Lumilitaw na marahil 85% ng mga bagong Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM) ay sinimulan ng isang umiiral nang kilusan. Sa aming konteksto sa Asya, ang aming unang anim o pitong kilusan ay nagsimula sa apat na magkakaugnay na pangkat etniko at lumago na sa 90 matatag na kilusan sa 35 pangkat etniko, bukod pa sa lumalagong pagsisimula ng ministeryo ng kilusan sa 34 pang pangkat etniko. Ang ilan sa mga bagong kilusang ito ay sinimulan sa pamamagitan ng mga may kaloob na apostolikong tagapagpasimula, ang iba ay sa pamamagitan ng proseso ng pagsasanay at pagsusugo, ngunit ang karamihan sa mga bagong kilusan ay sinimulan sa pamamagitan ng karaniwang organikong paglago na tumawid sa mga hangganang pangkultura tungo sa mga bagong pangkat etniko. Ilalarawan ng artikulong ito ang apat na padron ng organikong paglago na humahantong sa pagsisimula ng mga bagong kilusan, at apat na estratehiya ng pagbibigay-kakayahan na nagpapahintulot sa mga karaniwang layko na miyembro ng mga kilusan na mas madalas na makapaglunsad ng mga bagong kilusan sa gitna ng mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot.
Pagsusugo ng mga Pioneer
Dahil maraming kilusan ang sinimulan sa pamamagitan ng isang estratehikong proseso ng pagsusugo, madalas nating itinuturing ito bilang pangunahing paraan ng pagsisimula ng mga bagong kilusan. Patuloy itong mahalagang bahagi ng kung paano pinalalawak ni Jesus ang kaharian sa buong mundo. At sa panahon ngayon, madalas nating nakikita na ang mga katuwang na malapit ang kultura, sa halip na mga pioneer na malayo ang kultura, ang nakararanas ng maagang tagumpay sa gitna ng isang pangkat na hindi pa naaabot. Ang ilang pamilya ng mga kilusan ay umaasa sa tuluy-tuloy na pagsasanay ng mga bagong pangkat ng mga manggagawang malapit ang kultura upang palawakin ang kanilang mga kilusan o paramihin ang mga kilusan sa mga bagong rehiyon.
Gayunman, ang bilang ng tunay na mga pioneer, na may kaloob na makapasok sa mga bagong larangang pangkultura, ay medyo maliit kung ihahambing sa gawaing nasa harap natin. Ayaw kong maliitin ang kahalagahan ng mga pioneer na ito, o ng sinadyang pagsasanay at pagsusugo na ginagawa ng marami sa kanila sa kanilang sariling mga alagad. Ngunit nagulat kami nang matuklasan na mahigit kalahati ng mga bagong kilusang sinimulan sa 69 na pangkat etniko na nabanggit sa itaas ay hindi sinimulan ng aming mga pangunahing lider, o ng isang sinanay na lider na isinugo, kundi ng organikong paglago sa pamamagitan ng mga karaniwang mananampalataya na sa paanuman ay tumawid sa mga hadlang na pangkultura.
Lumalabas na maraming tao sa loob ng mga kilusan ang pumupunta sa mga bagong lugar nang hindi kailanman isinusugo. Ang likas na paglipat na ito ng mga tao, pati ang paglipat na dulot ng pag-uusig, ay nangyari na sa buong kasaysayan ng Cristianismo. Nagsimula ito noong Pentecostes sa mga bisita sa Jerusalem mula sa maraming bansa, at makikita sa Mga Gawa sa pag-uusig na nagpangalat sa mga mananampalataya mula sa Jerusalem, at sa pag-uusig na nagtaboy kina Priscila at Aquila palabas ng Roma. Kapag ang mga pumupunta sa mga bagong kultura o rehiyon ay binigyang-kakayahan ng mga padron ng ministeryong angkop sa kilusan, maaaring magsimula si Jesus ng mga bagong kilusan sa pamamagitan ng simpleng organikong paglago. Dahil maraming beses na itong nangyari, ang ilan sa mga lider sa mga kilusang katuwang namin ay hindi na nagtutuon ng mapagkukunan sa estratehikong pagsusugo, kundi sa estratehikong pagsuporta sa organikong paglago kapag nakikita nilang lumilipat ang mga alagad sa mga bagong kultura at rehiyon.
Organikong Paglago
Isa sa mga tatak ng mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya sa buong mundo ang malawak na pakikisangkot ng mga karaniwang tao sa paggawang alagad sa kanilang mga kaibigan at kapamilya, madalas sa medyo maliliit na grupo o pagtitipon sa tahanan. Inaasahan at binibigyang-kakayahan ang pagkasaserdote ng lahat ng mananampalataya. Tulad ni Jesus, inilalaan ng mga lider ang malaking bahagi ng kanilang panahon at atensiyon sa pagbibigay-kakayahan sa kanilang mga alagad na gumawa ng mas maraming alagad. Natututo ang mga pangunahing lider na gabayan (mentor), pahinugin at pamahalaan ang mga network ng mga mananampalataya at mga pangkat ng mga lider sa isang buong rehiyon.
Nakikita namin ang organikong paglagong ito na tulad ng isang gumagapang na baging, na maaaring mamunga nang marami kung bibigyan ng kaunting suportang istruktura, gaya ng mga ubas na tumutubo sa isang balag o sa kahabaan ng isang kable na nakaunat sa pagitan ng mga poste. Kung minsan ay gumagapang ang baging sa mga lugar na hindi namin inaasahan. Tinatawag namin ang ganitong uri ng bunga na bungang tumatalon dahil bigla itong lumipat mula sa aking bakuran tungo sa bakuran ng aking kapitbahay. Kapag tumawid ang bungang ito sa mga bagong bayan sa loob ng parehong kultura, pinalalawak nito ang isang umiiral na kilusan. Ngunit kapag inilipat ang baging sa isang ganap na bagong kultura, maaaring magsimula ang isang bagong kilusan. Sinabi ni Jesus na ang mabuting binhi ng Ebanghelyo ay tutubo para sa magsasaka kahit natutulog siya, at hindi niya alam kung paano (Marcos 4:26-29). Naghahasik ang magsasaka, nagdidilig at sa tamang panahon ay ginagamit ang kaniyang karit para sa pag-aani!
Sa nakalipas na 10 taon, napansin ng aming mga pangkat ang hindi bababa sa apat na padrong regular na nagaganap kung saan ang organikong paglago sa pamamagitan ng mga karaniwang mananampalataya sa kanilang mga network ay nagbunga ng pagsisimula ng isang bagong kilusan sa ibang pangkat etniko. Ang mga padrong ito ay ang pag-aasawa ng magkaibang kultura, paglipat dahil sa trabaho, paglipat ng mga estudyante, at pagbuo ng network sa partikular na industriya.
Apat na Padrong Panlipunan na Nagpaparami ng mga Kilusan
Ang unang padron ng bungang tumatalon sa mga bagong kultura ay nangyari sa pamamagitan ng pag-aasawahan ng magkaibang pangkat etniko. Lalong nagiging karaniwan ang pag-aasawa ng magkaibang lahi sa mga lumalagong lungsod sa aming bansa. Kung kapwa ang asawang lalaki at babae ay mahusay na ginawang alagad sa isa sa kanilang mga kulturang pinagmulan o sa isang halo-halong lipunan sa lungsod, madalas silang binibigyan ng Diyos ng pasanin na ibahagi ang kanilang pananampalataya sa mga kapamilya sa kanilang pinagmulang lugar. Kung gagamitin nila ang mga simple, maaaring ulitin at mababang-gastos na padron na isinagawa na nila dati, nakikita naming nagsisimula ang maliliit na grupo sa isang bagong rehiyon, madalas gamit ang lokal na wika. Kapag ang isang bagong pangkat etniko (na hindi pa naabot ng orihinal na lider ng kilusan) ay may hindi bababa sa apat na henerasyon ng bunga at hindi bababa sa 1,000 mananampalataya, ibinibilang ito bilang isang bagong kilusan—na organikong sinimulan ng isang miyembro ng isang umiiral na kilusan. Ang bungang tumatalon sa pamamagitan ng pag-aasawa ay karaniwang lubos na sila mismo ang nagpopondo at nagpasimula, na may kaunting sinadyang pagkilos ng isang mentor na sinusubaybayan ang kaniyang alagad mula sa malayo. Magagamit ng Espiritu ng Diyos ang mga mananampalatayang naglalakbay, naglalakbay man sila patungo sa isang pamilyang bukas ang loob o palayo sa pag-uusig. Habang lumalawak ang mga umuusbong na kilusan, karaniwang nangangailangan ang mga ito ng karagdagang pagsubaybay at paglalakbay ng isang tao sa network. Ngunit nagsimula ang mga ito nang walang paunang plano ng pagsusugo, badyet sa pagsasanay o gastos sa pagsisimula.
Ang ikalawang padron ng organikong paglawak sa mga bagong pangkat etniko at rehiyon ay nangyari nang lumipat ang mga kapamilyang mananampalataya sa isang bagong rehiyon o lungsod upang maghanap ng trabaho. Kung ang mga mananampalatayang ito ay naging mga lider ng maliit na grupo o may malinaw na koneksiyon sa isang mentor mula sa kanilang pinagmulang lugar, madalas nilang naitatatag ang isang bagong hanay ng maliliit na grupo sa bagong rehiyon, nang walang anumang espesyal na pagsasanay. Sinunod lamang nila ang padrong alam nila mula sa kanilang pinagmulang lugar. Karaniwang aakitin muna nito ang mga taong may katulad na pinagmulang kultura o grupo ng wika ngunit madali itong lumawak sa halo-halong mga katrabaho mula sa ibang lugar, na bahagi rin ng kanilang pabrika, lugar ng konstruksiyon o sektor ng negosyo. Tuwing nagbubunga ito ng pagsisimulang maabot ang isang ganap na bagong pangkat etniko, nagiging bagong kilusan ito. Tinatawag namin itong bungang tumatalon sa pamamagitan ng paglipat dahil sa trabaho.
Ang ikatlong padron ng organikong paglawak, at ang padrong malamang na nagdala sa amin sa pinakamaraming bagong pangkat etniko, ay ang bungang tumatalon sa pamamagitan ng paglipat ng mga estudyante. Isa sa aming mas batang tagapagpasimula na may matibay na hilig sa akademya ang nagsimulang magtuon sa mga kampus ng unibersidad sa sentro ng edukasyon kung saan siya nakatira. Habang nagsimulang dumami ang mga grupo sa maraming kampus at sa maraming dormitoryo, nanlumo siya nang mapagtanto na ang karamihan sa kaniyang mga nakatatandang lider ay malapit nang magtapos at umalis sa lugar! Dinala niya ang problemang ito sa kaniyang mga mentor, na nag-coach sa kaniya sa isang serye ng mga talakayan kung paano ito maaaring maging pagkakataon sa halip na sakuna.
Una, napagtanto niya na ang “pagkawala” ng mga taong may karanasan sa pangunguna ng mga grupo ay talagang isang pagkakataon upang mailagay ang mga taong may karanasan sa mga bagong lugar sa buong bansa, basta’t patuloy silang ginagabayan. Ikalawa, nakita niya na ito ay paulit-ulit na problema, at kailangang isama sa plano ang paraan ng pakikitungo sa mga estudyanteng nasa ikatlo at ikaapat na taon sa mga unibersidad bawat taon. Ikatlo, nagpasiya siya na ang pinakamahalagang mga nagtapos na dapat pagtuunan ay ang mga lilipat sa pinakamalayo, sa gitna ng mga Pangkat ng mga Taong Hindi Pa Naaabot. Ang pagtukoy sa mga estudyanteng iyon sa maraming iba’t ibang kampus ay naging prayoridad sa pagtatapos ng kanilang ikatlong taon at pagsisimula ng kanilang ikaapat na taon. Sa sandaling matukoy, ang mga estudyanteng iyon na lilipat sa gitna ng mga pangkat ng taong hindi pa naaabot ay agad na binigyan ng karagdagang atensiyon at pagsasanay, gayundin ng mga pagkakataong manguna sa isang grupo sa kanilang huling taon.
Sa bagong pananaw na ito tungkol sa mga lider na estudyanteng magtatapos, ang partikular na kilusang ito ay nakapagsimula na ng mga kilusan sa hindi bababa sa 15 Pangkat ng mga Taong Hindi Pa Naaabot at may mga pagsisimula ng kilusan sa marami pang ibang bayan. Sa kasong ito, bagaman hindi nirerekrut o pormal na isinusugo ang mga tao, ang ilang sinadyang pagsasanay at paggabay ay estratehikong ginagamit ang likas at paulit-ulit na prosesong ito ng paglipat.
Ang ikaapat at huling malawak na padron sa pagpaparami ng mga bagong kilusan sa pamamagitan ng organikong paglago ay ang pagbuo ng mga network ng mga alagad sa partikular na industriya. Dahil napakataas ng pagpapahalaga namin sa pagpapaunlad ng komunidad at sa pagtugon sa mga lokal na nadaramang pangangailangan, marami sa aming mga lider ang bumuo ng mga estratehiya sa paglikha ng trabaho o namuhunan sa isang partikular na sektor ng negosyo o pamahalaan. Halimbawa, isang pangkat ang tumulong sa paglikha ng maraming palaisdaan sa bakuran. Sa pamamagitan ng mga kooperatibang pangnegosyong ito, nakilala nila ang mga tao sa maraming nayon, kaya maraming maliliit na grupong panlipunan ang naging mga grupo ng espirituwal na talakayan. Isang pangkat ang nagsanay sa mga pangkat ng mga kawani ng pamahalaan upang gawin nang mas mabisa ang kanilang trabaho, at ang mga mananampalataya sa mga yunit na iyon ay maaaring ilipat ng pamahalaan sa ibang mga rehiyong pangkultura. Isa pang pangunahing lider ang nagsanay sa mga lider ng kooperatiba sa agrikultura at binabayaran ng pamahalaan upang maglakbay sa maraming rehiyon ng bansa, kung saan nakapagsimula siya ng mga bagong grupo. Isa pang lider ang nagbigay-kakayahan sa isang partikular na grupo ng mga negosyanteng babae at sa isa pang grupo ng mga salesman na ang trabaho ay regular na nagdadala sa kanila sa iba’t ibang rehiyong pangkultura. Sa pagbuo ng matatatag na grupo ng mga alagad sa kahabaan ng mga likas na sektor ng negosyo at lipunan, kabilang ang ilang negosyong lubhang palipat-lipat, ang organikong paglago ng isang kilusan ay maaaring magbunga ng mga bagong kilusan.
Ilan pang padron ng organikong paglago ang maaaring lumitaw sa paglipas ng panahon, ngunit ang apat na padrong ito ay nagpaparami na ng mga bagong kilusan. Bagaman madalas mangyari ang mga likas na padrong panlipunang ito sa makabagong mundo, hindi tiyak na nagbubunga ang mga ito ng mga kilusan. Ano ang ilan sa mga pangunahing estratehiya ng pagbibigay-kakayahan na nagpapahintulot sa mga ugnayang panlipunang ito na magpalaganap ng mga kilusan? May ilang paunang sagot sa tanong na ito ang aming mga lider na malapit ang kultura.
Estratehikong Pagbibigay-kakayahan para sa Pagpaparami ng mga Kilusan
Ang unang estratehiya ng pagbibigay-kakayahan ay panatilihing napakasimple ng mga pamamaraan at nakatuon sa Kasulatan sa halip na sa mga lider na mataas ang pagsasanay. Habang mas maliit at mas simple ang mga grupo, mas madali silang mapangungunahan ng mga karaniwang tao mula sa anumang antas ng buhay. Dahil ang pokus ay nasa Kasulatan bilang awtoridad (hindi sa isang sinanay na lider), ang isang malayong hanay ng maliliit na grupo sa isang bagong kalagayang pangkultura ay maaaring lumago kahit walang full-time na manggagawa. Maaaring mas mabagal ang paglagong ito kung walang gurong malapit, ngunit humihinog ito kung may paggabay. Hindi bababa sa pitong pangkat etniko ang naalis na sa mga listahan ng mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot at wala pang nagsisimula ng ministeryo (UUPG) mula noong 2017— hindi dahil may manggagawang isinugo sa bayang iyon, kundi dahil mayroon na kaming dose-dosena o daan-daang mananampalataya sa gitna nila ngayon.
Ang ikalawang estratehiya ng pagbibigay-kakayahan na kailangang nakalagay ay ang paggabay mula sa malayo. Kapag ang isang kilusan ay nakakulong sa isang maliit na lokal na lugar at sa layong kayang lakbayin sa isang araw, maaari itong lumago nang napakabilis at mahaharap ang mga problema ng matatatag at magugulang na lokal na lider. Gayunman, kapag lumaki ang mga distansiya o ang mga bilang na kasangkot, kailangang bumuo ng isang malinaw na sistema ng pagsubaybay, komunikasyon at pananagutan kasama ng mga mentor. Ang mga makabagong app sa smartphone ay nagpapahintulot sa mga mentor na magpadala ng mga mensahe, maiikling video, audio na bahagi ng Biblia at mga tsart ng pagsubaybay sa bunga sa malalayong distansiya at hanggang sa maraming henerasyon ng mga alagad. Ginagamit ng Banal na Espiritu ang panalangin at ang mga mentor na may mahuhusay na kagamitan upang tulungan ang mga lokal na kilusan na lumawak tungo sa marami pang henerasyon. Lalong nagiging mahalaga ang mga kagamitan sa paggabay mula sa malayo kapag naaabot ang mga ganap na bagong pangkat pangkultura na malayo sa kulturang pinagmulan ng inang kilusan.
Ang ikatlong estratehiya ng pagbibigay-kakayahan ay ang oryentasyon sa network ng lipunan. Samantalang maraming kultura sa Kanluran ang tumitingin sa paglawak ng ministeryo pangunahin sa mga terminong heograpiko o sa mga pisikal na gusali, ang organikong paglago ng mga kilusan ay nangyayari sa mga linya ng ugnayan. Ang mga yunit ng malawak na pamilya, mga ugnayan ng tribo, mga kasunduan sa pag-aasawa at mga network ng tapat na pagkakaibigan ang mga lansangan ng organikong paglago. Inaasahan namin na ang Diyos, na nagbukas ng isang pamilya sa Ebanghelyo, ay magbubukas din ng ilan sa kanilang network sa lipunan. Isa ito sa mga paraan upang “magtuon sa bunga.” Naniniwala kami na matatagpuan ang mga binhi ng susunod na ani sa umiiral na bunga: sa mga ugnayan, kasanayan at lokal na mapagkukunang mayroon na. Kung masyado tayong magtutuon sa pisikal na heograpiya o sa mga mapagkukunan mula sa labas, mas maaga na aabot ang ating mga kilusan sa likas na mga hangganan. Pinananatili ng oryentasyon sa network ng lipunan ang pokus sa gawa ng Espiritu sa mga tao, hindi sa mga lugar o bagay.
Ang ikaapat na estratehiya ng pagbibigay-kakayahan na tumutulong sa mga kilusan na magparami ng mga bagong kilusan sa gitna ng mga pangkat ng taong hindi pa naaabot ay ang pamumuhunan sa mga sentrong panrehiyon. Ang bawat isa sa aming mga tagapagpasimula ng kilusan ay umabot sa mga krisis kung saan ang gumana sa ilang dosenang grupo ay hindi gumagana sa ilang daang grupo, at ang gumana sa ilang daang grupo ay hindi gumagana sa isang libong grupo. Habang tinutulungan ng aming mga lider ang kanilang pangunahing pangkat na bumuo ng mga pangkat panrehiyon, lalo na sa mahahalagang sentro ng transportasyon at sa mga lungsod, lumipat palabas ang pasanin ng pamumuno, palapit sa mga gilid ng kilusan. Ang mga sentrong panrehiyong ito ang tinatawag naming mga transfer zone, mga lugar na nagpapalago ng mga indibiduwal at komunidad na palipat-lipat at may maraming kultura. Ang pagbibigay ng awtoridad sa mga sentrong panrehiyon ay tumutulong upang magpatuloy ang paglolokal ng Ebanghelyo at naglalapit sa mga estratehiya ng kilusan sa mga kalapit na pangkat ng taong hindi pa naaabot. Ang ganitong uri ng mapaglingkod na pamumuno, na nagbibigay ng kapangyarihan at nagpaparangal sa mga lokal na tao, ay naging pangunahing salik sa pagpaparami ng mga bagong kilusan na malayo sa kanilang kulturang pinagmulan. Ang paghawak ng labis na kontrol sa sentro ay nagpapahina sa pagpaparami ng mga kilusan.
Nasa mga unang dekada pa lamang tayo ng pag-unawa kung paano dinadala ng Diyos ang mga tao sa Kaniyang kaharian sa pamamagitan ng mga kilusan. Marami pa tayong matututuhan habang nakikinig tayo sa isa’t isa at sinusubukan ang mga bersiyon ng ilang pangunahing biblikal na estratehiya, sa lubhang magkakaibang kalagayang pangkultura. Marami sa mga bagong pagsisimula ang nangyayari sa pamamagitan ng mga lider na apostoliko na may malalaking kaloob. Ngunit nakikita rin namin na ginagamit ng Diyos ang ilang malawak na padron ng paglipat sa lipunan upang paramihin ang mga kilusan sa pamamagitan ng mga karaniwang mananampalataya sa iba’t ibang espasyong pangkultura. Habang binibigyang-kakayahan natin ang buong katawan para sa buong ani, inaasahan naming makakita ng parami nang paraming rehiyon kung saan “wala nang matitirang lugar” na hindi lumalaganap ang Ebanghelyo nang may kapangyarihan at buong paninindigan!
Copyright 2022, Focus on Fruit. Huwag ipamahagi nang walang nakasulat na pahintulot.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 45:1 (Ene./Peb. 2023), pp. 29-33. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


