Ano ang pumapasok sa inyong isip kapag nabalitaan ninyo ang isang kilusan ng Diyos kung saan halos 200 iglesya ang nasimulan sa loob ng tatlong taon sa isang liblib na pangkat ng mga tao?
Ano ang pumapasok sa inyong isip kapag nabalitaan ninyo ang isang kilusan ng Diyos kung saan 150,000 iglesya sa lungsod at sa kanayunan ang nasimulan sa loob ng sampung taon?1
Maaaring hindi makapaniwala ang una ninyong maging tugon, na marahil ay susundan ng hinala o pananabik. Gayunman, ang mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM) na tulad nito ay lumalaganap sa buong mundo sa lahat ng uri ng kultura at pananaw sa mundo na panrelihiyon. Sa mga kilusang ito, ang sunud-sunod na henerasyon ng mga alagad at iglesya ay patuloy na lumalampas sa ika-4 na henerasyon sa maikling panahon.
Banyaga ang dating ng mga kilusang ito sa marami sa atin na namuhay sa mas tradisyonal na mga iglesya kung saan matatag na ang Kaharian sa loob ng maraming siglo. Pero ang mga kilusang tulad ng CPM ay hindi lamang isang makabagong pangyayari. Naging katangian na ang mga ito ng Kaharian ng Diyos mula sa Mga Gawa hanggang sa buong kasaysayan ng iglesya.
Kapwa ipinakikita ng Kasulatan at ng kasaysayan ng iglesya na nais ng ating Ama na maging karaniwan ang ganitong mga kilusan kapag natutupad ang Panalangin ng Panginoon: “Dumating nawa ang iyong kaharian dito sa lupa gaya ng sa langit!”
Ituwid ang Pagkaunawa sa Kaharian upang Maituwid ang Pagkaunawa sa Iglesya
Habang ginawang prayoridad ng mga alagad sa buong kasaysayan na makitang sumabog ang Kaharian sa gitna ng mga populasyong naliligaw, madalas nilang nakitang mabilis na dumarami ang mga iglesya, henerasyon sa henerasyon, sa pamamagitan ng mga karaniwang bagong mananampalataya. Sa kasamaang palad, habang nagiging matatag ang mga iglesya, lumilitaw ang hilig na pagsamahin ang mga pagsisikap at higit na magtuon sa pagpapaunlad ng iglesya kaysa sa paglawak ng Kaharian. Aling prayoridad ang tama? Kaharian muna o iglesya muna? Parehong mahalaga, pero upang maituwid ang pagkaunawa sa iglesya, kailangan nating ituwid ang pagkaunawa sa Kaharian.
Mga Ebanghelyo: Ang Prayoridad ng Kaharian
Ang buong ministeryo ni Jesus ay nakatuon sa pagpapasimula ng Kaharian ng Diyos. Ginamit Niya ang salitang “kaharian” nang mahigit 100 beses, samantalang ginamit Niya ang salitang “iglesya” nang dalawang beses lamang. Ang Kanyang mga unang salita sa Marcos ay tungkol sa Kaharian:
“Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Diyos; magsisi kayo at sumampalataya sa ebanghelyo.”(Marcos 1:15, NASB)
Ang salitang “magsisi” ay nangangahulugang baguhin ang inyong buong paraan ng pag-iisip. Ang kasalukuyang panahunan ay nagpapahiwatig ng patuloy na pagkilos—“patuloy na baguhin ang inyong buong paraan ng pag-iisip.” Inilulunsad ni Jesus ang isang kahariang napakaradikal ng kalikasan kaya kailangan nating muling ihanay ang ating buong konsepto ng nais gawin ng Diyos sa atin at sa pamamagitan natin, lalo na kung paano Niya ito gagawin. Kasama rito kung paano tayo namumuhay bilang Iglesya.
Ang pangunahing panalangin ni Jesus ay tungkol sa Kaharian:
“9Kaya manalangin kayo nang ganito: Ama namin na nasa langit, Sambahin nawa ang Iyong pangalan.
10’Dumating nawa ang Iyong kaharian, Mangyari nawa ang Iyong kalooban, Dito sa lupa gaya ng sa langit.’” (Mat. 6:9-10, NASB)
Tinuruan tayo ni Jesus na manalangin na ang ating lungsod, kapitbahayan, bansa o pangkat ng tao ay magpakita ng Kanyang kaluwalhatian at paghahari nang gayon na lamang na para itong langit sa lupa. Hihilingin ba sa atin ni Jesus na ipanalangin ang isang bagay na hindi Niya balak tuparin? Hindi nasisiyahan ang Diyos sa iilang mananampalataya, maliliit na grupo o iglesya sa isang pangkat ng tao o lungsod. Ang pangitain Niya ay isang napakaraming taong sumasamba sa Kanya mula sa bawat pangkat ng tao.
Ang pangunahing misyon ni Jesus ay tungkol sa Kaharian:
“Ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng mga bansa, at saka darating ang wakas.”(Mat. 24:14, NASB)
Ang lahat ng bagay sa kasaysayan ay patungo sa huling hantungang ito.
Ang Kanyang huling pagtuturo sa Mga Gawa ay tungkol sa Kaharian:
“Sa kanila rin Niya ipinakita ang Kanyang sarili na buhay matapos ang Kanyang paghihirap, sa pamamagitan ng maraming nakakukumbinsing patunay, na nagpapakita sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagsasalita tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kaharian ng Diyos.”(Mga Gawa 1:3, NASB)
Ang una, pangunahin at huling mga salita ni Jesus ay tungkol sa pagtatatag ng paghahari ng Hari. Ang mga ito ang nagbubuod sa misyon ng Kanyang buhay. Ang Kanyang misyon ay kailangang maging misyon natin.
Mga Gawa: Pagtatatag ng Kaharian sa Pamamagitan ng Iglesya
Sa Mga Gawa, dalawang beses na mas madalas ginamit ang salitang “iglesya” kaysa sa salitang “kaharian.” Nagaganap na ang susunod na yugto sa estratehiya ni Jesus upang itatag ang Kanyang Kaharian sa lupa—ang pagtatanim ng mga iglesyang nagpaparami bilang mga kinatawan ng pagdating ng Kanyang Kaharian sa lupa.
Pero malinaw sa pag-iisip ng mga unang alagad ang prayoridad ng pagtatatag ng Kaharian sa pamamagitan ng iglesya. Ang kanilang prayoridad ay ang Hari pa rin at ang pag-abot sa mga naliligaw sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Kanyang Kaharian. Halimbawa:
At pumasok siya [si Pablo] sa sinagoga at patuloy na nagsalita nang may katapangan sa loob ng tatlong buwan, nangangatwiran at hinihikayat sila tungkol sa kaharian ng Diyos. . . . Umalis siya mula [sa sinagoga] at isinama ang mga alagad, araw-araw na nangangatwiran sa paaralan ni Tirano. Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon, kaya narinig ng lahat ng nakatira sa Asia ang salita ng Panginoon, kapwa mga Judio at mga Griego. (Mga Gawa 19:8-10 NASB)
Ang naging resulta ay maraming iglesya ang naitatag habang naitatatag ang Kaharian. Sa iisang kilusang ito sa Mga Gawa 19 na binanggit sa itaas, malamang na dose-dosena o higit pang mga iglesya ang nasimulan sa lalawigang ito ng Roma na tinatawag na Asia—mga iglesyang lumago nang malalim at mabilis na lumaganap. Sumasang-ayon ang karamihan sa mga iskolar na sa loob ng dalawang taong ito nasimulan ang pitong iglesya sa Pahayag sa pamamagitan ng mga bagong alagad tulad ni Epafras sa Colosas (Col. 1:7).
Maging ang mga pangwakas na salita ng Mga Gawa ay tungkol sa Kaharian:
At nanatili siya nang dalawang buong taon sa sarili niyang inuupahang tirahan at tinatanggap ang lahat ng pumupunta sa kanya, ipinangangaral ang kaharian ng Diyos at nagtuturo tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo nang buong katapatan, nang walang hadlang. (Mga Gawa 28:30-31, NASB)
Mula sa simula hanggang sa wakas ng ministeryo ni Jesus, ang Kanyang pokus, kapwa nang personal at sa pamamagitan ng Kanyang mga alagad, ay ang paghahari ng Hari.
Alam ni Jesus na kung maitutuwid natin ang pagkaunawa sa Kaharian (paghahari ng Hari), maitutuwid din natin ang pagkaunawa sa iglesya.
Mula Roma hanggang Pahayag: Isang Balanseng Pamamaraan at Isang Babala
Mas madalas ginamit ang salitang “iglesya” mula Roma hanggang Pahayag, halos tatlong beses na mas madalas kaysa sa salitang “kaharian.” Gayunman, patuloy nating nakikita ang balanse ng pagpapalawak ng Kaharian habang itinatatag ang iglesya. Patuloy na pinupuspos ng pangitain ng Panalangin ng Panginoon ang iglesya ng Bagong Tipan at ipinasasailalim ang mga paradigma ng iglesya sa mga pangangailangan ng Kaharian. Sa Pahayag, pinupuri ang isang iglesya dahil ang mga huli nitong gawa ay higit pa sa una (Pah. 2:19), samantalang pinagsasabihan ang iba dahil nawala ang kanilang pangitain at pag-ibig sa Hari (Pah. 2:4). Ang huling iglesyang ito ay ang iglesya sa Efeso na nakakita ng napakabilis na paglago ilang dekada bago nito sa Mga Gawa 19 na binanggit sa itaas.
May aral dito para sa atin: Madali para sa mga iglesya na banayad na ilipat ang kanilang pokus palayo sa Hari at sa Kanyang Kaharian, at madalas ay nahuhumaling sa kanilang sarili at sa sarili nilang mga tagumpay, istruktura o tradisyon. Ang iglesya noon at ngayon ay nanganganib na ulitin ang mga pagkakamaling isinumbat ni Jesus sa mga pinunong Judio:
“At sinabi niya sa kanila, ‘Napakahusay ninyong tanggihan ang utos ng Diyos upang maitatag ang inyong tradisyon!’” (Marcos 7:9 ESV)
Napakadali para sa atin na itaas ang iglesya kasama ang ating mga istruktura, programa at tradisyon nang higit sa pangitain ng pagkilala sa Hari at pagtatatag ng Kanyang Kaharian. Madali nating nakakaligtaan ang pangwakas na pangitain. Kapag iglesya ang inuna natin, nagkakamali tayo sa pagkaunawa sa Kaharian.
Bakit Iglesya?
Gayunman, huwag magkamali: Nasa puso ng plano ng Diyos para sa Kaharian ang Iglesya! Hindi ito iglesya o Kaharian lamang. Ito ay pareho. Kapag isinusuko ng Iglesya ang kanyang sarili sa Hari at sa mga paraan ng Kanyang Kaharian, saka lumilitaw ang Iglesya sa buong kaluwalhatiang nilayon para sa kanya!
Ang plano ng Diyos mula pa sa simula ay tipunin ang lahat ng bagay sa langit sa ilalim ng Kanyang anak na si Jesus:
Inihayag na ngayon sa atin ng Diyos ang kanyang mahiwagang plano tungkol kay Cristo, isang planong tumutupad sa kanyang sariling mabuting kalooban. At ito ang plano: Sa takdang panahon ay pagsasama-samahin niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng kapamahalaan ni Cristo—ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa. (Efe. 1:9-10 NLT)
Gayunman, ang plano ng Diyos ay laging punuin ang sansinukob ng Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya, ang nobya ni Cristo at katawan ni Cristo:
At inilagay Niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng Kanyang mga paa at ibinigay Siya bilang ulo sa lahat ng bagay sa Iglesya, na Kanyang katawan, ang kapuspusan Niya na pumupuno sa lahat ng bagay sa lahat. (Efe. 1:22-23 ESV)
Nilayon ang Iglesya na maging kinatawan sa pagpuno sa buong mundo ng kaluwalhatian ng Diyos—ang Kanyang paghahari bilang Hari—bilang katawan. Nilayon ang Iglesya na maging walang-hanggang kasama ng Anak bilang nobya. Ang Efeso 5 at Pahayag 19-21 ay naglalahad ng isang maluwalhating larawan ng Iglesya na iniharap sa Anak nang walang dungis at nagniningning. Ang buong kasaysayan ay patungo sa paghahanda at paghaharap ng nobyang ito sa Anak.
Ito ang dahilan kung bakit walang pag-aalinlangan kaming nakatuon sa mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya, hindi lamang sa mga kilusan ng mga tao. Hindi kami nagsisimula ng mga iglesya dahil ito ang pinakapraktikal na paraan upang maabot ang mga tao. Nagsisimula kami ng mga iglesya dahil ito ang plano ng Diyos sa Kanyang walang-hanggang Kaharian.
Sa katunayan, lubhang praktikal ang pagsisimula ng mga iglesya, pero iyon ang kagandahan ng disenyo ng Diyos sa pagtatatag ng iglesya bilang nakikitang pagpapahayag at kaparaanan ng Kanyang Kaharian. Madaling mawalan ng pag-usad ang mga bagong mananampalataya sa kanilang espirituwal na paglago kung hindi sila napapabilang bilang bahagi ng mahalagang katawan ni Cristo sa lokal na antas.
Ano ang Kakailanganin Upang Maabot ang Lahat ng Naliligaw? Mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya
Ang kasaysayan ng iglesya mula sa Mga Gawa hanggang sa kasalukuyan ay puno ng mga bagong kilusan ng mga alagad at iglesyang nagpaparami. Sa buong kasaysayan, ang mga lalaki at babae, na pinapasan ang tanong na, “Ano ang kakailanganin upang maabot ang lahat ng naliligaw?” ay nagpasailalim ng kanilang mga kagustuhan, tradisyon at paradigma sa pangitain ng paglawak ng Kaharian.
Sa panahong ang ebanghelismo ng karamihan sa mga matatag nang iglesya at denominasyon ay lubhang nahuhuli sa paglaki ng populasyon, kailangan ng sariwang pagsusuri upang masagot ang simpleng tanong na iyon: “Ano ang kakailanganin upang maabot ang lahat ng naliligaw sa ating henerasyon?” Kailangang dumaing ang mga mananampalataya mula sa lahat ng tradisyon sa Amang nasa Langit nang may parehong mapagpakumbabang pagkadesperado ng unang panalanging iyon: “Ama, padatingin Mo ang Iyong Kaharian dito sa lupa gaya ng sa langit!”
May mga lugar sa mundo kung saan ang bilang ng mga bagong alagad at iglesya ay lumalago nang mas mabilis kaysa sa bilis ng lokal na populasyon, o nagpapakita ng mga palatandaan ng pagkilos sa direksyong iyon. Ang mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya na ito, sa kanilang sari-saring kulay, ay nagpapaalala sa atin ng pangitain ng pagdating ng Kaharian at ng diwa ng Mga Gawa. Ibinabalik nila tayo sa mga makasaysayang kilusan tulad ng kilusang Wesleyan o ng maagang pagtatanim ng iglesya ng mga Baptist. Sa pamamagitan lamang ng mga kilusan kung saan, sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mananampalataya, dala ng bawat alagad ang DNA at kapamahalaan na ipasa ang kanyang natutunan at maaaring magsanay ng iba na gawin din ito, natin makikitang maaabot ang mga naliligaw sa ating henerasyon.
Pagsasakripisyo ng mga Paradigma ng Iglesya para sa Kaharian
Gayunman, sa lahat ng kilusan, lumilitaw ang mga tanong tungkol sa mga bagong anyo, mga bagong paradigma ng iglesya, mga bagong pamamaraan, mga bagong paraan. Si Apostol Pablo man o si John Wesley, ang mga paradigmang ito ay sa simula ay kinukutya ng matatag nang Iglesya. Pero sa pamamagitan ng matinding pagtitiis at pangmatagalang bunga, marami sa mga paradigmang ito ang sa kalaunan ay nagiging karaniwan. Masyadong madalas na ang radikal ngayon ay pangkaraniwan na bukas.
Sa kasaysayan, isinakripisyo ng mga lider ng mga kilusang ito ang kanilang mga inaasahan, paradigma at istruktura para sa ikabubuti ng Kaharian. Ang kanilang hangaring makitang dumating ang Kaharian at masunod ang Salita ang humamon sa kanila na isuko ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay sa pamumuno ng Espiritu. Mas abala sila sa pagtatayo ng Kaharian kaysa sa pagpapanatili ng isang partikular na modelo ng pagiging iglesya. Ang kanilang layunin ay hindi isang perpektong modelo ng iglesya kundi isang perpektong paglaganap ng Kaharian.
Walang iisang biblikal na modelo ng kung ano ang kailangang maging isang iglesya. Nakikita natin ang maraming halimbawa ng mga modelong iniangkop sa kultura sa Kasulatan. May puwang para sa iba’t ibang uri ng iglesya na tumutupad ng natatanging mga tungkulin sa bawat lipunan.
Gayunman, sa pagtupad sa pangitain ng Panalangin ng Panginoon, alang-alang sa pag-abot sa lahat ng naliligaw, madalas naming itinataguyod ang mga iglesyang maaaring paramihin na maaaring lumaganap nang walang katapusan sa isang lipunan sa pamamagitan ng mga kamay ng mga karaniwang mananampalataya na pinangungunahan ng Espiritu.
Kumikilos ang Espiritu sa makapangyarihang mga paraan sa buong mundo. Lagi tayong nasa parehong panganib na hinarap ng mga pinunong panrelihiyon noong panahon ni Jesus, ang patigasin ang ating mga pamamaraan at istruktura laban sa Espiritu:
“Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kung gagawin ito, puputok ang mga sisidlang-balat at matatapon ang alak at masisira ang mga sisidlang-balat. Kundi inilalagay ang bagong alak sa mga bagong sisidlang-balat, at kapwa naiingatan ang dalawa.”(Mat. 9:17 ESV)
Kumukulo ang iglesya sa buong mundo dahil kumukulo ang alak ng Espiritu. Ang una nating hangarin ay kailangang ang Espiritu ng Hari at ang pagdating ng Kanyang Kaharian. Iangkop natin ang ating mga istruktura sa iniuutos Niya sa pamamagitan ng Salita sa bawat bagong komunidad. Huwag tayong maging matigas, nakatuon sa sarili at marupok. Sa halip, maging inspirado nawa tayo sa mga pahinang ito na isakripisyo ang ating mga paradigma para sa paglaganap ng Kanyang Kaharian sa bawat bayan!
Unang inilathala sa Mission Frontiers 41:2 (Mar./Abr. 2019), pp. 18-21. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


