oo! Isinulat ni propeta Isaias na isasakatuparan ng Diyos ang anumang Kanyang nilayong gawin. (Isa. 46:10)
Mga tala
- https://2414now.net/wp-content/uploads/2020/09/2414_Movement_Data_Dashboard_06-01-20.pdf?c0a51c&c0a51c) Bumalik sa teksto
Unang inilathala sa Mission Frontiers 43:1 (Ene./Peb. 2021), pp. 8-11. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


