Naaalala ko ang sandaling iyon, halos 50 taon na ang nakararaan, na para bang kaninang umaga lamang. Isa akong maliit na batang nangangarap tungkol sa lahat ng bagay; at, ginugugol ko ang aking mga araw sa paglalaro bilang sundalo, cowboy, pinuno ng mga Indian, at anumang iba pang malaking papel. Ngunit nang Linggong iyon ng umaga, nakaupo ako sa silong ng aming maliit na iglesyang Assemblies of God at naghihintay na magsimula ang “Children’s Church.” Sa pagbabalik-tanaw, napagtatanto ko ngayon na ang aking karanasan sa Children’s Church ay malamang na katulad ng halos anumang ibang pagtitipon para sa mga bata sa America noong dekada 1960. Umawit kami ng mga awit, nagsaulo ng mga talata sa Biblia, at saka binigyan ng isang kuwento sa Biblia ng isang boluntaryong guro. Ngunit nang Linggong iyon, bilang isang batang lalaki at tagasunod ni Jesus, natutunan ko ang isang awit na nagbago sa aking buhay magpakailanman:
Nagpasya akong sumunod kay Jesus (3 ulit)
Di na tatalikod, di na tatalikod
Kahit walang sumama, susunod pa rin ako (3 ulit)
Di na tatalikod, di na tatalikod
Ang krus sa harap ko, ang mundo’y sa likod ko (3 ulit)
Di na tatalikod, di na tatalikod.
Bagaman masyado pa akong bata upang maunawaan ang mga ibubunga ng aking pasya, nangako ako nang araw na iyon na gawin mismo iyon—ang sumunod kay Jesus. Iyon ang pasimula ng pamumuhay para sa isang bagay na napakalaki kaya ang Diyos lamang ang makagagawang posible nito. Ang sumunod kay Jesus at wala nang iba. Ang humayo nang mag-isa kung kailangan, at piliin ang krus at hindi ang kulturang nakapalibot sa akin.
Pagsapit ng aking pagkatinedyer, nilalamon ko ang kasindaming talambuhay ng mga Lider Kristiyano/Misyonero na matatagpuan ko: Samuel Morris, Hudson Taylor, C.T. Studd, William Carey, at marami, marami pang iba. Naakit ako sa kagandahang matatagpuan sa ganap na sakripisyo at sa kasiyahang natuklasan ng mga “bayaning” ito sa pagtalikod sa lahat para sa Diyos. Nangako ako habambuhay na mamuhay nang may sakripisyo at gugulin ang aking sarili sa bawat pagkakataon para sa kaluwalhatian ng Diyos.
Sa aking pagkagulat, ang panghabambuhay na pangakong “iwala ang aking buhay upang matagpuan ito” (Mateo 16:24-25) ay nagkaroon ng di-inaasahang mga bunga. Noong nasa kolehiyo ako, natutunan ko na ang aking pangako ay madalas na itinuturing ng iba na kakatwa o labis. Sa loob ng ilang panahon, nakipagbuno ako sa katotohanang hindi ako bagay sa iba at nag-isip na ibaling ang aking pokus tungo sa American dream. Gayunman, di nagtagal, narinig kong may sumipi sa panawagan ni San Francisco Javier na “talikuran ang inyong maliliit na ambisyon” at napagpasyahan kong matatagpuan ko lamang ang ganap na kasiyahan kung gugugulin ang aking buhay para sa Diyos.
Halos isang dekada ang lumipas, binuksan ko ang aklat na Perspectives on the World Christian Movement, at nabasa ko ang isang artikulong tumulong sa aking maunawaan kung saan ako “bagay.” Iyon ang artikulo ni Ralph Winter tungkol sa pamumuhay na pampanahon ng digmaan, kung saan tinawag niya ang mga tagasunod ni Jesus sa mga priyoridad ng pamumuhay na “pampanahon ng digmaan.” Kung paanong ang isang marangyang barkong pampasahero noong panahon ng kapayapaan na karaniwang nagsasakay ng 3,000 pasahero ay naging tagapagdala ng mga sundalo noong WWII na nagsasakay ng 15,000 sundalo, iminungkahi ni Winter na ang mga Kristiyanong nakatuon sa Dakilang Atas na nananatili sa sarili nilang bansa ay yumakap sa isang sinasadya at simpleng pamumuhay na katulad ng sa mga misyonero, upang maituon ang mga mapagkukunan sa pagtupad sa Dakilang Atas. Nilamon ko ang artikulo, binasa itong muli, ibinahagi ito sa aking asawa, nagsimulang pag-usapan ito sa seminaryo at, kalaunan ay nangakong hahanapin at sasali sa isang “tribo ni Jesus” na lubos na nakatalaga sa paggawa ng lahat ng posible upang makitang sinasamba si Jesus sa gitna ng bawat wika, tribo at bansa. Alam ko na ang tanging paraan upang sumunod kay Jesus at hindi na kailanman tumalikod ay ang mamuhay ng isang “pamumuhay na pampanahon ng digmaan.”
Halos 30 taon ang lumipas; ang mga naunang pagpapasyang iyon na ginawa ng aking asawa, at pagkatapos ng aming mga anak, na mamuhay nang simple, may sakripisyo at may estratehikong pokus ay naglagay na sa amin ngayon sa isang di-inaasahang “tribo” ng magkakatulad ang isip na mga tagasunod ni Jesus. Nagsimula ang paglalakbay sa madadaling pagpili: pamumuhay nang mas mababa sa aming kaya; pagtuon sa pagtataas ng aming pamantayan sa pagbibigay, sa halip na pagpapalaki ng aming pamantayan sa pamumuhay; pagpiling maging sinasadya sa aming pagkamapagbigay; pag-aaral na makipagtulungan sa iba para sa mas malaking kabutihan; at, pagtatamasa ng mga gantimpala ng isang buhay na puno ng mga pakikipagsapalaran para sa Kaharian. Di nagtagal, ang mga naunang pagpapasyang iyon na ginawa namin ang siyang humubog sa amin. Ngayon ay itinutulak kami ng isang marubdob na pagnanais na dalhin ang Magandang Balita sa mga hindi pa kailanman nakarinig…at gawin ito kasama ng isang tribo ni Jesus na binubuo ng mga taong may parehong pangako.
Huwag kayong magkamali; ang pagpiling mamuhay ng isang pamumuhay na pampanahon ng digmaan ay patuloy na salungat sa nakagawiang pag-iisip ng maraming Kristiyanong nakatuon sa Dakilang Atas at madalas na hindi nauunawaan ng iba. Ang bawat isa sa amin, sa kanya-kanyang paraan, ay tumalikod sa pribilehiyo ng kung ano ang “nararapat na sa amin” upang maranasan ang mas dakilang kasiyahan ng presensya ng Diyos sa paglilingkod sa mga Hindi Pa Naaabot.
Sa daan ng paglalakbay na ito ng pamumuhay na pampanahon ng digmaan para kay Jesus, nakatagpo kami ng lahat ng uri ng mga taong sumali sa aming “tribo”: mga itinakwil, mga inuusig, mga nakalimutan at mga itinuturing na hindi kwalipikado. Nakaugnay namin ang mga dating terorista na ngayon ay nabubuhay lamang para sa kaluwalhatian ng pangalan ni Jesus; mga bangkero, negosyante, at entrepreneur na ginagamit ang kanilang husay upang pasiglahin ang Kaharian; mga kusinero, pastol ng kamelyo, tagahugas ng pinggan, at mga lingkod na nagtutulungan upang sagipin ang mga tao mula sa pagkaalipin. Ang ilan sa amin ay nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sila ay pinatay dahil sa pananampalataya; ang iba sa amin ay nagdusa at inusig dahil sa aming pananampalataya. Ang ilan ay tumalikod sa mga kilalang karera, o sa mga posisyong tanyag, samantalang ang iba ay piniling mamuhay sa mga anino at manatiling ganap na hindi kilala. Magkakasama naming pinagsasama-sama ang aming mga panalangin, ang aming mga mapagkukunan, at ang aming mga kalakasan at tumatakbo kami papasok sa gitna ng kaguluhan. Patuloy naming itinatanong sa Panginoon kung gaano kalaki ang maisusugal namin para sa Kanya. Sa aming kagalakan, ang mga ginabayan namin at inaruga bilang mga ama ay nagbabangon na ngayon ng sarili nilang magkakatulad ang isip na mga espirituwal na anak na lalaki at babae. Parami nang parami ang mga pamilyang sumasali sa maliit na tribong ito ni Jesus.
Bawat taon, itinatanong namin kung ilan pang Lahing Hindi Pa Naaabot at Wala Pang Nagsisimula ng Ministeryo ang maaari naming ibigin, kalingain at pasimulan sa gitna nila ang mga kilusan ng pagtatanim ng iglesya. Ang aming pangako sa isang pamumuhay na pampanahon ng digmaan ay nagbibigay-kakayahan sa amin na mabuhay para sa Hari at para sa araw kung kailan ang Kanyang pangalan ay itataas nang higit sa bawat pangalan at sasambahin sa gitna ng bawat wika, tribo at bansa.
Hindi namin posibleng malaman kung anong pagbabago ang sa huli ay magagawa ng aming buhay para sa walang hanggan. Ngunit alam namin ito: ang aming pagpiling mamuhay ng isang pamumuhay na pampanahon ng digmaan ay nagpalaya sa amin upang mabuhay para sa Kanya.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 40:1 (Ene./Peb. 2018). Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


