Panginoon, pangunahan Mo kami habang kami ay nananalangin!
Pambihirang Panalangin
Sa bawat kilalang kilusan sa buong mundo, may napakahalagang papel ang panalangin. Ang panalangin ay kailangang maging pundasyon ng anumang plano upang maabot ang isang pangkat ng mga tao. Kaya napakahalaga ng kalusugan ng personal na buhay-panalangin ng mensahero. Tutularan ng bagong iglesya at ng mga lider nito ang buhay-panalanging nakikita nila sa mensahero.
- Ipanalangin na bigyang-kakayahan ng Diyos ang mga manggagawa sa mga bukirin ng anihan na lumakad sa malapít na ugnayan ng pakikipag-usap sa Kanya, upang mamunga sila ng maraming bungang nananatili, para sa Kanyang kaluwalhatian (Juan 15:4–8).
- Ipanalangin na hindi mapagod ang bayan ng Diyos sa paggawa ng mabuti: sa kasong ito, ang mabuting gawain ng panalangin (Mateo 7:7–11).
- Ipanalangin na magkaroon ang bayan ng Diyos ng puso Niya para sa mga naliligaw na kanilang ipinapanalangin. Ito ang padron ni Jesus (Mateo 9:36–38).
- Ipanalangin na manalangin nang may katapangan ang bayan ng Diyos, gaya ng iniutos sa Lucas 18:1–8.
Awtoridad ng Kasulatan
Sa bawat kilalang kilusan sa buong mundo, ang Biblia ang hindi kinukuwestiyong awtoridad at gumagabay na puwersa para sa mga alagad—tungkol sa pang-araw-araw na buhay, doktrina, at patakaran. Totoo ito kahit sa mga kulturang hindi marunong bumasa, kung saan tinatanggap at ibinabahagi ang Biblia sa pamamagitan ng pasalitang pagkukuwento.
- Ipanalangin na ang lahat ng gumagawa sa anihan ay magbatay ng kanilang buhay kay Jesus at sa Kanyang salita, bilang masunuring mga tagatupad, hindi malilimuting tagapakinig o tagapakinig lamang (Santiago 1:19–25).
- Ipanalangin na maabot ng Salita ng Diyos ang bawat pangkat ng mga tao sa kanilang sariling wika ng puso. Ipanalangin na mabilis na lumaganap ang Salita at parangalan ng lahat, dahil ang Salita ng Diyos ang pinagmumulan ng lubos na pagsasangkap sa mga alagad para sa bawat mabuting gawa (2 Tesalonica 3:1; 2 Timoteo 3:16–17).
- Ipanalangin na ang mga manggagawa at mga alagad na nakatira at gumagawa sa gitna ng mga bayang pinakakaunting naaabot ay magkaroon ng bukas na tainga at puso sa Salita ng Panginoon, upang kapag ipinakita Niya sa kanila ang mga bagay na dapat baguhin, itigil, o simulang gawin, sila ay sumunod (Hebreo 4:12).
Masaganang Paghahasik ng Ebanghelyo
Sa bawat kilalang kilusan sa buong mundo, bukas-palad na nagsasabi sa iba ang mga mensahero at ang mga unang alagad tungkol kay Jesus. Buong tapang silang nagbabahagi tungkol kay Jesus at sa Kanyang kabutihan—sa kanilang mga pamilya, kapitbahay, katrabaho, at kaibigan.
- Ipanalangin ang mga anak ng Diyos na nakatira at gumagawa sa gitna ng mga bayang pinakakaunting naaabot sa mundo, na hindi sila mapagod sa bukas-palad na paghahasik ng binhi ng Ebanghelyo sa gitna ng mga naliligaw (Mateo 13:3–8; 2 Corinto 9:6).
- Ipanalangin na bigyang-kakayahan ng Espiritu ng Diyos ang lahat ng gumagawa sa anihan na buong tapang na magpatotoo—napapanahon man o hindi (Mga Gawa 4:18–20, 29–30; 2 Timoteo 4:2).
- Ipanalangin na unahin ang pagpapahayag ng Magandang Balita (Lucas 15:3–7).
Sinasadyang Pagtitipon
Sa bawat kilalang kilusan sa buong mundo, dinidisipulo ang mga naliligaw nang pangkatan bago pa man magsimula ang kilusan, karaniwang bago pa sila ganap na tumugon sa Ebanghelyo. Bakit? Mas epektibo ang magtipon-muna-saka-akayin kaysa akayin-muna-saka-tipunin.
- Ipanalangin na abutin ng mga alagad ni Jesus ang mga grupo ng tao, gaano man kaliit, sa halip na mga indibidwal lamang (Lucas 10:5–7). Ang mga desisyong panggrupo ay akma sa karaniwang padron sa Biblia (Mga Gawa 10:24, 33, 44, 48; 16:14–15; 31–33) at nagbibigay ng lakas (Eclesiastes 4:12).
- Pasalamatan ang Diyos na kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Kanyang pangalan, naroon si Jesus kasama nila (Mateo 18:19–20).
- Ipanalangin na buong tapang na tanungin ng mga alagad ni Jesus ang mga naliligaw kung may sinuman sa kanilang sambahayan o sa kanilang komunidad ng mga kaibigan na nais ding makarinig ng Magandang Balita (Mga Gawa 16:31–34).
- Hilingin sa Diyos na ipakita sa Kanyang mga anak (kabilang tayo) kung sino sa kanilang buhay ang maaaring nais madisipulo bilang isang grupo, gaano man kaliit.
Bawat Miyembro ay Ministro
Binibigyang-diin at hinihikayat ng mga kilusan sa buong mundo ang pagkasaserdote ng lahat ng mananampalataya. Bawat tagasunod ni Jesus ay may mga kaloob na inaasahang gagamitin niya, upang palakasin ang iba at palawakin ang epekto ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa.
- Ipanalangin na sundin ng mga alagad ni Jesus sa mga lugar na hindi pa naaabot ang Kanyang utos na gumawa ng mga alagad (Mateo 28:18–20). Ang gawaing ito ay hindi lamang para sa iilang pinili.
- Ipanalangin na buong tapang na gamitin ng mga alagad ni Jesus sa mga lugar na hindi pa naaabot ang mga kaloob na ibinigay sa kanila ng Diyos (1 Pedro 4:10; Efeso 4:11–12).
- Ipanalangin ang daan-daang libong ugnayang “Pablo-Timoteo” na kasalukuyang umiiral sa mga lugar na hindi pa naaabot, kapwa sa mga lalaki at babae. Ipanalangin na mabilis na maging Pablo ang mga Timoteo, at mabilis na maging Bernabe ang mga Pablo (1 Timoteo 1:2; Mga Gawa 9:27; 11:25–26).
Mga Lider na Layko na May Dalawang Hanapbuhay
Umaasa ang mga kilusan sa buong mundo sa mga lider na layko na may “karaniwang” trabaho bukod pa sa gawain ng ministeryo. Nakatutulong ito upang maiwasan ang kakulangan ng mga lider na dulot ng pag-asa sa mga lider na sinanay sa seminaryo o may mataas na pinag-aralan. Hinuhubog ang mga espirituwal na lider sa pamamagitan ng pagsasanay habang gumagawa sa halip na sa pag-aaral sa institusyon.
- Ipanalangin na paramihin ng Diyos ang mga lider na sumusunod kay Cristo sa bawat time zone (1 Tesalonica 2:4–12).
- Ipanalangin na bigyan ng Diyos ng sigla at lakas ang Kanyang mga anak (Mga Awit 29:11).
- Ipanalangin na bigyan ng Diyos ng karunungan at kasipagan ang Kanyang mga anak habang ginagawa nila ang iba’t ibang uri ng trabaho (Mga Gawa 18:3; Colosas 3:23).
Mga Iglesya sa Tahanan
Karamihan sa mga iglesya sa mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad (DMM) ay maliliit at maaaring paramihing samahan na may 10–30 miyembro. Nagtitipon sila sa mga tahanan, tindahan, kapihan, o sa ilalim ng mga puno—ang karaniwang mga lugar ng pagtitipon sa kanilang mga lipunan. Ang maraming maliliit na samahang nakakalat sa buong lungsod o komunidad ay may higit na epekto kaysa sa isang malaki at sentralisadong grupo.
- Ipanalangin na tumigil na ang mga gumagawa ng mga alagad sa pag-anyaya sa kanilang mga naliligaw na kaibigan at kapitbahay sa mga gawaing Kristiyano, at sa halip ay itanim ang Kaharian ng Diyos sa loob ng mga sambahayan ng mga naliligaw, gaya ng ginawa ni Pedro sa Mga Gawa 10:22–48.
- Ipanalangin na paramihin at palakasin ng Diyos ang mga iglesya sa tahanan (mga simpleng iglesya) sa lahat ng pangkat ng mga taong hindi pa naaabot (UPG), gaya ng nakikita natin sa Roma 16:5; Colosas 4:15; at Filemon 2.
- Ipanalangin ang Roma 16:17–20 para sa mga iglesya sa tahanan sa buong mundo.
Mga Alagad na Gumagawa ng mga Alagad
Sa biyolohiya, hindi nakapagsisilang ng tupa ang mga pastol. Tupa ang nagsisilang ng tupa. Inilalapat ng mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad ang katotohanang biyolohikal na ito sa espirituwal na paraan. Sa mahigit 1,900 kilusang umiiral ngayon, aktibong dinidisipulo ng mga lokal na tagasunod ni Jesus (mga simpleng tupa) ang kanilang mga naliligaw na kaibigan at pamilya, at nagtatanim sila ng mga bagong iglesya. Paano? Kapag naging tagasunod ni Jesus ang mga naliligaw, mabilis nilang sinusunod ang Kanyang utos na magsilang ng higit pang “tupa.” Kaya mas maraming manggagawa ang natatagpuan sa loob ng anihan.
- Ipanalangin na sundin ng bayan ng Diyos sa buong mundo ang halimbawa ng Mabuting Pastol at lumabas sa kanilang comfort zone upang hanapin ang mga nawawalang tupa (Lucas 15:3–7).
- Hilingin sa Diyos na patawarin tayo, ang Kanyang Katawan, sa pagpapaubaya ng Kanyang utos at pangako sa paggawa ng mga alagad (Mateo 28:18–20) sa mga sinanay at/o binabayarang propesyonal. Ipanalangin ang mga alagad ni Jesus kapwa sa mga lugar na naabot na at sa mga hindi pa naaabot, na tayong lahat ay maniwala sa Kanyang mga pangako at personal na sumunod sa Kanyang utos.
- Ipanalangin ang 1 Pedro 2:24–25 para sa mga UPG sa mundo.
Pagkadama ng Pagkaapurahan (Mabilis na Pagpaparami)
Sa mga kilusan, napakahalaga ang pagpapanatili ng pokus sa gawain. Sinabi ni Jesus na sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa (Mateo 9:35–38). Pagkatapos ay tinagubilinan Niya ang Kanyang mga alagad na ipanalangin na magkaroon ng higit pang manggagawa upang tipunin ang anihin.
- Hilingin sa Diyos na patawarin tayo, ang Kanyang Katawan, sa pagkagambala natin mula sa anihan. Ginugugol natin ang karamihan sa ating oras, lakas, at pera kung saan inaani na ang anihin. Samantala, nananatiling totoo ang Mateo 9:37 para sa 42.5% ng mga pangkat ng mga tao sa mundo (joshuaproject.net).
- Hilingin sa Diyos na bigyan ang Kanyang mga anak (kapwa ang mga nakatira sa mga lugar na naabot na at ang mga nakatira sa gitna ng mga hindi pa naaabot) ng tapang at lakas ng loob na maghasik ng binhi nang malawakan, hindi nang matipid (Mateo 13:3–8; 2 Corinto 9:6).
- Hilingin sa Diyos na magbangon ng maraming alagad sa mga lugar na hindi pa naaabot na susunod sa halimbawang ipinakita sa Marcos 5:19.
- Hilingin sa Diyos na sa wakas ay matupad ang Mateo 24:14 sa panahon ng ating buhay.
Simpleng Iglesya
Sa Bagong Tipan, ang pagiging iglesya ay hindi nangangailangan ng mga espesyal na gusali, mga lider na sinanay sa seminaryo, o mga institusyon. Ang iglesya ay (at nilalayong manatiling) isang grupo ng mga tagasunod ni Jesus na nagbabatay ng kanilang buhay kay Jesus at sa Kanyang Salita. Kasama rito ang paghihikayat sa isa’t isa na mamuhay nang may pagsamba sa Kanya, pagpapatotoo sa mundo, pagbabautismo sa mga bagong tagasunod, pagtuturo at paghihikayat sa isa’t isa na sundin ang lahat ng utos ni Jesus, at pagbabahagi upang matugunan ang mga pangangailangan.
- Ipanalangin na kumilos ang Espiritu sa bawat pagtitipon ng mga tagasunod ni Jesus sa buong mundo, upang ang liwanag ni Jesus ay magningning nang maliwanag sa buong daigdig (Lucas 11:13).
- Ipanalangin na sundin ng mga iglesya sa tahanan sa mga kilusan ang halimbawa ng mga unang tagasunod sa Mga Gawa 2:42.
- Ipanalangin ang proteksyon ng Diyos sa mga iglesyang nagsimula sa pamamagitan ng mga kilusan, na patuloy silang makatagpo ng pagkakaisa sa kababaang-loob (Filipos 2:1–4).
Pagtitiis sa Gitna ng Pagdurusa
Madalas na lumilitaw ang mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad sa mga lugar kung saan magastos ang pagsunod kay Cristo at maaaring humantong sa pagdurusa o maging sa kamatayan. Nauunawaan ng mga tagasunod ni Cristo na sa mundo ay magkakaroon tayo ng kapighatian, ngunit napagtagumpayan na ni Jesus ang mundo. Ang mga namumunga ay pinupungusan, upang maging mas mabunga sila para sa kaluwalhatian ng Diyos.
- Ipanalangin na ang pangako ni Jesus sa Lucas 22:28–30 ay umalingawngaw nang malakas sa puso ng lahat ng alagad na dumaranas ng pag-uusig ngayon.
- Ipanalangin na magtiis ang mga anak ng Diyos at magkaroon ng lakas ng loob na magpatuloy sa gitna ng mga pagsubok (Hebreo 12:1–3).
- Ipanalangin ang Santiago 1:2–18 para sa lahat ng kasalukuyang nagdurusa alang-alang sa Pangalan.
Madalas na Sinasamahan ng mga Tanda at Kababalaghan ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos
Lahat ng alagad ni Jesus ay inutusang ipahayag ang Kaharian sa awtoridad ni Jesus (Mateo 28:18–20). Sa mga kasalukuyang kilusan, habang buong tapang na ipinapahayag ng mga tagasunod ni Jesus ang Ebanghelyo, napakadalas na pinagtitibay ng Panginoon ang mensahe sa pamamagitan ng mga tanda at kababalaghan. Isa ito sa mga paraan kung paano kinukumbinsi ng Diyos ang mga naliligaw na sumampalataya sa Kanya (Deuteronomio 4:34–35).
- Hilingin na buong tapang na ipanalangin ng mga tagasunod ni Jesus sa mga lugar na hindi pa naaabot ang paghahayag ng Kaharian ng Diyos, kabilang ang mga tanda at kababalaghang kasama ng pagpapahayag ng Ebanghelyo (Marcos 16:20).
- Ipanalangin na magkaroon ng sapat na tapang ang mga anak ng Diyos na hilingin ang “imposible” upang marami ang sumampalataya (Mateo 17:20; Juan 14:12).
Mga tala
- Malaki ang pagkakapatong ng mga katangiang ito sa (ngunit hindi kapareho ng) “Ten Universal Elements” ni David Garrison na matatagpuan sa bawat Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM). Church Planting Movements, How God Is Redeeming a Lost World (Midlothian, VA: WIGTake Resources, 2004), pp. 171 at mga kasunod. Bumalik sa teksto
Inilathala sa Mission Frontiers 45:5 (Set./Okt. 2023), pp. 39-41. Frontier Ventures. Muling inilathala nang may pahintulot mula sa EMQ, Enero–Marso 2023, Volume 59 Issue 1. Ibinahagi nang may pahintulot.


