Kapag maliliit pa, ang mga kilusan ay may hilig na makaranas ng napakabilis na paglago— maaari silang dumoble ang laki nang maraming beses sa loob ng isang taon. Sa paglipas ng panahon, habang lumalaki ang mga kilusan, ang paglagong ito ay may hilig na mag-plateau o huminto sa pagtaas. Bakit? Dahil ba sa paglipas ng panahon ay nababawasan ang sigasig ng mga ebanghelista? Hindi ito ipinahihiwatig ng mga case study ng mga kilusan na aking natipon. May mas simple at, sa palagay ko, hindi maiiwasang dahilan na sa katunayan ay tanda ng tagumpay, hindi ng kabiguan.
Nagsisimula ang mga kilusan dahil sa masaganang gawain ng pagpapalaganap ng Ebanghelyo.
Lalo na sa gitna ng mga hindi pa naaabot, ang gawaing ito ay karaniwang isinasagawa ng mga taong may kaloob bilang misyonero o ebanghelista. Ang malaking bahagi ng gawaing ito ay maaaring tawaging “masaganang paghahasik” (kung gagamit ng terminong biblikal) o “super-spreading” (kung gagamit ng terminong epidemiyolohikal na naging pamilyar na sa marami). Isang halimbawa ng ganitong uri ng pangyayari ang Araw ng Pentecostes nang mangaral si Pedro at nakita niyang 3,000 ang sumampalataya sa araw na iyon. Kabilang sa iba pang halimbawa ang mga gawain ni Pablo sa iba’t ibang lungsod at lugar, kung saan inebanghelyo niya ang malalaking bahagi ng populasyon sa loob ng medyo maikling panahon.
Ang “masaganang paghahasik” ay tinatandaan ng malalaking bilang ng mga taong naidaragdag sa pamamagitan ng paglagong dulot ng “pagbabalik-loob.” Maaaring sumabog sa bilis ang paglagong ito at maaaring humantong sa mabilis na pagdoble at paglawak ng laki. Maaari itong maging nakapagpapasigla, lalo na kung nangyayari ito sa mga lugar kung saan walang bunga sa loob ng ilang panahon.
Patuloy na lumalawak ang mga kilusan
sa pamamagitan ng kombinasyon ng dalawang magkaibang uri ng paglago: “masaganang paghahasik” at “personal na pagpapatotoo.”
Ang mga unang tagapagpalaganap ng Ebanghelyo ay madalas na (1) masaganang nagbabahagi ng Ebanghelyo, (2) gumagawa ng mga alagad, at (3) mula sa maagang anihang ito ay nagbabangon ng karagdagang mga bagong “super-spreader”—mga taong may kaloob bilang apostol at ebanghelista—na halos agad na nagsisimulang magbahagi nang malawakan at gumawa ng mga alagad mismo. Ang paikot na prosesong ito ay maaaring humantong sa tuloy-tuloy na pagpaparami na maaaring magdala sa isang kilusan nang napakabilis sa apat na henerasyon at 1,000 mananampalataya o higit pa (inilalarawan ang prosesong ito sa Puso at Apat na Bukid (Heart and Four Fields) sa https://www.missionfrontiers.org/pdfs/35-6-cpm-essentials-on-a-napkin.pdf).
Gayunman, habang lumalago ang kilusan, ang ilang bahagi ng paglago ay magsisimulang manggaling sa paglagong “demograpiko.” Ang tinutukoy ko rito ay ang pang-araw-araw na pagpapatotoo ng karaniwang mananampalataya, lalo na ang kanilang pagdidisipulo sa mga miyembro ng pamilya. Kung iisipin ninyo, karamihan sa mga mananampalataya ay hindi sumasampalataya dahil sa isang misyonero o masigasig na ebanghelista–sumasampalataya sila dahil sa kanilang mga magulang, kaibigan, o katrabaho.
Bagaman inuutusan ang lahat ng mananampalataya na maging handang ibahagi ang kanilang pananampalataya, hindi lahat ay may kaloob bilang ebanghelista (tulad ng hindi lahat ay may kaloob bilang pastor, o guro, o propeta, o apostol). Dagdag pa rito, ang masisigasig na ebanghelista—ang mga “super-spreader”—ay tila mas bihira pa. Minsang sinabi sa akin ng tagapagsanay ng Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad (DMM) na si David Watson, “Medyo bihira ang taong nagbabahagi ng Ebanghelyo sa 1,000 ibang tao. Karamihan sa mga tao ay walang ginagawa. Ang iilang gumagawa ay karaniwang nagdidisipulo lamang ng kanilang mga pamilya.” Sumasang-ayon ang iba pang practitioner ng DMM: sa mga sinanay sa mga prinsipyo ng DMM, nasa pagitan ng 2 at 10% (mas karaniwang malapit sa 2%) ang talagang may ginagawa sa pagsasanay.
Kaya bagaman totoo na nakatatagpo at nagpapakilos ang masisigasig na ebanghelista ng iba pang masisigasig na ebanghelista, tila may hangganan ang bilang ng maaaring matagpuan. Sa kalaunan, higit na marami ang mga magulang at kaibigan kaysa sa mga ebanghelistang super-spreader. Kaya:
- Sa mga unang panahon, karamihan sa paglago ng mga kilusan ay nagmumula sa iilang ebanghelista na bawat isa ay nakaaakay ng libu-libo at nakatatagpo rin ng iba pang ebanghelista na gumagawa ng gayon din.
- Sa mga huling panahon, karamihan sa paglago ng mga kilusan ay nagmumula sa libu-libong sambahayan na bawat isa ay nakaaakay ng 10 o higit pa at nakatatagpo ng iba pang sambahayan na gumagawa ng gayon din.
Gayunpaman, hindi ito ang sanhi ng pag-plateau. Sa katunayan, ang mga gawain ng pagdidisipulo ng mga “karaniwang” mananampalataya ay maaaring humantong sa makabuluhang bunga at mabilis na lumalagong paglawak.
Ang tunay na pagbaba ng paglago ay nangyayari kapag napuno na ng isang kilusan ang isang lugar o pangkat ng mga tao (saturation).
Anumang paglagong mas mabilis kaysa sa kabuuang paglago ng isang populasyon ay sa kalaunan ay sasalpok sa isang matigas na hadlang—ang kabuuang laki ng populasyong pinagtatrabahuhan nila. Habang parami nang paraming tao sa isang lugar ang nagpapasyang sumunod kay Jesus, ang iba—ang natitira—ay nakapagpasya nang hindi sumunod. Maaaring hindi nakararaming Kristiyano ang mga lugar, ngunit maaari pa rin silang nakararaming nakapagpasya na. Kapag naabot ang puntong ito, mabilis na bababa ang bilis ng paglago: naani na ang “hinog na bunga,” at sa pinakamainam ay naghihintay kayo na mahinog ang higit pang bunga.
Ang pag-abot sa plateau ng saturasyon ay hindi kabiguan—ito ang hindi maiiwasang resulta ng matagumpay at mabilis na pagpaparami.
Ang Efeso ay isang halimbawa ng saturasyon: “Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon, kaya narinig ng lahat ng Judio at Griego na nakatira sa lalawigan ng Asia ang salita ng Panginoon.” (Mga Gawa 19:10) Hindi sinasabi ng Kasulatan na sumampalataya silang lahat, ngunit sinasabi nga nito na narinig nilang lahat.
Nagdadala ang plateau na ito ng isang bagong hamon. Kapag napuno na ng Ebanghelyo ang lugar at ang paglago sa hinaharap ay higit na nakasalalay sa personal na pagdidisipulo, kailangan nating itanong: Tapos na ba tayo? Ito na ba ang wakas ng kilusan? Kung hindi, ano ang susunod?
Upang maabot ang puntong ito, naging mahusay na ang mga alagad sa paggawa ng mga alagad, naging mahusay na ang mga iglesya sa paggawa ng mga iglesya, at naging mahusay na ang mga lider sa paggawa ng mga lider. Upang lumampas sa puntong ito, kailangan na ngayong maging mahusay ng mga kilusan sa paggawa ng mga kilusan. Natutunan na nila kung paano “ipasa ang kanilang nalalaman.” (2 Timoteo 2:2) Kailangan na nilang humirang ngayon ng mga taong isusugo alang-alang sa Ebanghelyo. (Mga Gawa 13:2) Kailangang hanapin ang bagong paglago sa pamamagitan ng sinasadyang pagtawid sa mga hangganan. Mangangailangan ito na bumuo ang mga kilusan ng kakayahang isugo ang kanilang mga taong may kaloob na apostoliko sa mga bago at hindi pa napupunong lugar.
Ito rin ang hamong kinakaharap ng lahat: pipiliin ba nating mag-ambag sa pagtupad sa Dakilang Atas, o makokontento na tayo sa sarili nating maliit na sulok ng mundo? Nagsisimula ang lahat sa pagtuon sa sarili nilang “Judea at Samaria,” ngunit sa kalaunan, kung susundin natin si Jesus nang lubusan, kailangan nating pumunta hanggang sa kadulu-duluhan ng daigdig. Hindi lamang ito saklaw ng mga ahensya ng misyon sa Kanluran—ito ang likas na susunod na hakbang na kailangan ding hangarin ng mga kilusan.
Inilathala sa Mission Frontiers 43:1 (Ene./Peb. 2021), pp. 44-45. Frontier Ventures. Orihinal na inilathala noong Hunyo 24, 2020 sa www.justinlong.org. Ibinahagi nang may pahintulot.


