MAHIGIT 20 TAON NA ANG NAKARARAAN nang unang pumasok sa ating bokabularyo ng misyon ang terminong Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya. Noong panahong iyon, namamangha kami sa di-pangkaraniwang paglitaw ng mga iglesyang nagpaparami ng mga iglesya sa bilis na nabasa lamang namin sa aklat ng Mga Gawa sa Bagong Tipan. Sa pag-asang matuto mula sa mga pambihirang gawang ito ng Diyos, nagmakinilya ako ng isang 57-pahinang naglalarawang buklet noong 1999, na tinawag na "Church Planting Movements."
Ang maliit na buklet na iyon ay umikot sa buong mundo, na may mga katutubong salin sa mahigit 40 wika (tingnan ang bit.ly/cpmbooklet). Lumabas na ang apat na kilusang una naming inilarawan ay simula lamang ng isang alon ng Kaharian na magdadala ng milyun-milyong bagong mananampalataya sa mga sumunod na taon.
Sa ngayon, patuloy na natututo ang Katawan ni Cristo ng mga bagong paraan upang ilapat ang masisiglang prinsipyo ng CPM. Ginagamit ng Diyos ang mga tapat na lingkod upang pasimulan ang mga bagong kilusan sa mga kontekstong Hindu, Muslim, sekular, urban, rural, Kanluranin at di-Kanluranin sa buong mundo.
Narito ang limang maiikling sulyap kung paano ginagamit ng Diyos ang mga prinsipyo ng CPM upang magbunga ng ani sa Africa, Asia, Haiti at Florida.
Mga Kilusan ng Diyos sa Gitna ng mga Hindi Pa Naaabot sa Silangang Africa
Isinulat ni Aila Tasse
Si Aila Tasse ang nagtatag at direktor ng Lifeway Mission, at bahagi siya ng East Africa CPM Network.
Sa pamamagitan ng mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad), kamangha-manghang mga bagay ang naganap sa gitna ng mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot sa Silangang Africa. Mula noong 2005, nakakita kami ng 5,500 hanggang 6,000 bagong iglesyang naitanim, na may karaniwang laki na 20 hanggang 35 katao bawat iglesya. Maraming sanga ang nagsimula, na dumarami tungo sa iba pang mga CPM. Sa Rwanda, nasa ika-11 henerasyon na ng mga bagong iglesya ang kilusan. Sa Kenya, nasa ika-9 na henerasyon. Kumikilos ang Diyos sa 11 bansa kabilang ang Tanzania, Burundi, Uganda, at maging sa Sudan sa kabila ng digmaan.
Lumaki ako sa Hilagang Kenya sa gilid ng disyerto. Isang araw habang nananalangin ako, binigyan ako ng Diyos ng isang pangitain. Ipinakita Niya sa akin ang 14 sa 22 pangkat ng mga taong hindi pa naaabot sa Kenya, na lahat ay naninirahan sa disyertong iyon.
Nadama kong tinatawag ako ng Diyos ngunit ayaw kong tanggapin ang tawag. Dumanas ako ng napakaraming pag-uusig mula sa aking pamilya at komunidad kaya gusto kong lisanin ang lugar. Noong panahong iyon, walang mga Cristiano sa gitna ng mga katutubong tao. Ang lahat ng iglesya roon ay binubuo ng mga taong nagtatrabaho para sa pamahalaan o sa mga NGO.
Noong 1998, sinimulan kong tuparin ang pangitain ng Diyos, at sa sumunod na ilang taon ay sinimulan kong ipatupad ang mga prinsipyo ng CPM. Sineryoso ko ang paglalapat ng mas simpleng padron ng iglesya na mas madaling ulitin. Dalawa pang mahahalagang salik na tumulong sa akin na magparami ng mga iglesya ay ang ideya ng pagtulong sa mga tao na tuklasin ang katotohanan (sa halip na may magsabi nito sa kanila) at ang pagsunod bilang karaniwang padron ng pagiging alagad. Ang estratehiya ng Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad (DMM) ay nakatuon sa mga Discovery Bible Study (DBS), pag-aaral ng Biblia sa paraang pagtuklas, kung saan ipinakikilala ang mga naliligaw na tao sa Kasulatan at sila mismo ang tumutuklas sa katotohanan at sumusunod sa anumang sinasabi ng Diyos sa kanila. Hindi sila pinipilit ng estratehiyang ito na magpalit ng relihiyon; sa halip, nakatuon ito sa Kasulatan at sa sinasabi ng Banal na Espiritu sa tao sa pamamagitan nito. Tinutulungan sila ng lider ng DBS na makarinig mula sa Diyos, na kumikilos nang makapangyarihan sa kanila.
Sa ngayon, nakapagsimula na kami ng ministeryo sa lahat ng 14 na UPG sa disyerto at lumampas pa roon. Ngayon ay pinag-uusapan na namin ang 300 pangkat ng mga taong hindi pa naaabot ayon sa Joshua Project (joshuaproject.net). Isa-isang bansa ang pinagtatrabahuhan namin sa Silangang Africa, nananalangin at nakatuon sa mga pinakakaunting naaabot, at sa mga pinakakaunting may nagsimula ng ministeryo.
Inutusan tayo ni Jesus na gumawa ng mga alagad (hindi mga bagong mananampalataya) habang tayo ay humahayo, hanggang wala nang espasyong hindi naaabot ng isang pandaigdigang pagsabog ng mga alagad. Hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng pagtatanim at pagpapalago ng mga iglesya nang paisa-isa. Hindi ito mangyayari sa pagsisikap na magtayo ng mga megachurch o sa pagbabayad sa iilang tao upang subukang gawin ito. Naniniwala kami na ang tanging paraan upang matupad ng Iglesya ang Dakilang Atas ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga alagad na gumagawa ng mas marami pang alagad.
Nakikita naming ginagamit ng Diyos ang maraming tao at grupo, at pinupuri namin ang Diyos para sa network at pagtutulungan ng 24:14. Kailangan nating magtulungan bilang Katawan ni Cristo. Kailangan nating matuto mula sa iba, gayundin ay ibahagi ang ating natututuhan.
Lumalaganap ang Diyos sa Buong Timog Asia
Ang Pamilyang Walker at si Phoebe
Sinimulan ng pamilyang “Walker” ang gawaing cross-cultural noong 2001. Noong 2006, sumali sila sa Beyond (www.beyond.org) at noong 2011 ay sinimulan nilang ilapat ang mga prinsipyo ng CPM. Sumama sa kanila si “Phoebe” noong 2013. Lumipat si Phoebe at ang pamilyang Walker sa magkaibang bansa noong 2016, at sinusuportahan nila ang mga kilusan mula sa malayo.
Bago nagsimula ang Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM) sa aming lugar, ang dalawa naming pambansang katuwang ay mga full-time na Cristianong manggagawa sa puso ng bansa. Kapwa sila may puso para sa kaharian ng Diyos, ngunit ang CPM ay malayong-malayo sa kanilang paradigma.
Matapos dumalo sa isang dalawang-linggong pagsasanay sa CPM, naging sinadya ang aming paggawa ng mga susunod na hakbang tungo sa pagpapasimula ng isang CPM, at inalis namin ang lahat ng pagsisikap sa ministeryo na hindi mahalaga. Kabilang sa aming bagong paraan ang:
- personal na pagsunod (isang shema na pagsaksi para kay Cristo at paghahanap ng mga taong magbubukas ng kanilang sambahayan sa Ebanghelyo)
- mas maraming panalangin
- pagbabahagi ng pangitain sa mga dati nang mananampalataya upang makipagtulungan sa gawaing ito
- pagsasanay sa mga interesadong Cristiano
- pagtanggap ng pag-coach mula sa mga nauna sa amin.
Noong Hulyo 2012, nagtipon ang isa sa aming mga katuwang ng 15 lalaki mula sa iba’t ibang distrito. Nagsimula kaming magtipon para sa mga pagsasanay na tumatagal nang 1.5 hanggang 2 araw, humigit-kumulang minsan sa isang buwan. Karamihan ay mga mananampalatayang may pinagmulang Cristiano, habang ang ilan ay mga mananampalatayang may pinagmulang Hindu. Nang simulang ilapat ng marami ang mga prinsipyo ng CPM, mabilis silang nakakita ng bunga. Ang aming pambansang katuwang ang naging punong coach at tagapagpalakas-loob ng grupong ito.
- Pagsapit ng Disyembre 2012, may 55 Discovery Bible Group na pang-abot, na lahat ay binubuo ng mga naliligaw na tao.
- Pagsapit ng Disyembre 2013, may 250 grupo (mga iglesya at grupong pagtuklas).
- Pagsapit ng Disyembre 2014, may 700 iglesya, at tinatayang 2,500 ang nabautismuhan.
- Pagsapit ng Disyembre 2015, may 2,000 iglesya, at tinatayang 9,000 ang nabautismuhan.
- Pagsapit ng Disyembre 2016, may 6,500 iglesya, at tinatayang 25,000 ang nabautismuhan.
Sa prosesong ito, narito ang ilan sa maraming aral na natutuhan namin:
- Nag-aalok ang Mateo 10, Lucas 9 at 10 ng isang mabisang estratehiya sa pakikipag-ugnayan sa mga naliligaw na tao.
- Ang mga himala (pagpapagaling at/o pagpapalaya mula sa demonyo) ay palagiang bahagi ng pagpasok ng mga tao sa Kaharian.
- Ilang ulit naming pinasimple ang proseso ng Discovery Study. Binago rin namin ang aming istilo ng pagsasanay upang Salita lamang ang gamitin, sa halip na mga kasangkapan at pamamaraan ng iba.
- Binigyang-diin namin ang mapagmahal na pagsunod kay Jesus at ang pagpapasa ng bawat isa sa pagsasanay. Natuklasan naming mas mabuting magpakalalim sa pagpapalakas sa mga naglalapat ng mga prinsipyo ng CPM, kaysa magtuon sa paggawa ng mas maraming pagsasanay.
- Bilang mga taga-labas, ang aming papel ay ituro kung kailan sumusunod ang gawain sa tradisyon sa halip na sa Salita. Magagawa lamang ito nang may pagkasensitibo sa kultura at lumalagong tiwala, hindi bilang isang pag-atake.
- Magtuon sa pag-abot sa mga sambahayan, hindi sa mga indibidwal.
- Gamitin ang Discovery Bible Study (DBS) kapwa sa mga pre-church at sa mga iglesya.
- Napakalaking tulong ang murang rechargeable na mga speaker na may mga serye ng kuwento sa mga memory card, na nagbigay-kakayahan sa mga taong hindi marunong o kaunti lamang ang alam bumasa na magtanim ng mga iglesya sa pamamagitan ng pakikinig sa Kasulatan. Humigit-kumulang kalahati ng mga iglesya ay naitanim sa pamamagitan ng paggamit ng mga speaker na ito.
- Nagbigay ang mga leadership circle ng pangmatagalan at maaaring ulitin na pagme-mentor sa isa’t isa para sa mga lider.
- Ang panalanging pamamagitan ay napakahalagang bahagi ng estratehiya, ngunit gayundin ang pakikinig (panalanging nakikinig) para sa direksyon ng Diyos sa mga desisyon sa estratehiya.
Palagiang umaabot ang kilusan sa ika-4 na henerasyon sa maraming lugar. Sa ilang lokasyon, umabot na ito sa ika-18 henerasyon. Hindi lamang ito iisang kilusan, kundi maraming kilusan, sa apat o higit pang heograpikong rehiyon, maraming wika at maraming relihiyosong pinagmulan.
Mga Kilusan ng Kaharian sa Gitna ng mga Muslim sa Timog-silangang Asia
Isinulat ni Yehezkiel
Naglilingkod si Yehezkiel bilang Mission Director ng isang Baptist Church sa Timog-silangang Asia. (zmm399@pmbx.net)
Nakatuon ang aming network ng ministeryo sa pagsisimula ng mga kilusan sa mga sentrong rehiyon ng mga Muslim sa Timog-silangang Asia. Ang mahalagang batong-panulok ng pagtatanim ng iglesya ng aming network ay ang Ebanghelyo mismo. Ang Ebanghelyo ang nagsisilbing una naming panala kapag nakikisalamuha kami sa mga tao. Sa unang pagkakataong makatagpo namin ang sinuman, ibinabahagi namin ang Ebanghelyo sa simula ng aming pag-uusap: saanmang lugar, anumang oras, at sa sinuman. Sa pamamagitan ng paglalahad ng Ebanghelyo, sinisimulan namin ang proseso ng pagtatanim ng isang kongregasyon sa pamamagitan ng bagong lokal na mananampalatayang ito.
Itinuturing naming henerasyon 0 ang tagapagtanim ng iglesyang taga-labas (kahit pa siya ay isang mamamayan ng bansa). Ang lokal na tao (henerasyon 1 o G1) na nakarinig ng Ebanghelyo at tumugon sa pamamagitan ng pananampalataya ay binabautismuhan, ginagawang alagad at agad na sinasanay upang abutin ang kanyang pamilya, mga kaibigan at mga kakilala. Kapag ibinahagi ng mananampalatayang G1 ang Ebanghelyo sa kanyang mga kakilala at sila ay sumampalataya, agad na binabautismuhan, ginagawang alagad at sinasanay ng lokal na mananampalataya ang mga bagong mananampalataya. Ang grupong ito ay nagiging isang iglesya sa tahanan na G1, at ang lokal na mananampalataya ang lider nito.
Regular na nagtitipon ang mga mananampalataya linggo-linggo sa iglesya sa tahanan na G1 upang sambahin si Jesus, ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon at sama-samang pag-aralan ang Salita ng Diyos gamit ang isang gabay na ibinibigay namin. Napakabilis nilang inaako ang pananagutan sa pag-abot sa kanilang network ng mga ugnayan. Ang mga mananampalatayang G1 ay ginagawang alagad at sinasanay upang gumawa ng alagad at magsanay ng iba at magtatag ng mga pagtitipon sa tahanan kasama ang mga bagong taong naaabot nila.
Ang iglesya sa tahanan ay nagsisilbing sentro ng pagsusugo kung saan ang lahat ng kalahok ay sinasangkapan upang maging mga tagapagtanim ng iglesya. Bawat linggo pagkatapos ng pagsamba, bawat miyembro ng pagtitipon ay lumalabas upang abutin, gawing alagad at sanayin ang iba. Ang mga sumasampalataya ay agad na binabautismuhan, ginagawang alagad at sinasanay upang abutin ang kanilang network ng mga kakilala at tipunin sila sa isang iglesya sa tahanan.
Nagpapatuloy ang prosesong ito nang may pangangasiwa, pagsusuri at palagiang pagsasanay. Sa ganitong paraan, nakapagtatag kami ng libu-libong pagtitipon sa tahanan. Sa nakalipas na ilang taon, sampu-sampung libo ang sumampalataya at nabautismuhan, hanggang 20 henerasyon. Ang aming network ng ministeryo ay umabot din sa iba pang lugar upang tulungan ang mga manggagawa sa ibang mga isla at mga pangkat etniko sa Timog-silangang Asia.
Ang prosesong ito ng pagpaparami ang ibig naming sabihin sa Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya. Nangangailangan ang paraang ito ng pangmatagalang pangako, na may tuloy-tuloy na pagsusuri at pagsubaybay na hindi naglalagay sa panganib sa mismong proseso ng pagtatanim ng iglesya.
Mataas na priyoridad ang awtonomiya ng mga iglesya sa tahanan. Mabilis na sinasangkapan ang mga lider upang maangkin nila ang ministeryo. Bilang mga lider na Gen 0, mabilis naming ibinibigay sa mga lokal na lider ang awtoridad na gampanan ang lahat ng tungkulin ng isang iglesya. Sila ang nagbabautismo, tumatanggap ng mga tao sa pagtitipon, nagtuturo ng Salita ng Diyos, nagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon at iba pa. Tinatawag namin ang prosesong ito ng pagsasangkap na “Magpakita ng Halimbawa, Tumulong, Magmasid at Magbigay-kapangyarihan.” Nagsisimula ang prosesong ito sa sandaling sumampalataya ang mga tao. Pinaplano at inilalapat ang awtonomiya mula pa sa simula.
Hindi lamang nauunawaan ng mga mananampalataya sa kilusang ito ang pinakalayunin kundi mabisa rin nilang isinasabuhay ang pamumuhay na tumutupad sa layuning iyon. Ang aming trabaho ay tiyakin na patuloy na naipapasa ang pag-unawa at gawing ito sa bawat bagong mananampalataya at iglesya sa tahanan, henerasyon pagkatapos ng henerasyon.
Pagsulong Tungo sa Wala Nang Matitirang Lugar (No Place Left) sa Haiti
Isinulat ni Jephte Marcelin
Si Jephte Marcelin ay tubong Haiti, na nagpapagal upang makitang wala nang matitirang lugar kung saan hindi pa naipakikilala ang Ebanghelyo. Sa edad na 22, tinanggihan ni Jephte ang isang maningning na kinabukasan bilang isang doktor upang sundin ang plano ng Diyos para sa kanyang buhay bilang isang tagapagpasimula ng kilusan. Maaari siyang makontak sa marcelinjephte22@gmail.com.
Isa ako sa mga lingkod sa No Place Left Haiti. Ang aming pangitain ay tapat na sumunod kay Jesus sa pamamagitan ng paggawa ng mga alagad na gumagawa ng mga alagad, pagtatanim ng mga iglesyang nagtatanim ng mga iglesya, at pagpapakilos ng mga misyonero patungo sa mga bansa hanggang wala nang matitirang lugar. Ginagawa namin ito sa pamamagitan ng pagpasok sa mga bakanteng bukid, pagbabahagi ng Ebanghelyo sa sinumang makikinig, paggawang alagad sa mga tumutugon, pagbubuo sa kanila bilang mga bagong iglesya, at pagbabangon ng mga lider mula sa kanila upang ulitin ang proseso. Nangyayari ito sa maraming iba’t ibang lokasyon sa Haiti. Habang nagtitipon ang mga iglesyang ito sa mga tahanan, sa ilalim ng mga puno, at kung saan-saan, nakikita naming may mga bagong lider at pangkat na ibinabangon mula sa ani.
Isang magandang halimbawa nito si Joshua Jorge, isa sa aming mga lider ng pangkat. Nagpapagal siya para sa wala nang matitirang lugar sa Ganthier, isang lugar sa Timog-silangang Haiti. Kamakailan, isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga “Timoteo,” sina Wiskensley at Renaldo, sa isang lugar na tinatawag na Anse-à-Pitres. Ayon sa halimbawa ng Lucas 10, humayo sila nang walang dagdag na baon at naghanap ng isang sambahayan ng kapayapaan. Pagdating nila, agad silang nagsimulang ibahagi ang Ebanghelyo sa bahay-bahay, hinihiling sa Panginoon na akayin sila sa mga taong inihanda ng Diyos. Makalipas ang ilang oras, nakatagpo sila sa kalye ng isang lalaking nagngangalang Calixte. Habang ibinabahagi nila sa kanya ang pag-asang matatagpuan lamang kay Jesus, tinanggap niya ang Ebanghelyo at ibinigay ang kanyang buhay kay Jesus.
Tinanong nina Wiskensley at Renaldo si Calixte kung saan siya nakatira, at dinala niya sila sa kanyang tahanan. Pumasok sila sa bahay, ibinahagi si Jesus sa buong pamilya niya, at pinili nilang lahat na sumunod kay Jesus nang araw ding iyon. Ginugol ng dalawang embahador na ito ang sumunod na apat na araw kasama ang pamilyang ito, sinasanay sila at isinasama sila sa ani upang magbahagi sa kanilang mga kapitbahay. Sa loob ng apat na araw na iyon, 73 tao ang nagbalik-loob at sumampalataya kay Jesus, 50 sa kanila ang nabautismuhan, at bumuo sila ng isang bagong iglesya sa tahanan ni Calixte. Patuloy na bumalik sina Wiskensley at Renaldo upang sanayin ang ilang umuusbong na lider sa mga simple, biblikal at maaaring ulitin na kasangkapan. Sa loob lamang ng ilang linggo, dumami na ang bagong iglesyang ito tungo sa dalawa pang iglesya! Purihin si Jesus!
Ang aking bayan ay inapi sa pisikal at espirituwal na paraan sa loob ng maraming henerasyon. Sinasabi ng mga Haitian sa mga tao, “Hindi ka makasusunod kay Jesus hangga’t hindi malinis ang buhay mo.” Sinasabi nila, “Huwag kang magbasa ng Biblia dahil hindi mo ito mauunawaan.” Sinasabi ni Jesus, “Halika, sumunod ka sa akin at gagawin kitang mamamalakaya ng tao.” Ngayon ay nakikinig na kami kay Jesus. Natatagpuan ng mga Haitian ang kalayaan sa Ebanghelyo ng Biyaya. Habang sinusunod namin ang estratehiya ng kaharian ni Jesus na ibinigay sa amin sa mga Ebanghelyo at sa aklat ng Mga Gawa, at tapat na sinusunod ang lahat ng Kanyang utos, gumagawa ng isang dakilang gawain ang Panginoon ng ani. Tunay na nararanasan namin ang isang kilusan ng Espiritu ng Diyos. Libu-libong Haitian ang tumatanggap ng kanilang pagkakakilanlan bilang mga embahador ni Cristo at libu-libong bagong pagtitipon para kay Jesus ang nabubuo. Hindi namin hinahangad na itayo ang sarili naming kaharian, kundi ipinamimigay namin ang kaharian ng Diyos. At pinararami Niya ito!
Sinimulan naming ipatupad ang mga prinsipyo ng kilusan noong Pebrero 2016. Sa ngayon ay sinusubaybayan namin ang pitong sanga ng mga iglesyang nasa ika-4 na henerasyon (at higit pa), na kumakatawan sa mahigit 3,000 bagong iglesya at 20,000 bautismo.
Ang mga Simpleng Bagay ay Lumalago at ang mga Simpleng Bagay ay Dumarami
Isinulat ni Lee Wood
Si Lee Wood, na dating ulila at isang inabuso at lulong na binata, ay tumanggap kay Jesus sa edad na 23, at lubusang nabago ang kanyang buhay. Nakahahawa sa lahat ng nasa paligid niya ang kanyang di-pangkaraniwang sigla. Ang masidhing hangarin ng kanyang puso ay ang gawing alagad ni Cristo ang iba hanggang malaman ito ng buong mundo.
Noong Marso 2013, dumalo ako sa isang Metacamp na pagsasanay sa paggawa ng mga alagad na pinangunahan ni Curtis Sergeant. Ang pokus ay ang pagsunod at ang pagsasanay sa iba kung paano gumawa ng mga alagad na gumagawa ng mga alagad, na humahantong sa pagdami ng mga simpleng iglesya sa tahanan. Dumating ako sa pagsasanay na may masidhing hangarin para sa paggawa ng mga alagad at may malusog na pagkadismaya sa kalagayan ko noon. Naunawaan ko kung bakit tayo tinawag upang gumawa ng mga alagad – upang makilala Siya ng mundo – ngunit nalilito ako kung paano. Sa pagsasanay, natutuhan namin ang paraan at ang kahalagahan ng paggawa ng mga alagad bilang pagpapahayag ng ating pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.
Umalis ako na sabik na ilapat ang mga prinsipyo: ikuwento ang iyong kuwento, ikuwento ang kuwento ng Diyos, bumuo ng mga grupo at sanayin sila na gawin din ito. Agad kaming kumilos, at nakapagsimula kami ng 63 grupo sa unang taon at nagsanay ng iba na gawin din ito. Ang ilang grupo ay dumami hanggang ikaapat na henerasyon. Daan-daang grupo ang nabuo sa unang dalawang taon, ngunit dahil mahina ang follow-up, hindi sila nagpapatuloy o dumarami sa paraang dapat sana. Masyado kaming abala sa pagbubuo ng mga grupo kaya hindi namin nasunod ang lahat ng prinsipyong natutuhan namin.
Salamat na lamang at hindi kami sinukuan ni Curtis. Patuloy niya kaming kinoach, binibigyang-diin ang mga napakahalagang prinsipyo:
- Pangalagaan ang lalim ng inyong ministeryo. Ang Diyos ang mangangalaga sa lawak nito.
- Magbuhos nang malalim sa iilang sumusunod.
- Patuloy na gawin ang ginagawa ninyo at lalo kayong gagaling dito.
- Ang mga simpleng bagay ay lumalago. Ang mga simpleng bagay ay dumarami.
- Sumunod at sanayin ang iba.
Bumalik kami upang iligtas ang anumang maililigtas pa. Nagbuhos kami sa mga malinaw na sumusunod sa tawag (ang hindi paggawa nito ang naging pinakamalaki naming pagkabigo sa mga nauna naming pagsisikap). Sinimulan naming sadyang mag-prayer walk sa ilan sa pinakamasasamang lugar sa Tampa, upang humanap ng mga taong may kapayapaan – mga taong handang tumanggap kay Cristo at ipasa ang Magandang Balita sa kanilang mga ugnayan – sa gitna ng mga pinakamaliit, mga naliligaw at mga huli. Habang mas marami kaming natututuhan, sinimulan naming sanayin ang iba sa lokal at kalaunan sa buong mundo. Nagsimulang dumami ang malulusog na grupo. Lumawak ang kilusan sa iba pang lungsod sa Florida at sa apat na iba pang estado. Sa tulong ng ilan sa mga pinakauna naming alagad, lumawak ito sa sampung iba pang bansa. Sa loob ng dalawang taon, nagsimula kaming magsugo ng mga misyonero sa mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot at wala pang nagsisimula ng ministeryo, mula sa isang ganap na organiko at desentralisadong kilusan.
Sa pakikipagtulungan sa isa pang network, nakapagsugo kami ng mga tagapagsanay sa mahigit 70 bansa kung saan nagsisimula o malayo na ang narating ng mga kusang dumaraming kilusan ng mga taong umaabot sa sarili nilang kababayan para kay Cristo. Bukod dito, nagsimulang pumunta ang iba sa aming lungsod para sa immersion training sa isang umuusbong na modelo ng iglesya sa lungsod, nakikibahagi sa CPM na nagpapabago sa mga komunidad.
Ang lahat ng ito ay nagmumula sa pagbabahagi ng aming mga personal na kuwento kung paano binago ni Jesus ang aming buhay, sa pagkukuwento ng kuwento ni Jesus (ang Ebanghelyo) at sa pagsunod sa ilang simpleng prinsipyo: pagbubuhos nang malalim sa iilan, pagpapanatiling simple, pagkatuto sa pamamagitan ng paggawa, at pagtitiwala sa Diyos para sa kalalabasan.
Paano? Ibigin ang Diyos, ibigin ang kapwa at gumawa ng mga alagad na gumagawa ng mga alagad. Ang mga simpleng bagay ay lumalago at ang mga simpleng bagay ay dumarami.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 40:1 (Ene./Peb. 2018), pp. 17-23. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


