Limang Beses
Habang dumadalaw sa mga iglesya sa isang malayong bahagi ng ibang bansa, nagising ang mapagkawanggawang likas nina Mike at Rebecca. “Kailangan nating humanap ng paraan upang tulungan ang mga iglesyang ito,” pahayag nila. Bago sila bumalik sa USA, nagpasya silang magbigay ng $100 sa bawat isa sa tatlong iglesya sa lugar upang gamitin sa kanilang pinakamabigat na pangangailangan. Inunawa nina Mike at Rebecca ang masiglang pagpapahalaga ng mga tumanggap bilang palatandaan na malaking tulong ang pera. Tiniyak nilang alam ng mga iglesya na sabik silang makipagtuwang sa kanila.
Habang nasa kanilang bayan, nangalap sina Mike at Rebecca ng ilang materyales sa Sunday school para sa mga bata mula sa mga nakaraang taon mula sa iba't ibang iglesya sa kanilang lungsod at ipinadala ang mga ito sa tatlong iglesyang naging katuwang nila.
Makalipas ang anim na buwan, nag-ayos sina Mike at Rebecca ng isa pang biyahe upang dalawin ang mga iglesyang labis na umakit sa kanilang puso. Sa pagkakataong ito, may maliit na pangkat ng mga manggagawa sa konstruksiyon na sumama kina Mike at Rebecca. Ginamit nila ang kanilang panahon doon upang ayusin ang lumang mga gusali ng iglesya.
Lumalaki ang pag-aabang ng mga iglesya sa tuwing nababalitaan nilang darating muli sina Mike at Rebecca para sa isa pang pagdalaw. Isang tanong na hindi binibigkas ang madalas na pumapagaspas sa isip ng mga lokal na mananampalataya: Ano kaya ang maitutulong nila sa atin ngayon?
Dalawang linggo bago ang susunod na pagdalaw nina Mike at Rebecca, nag-email sa kanila ang isa sa mga iglesya nang may pusong puno ng inaasahan. Naglalaman ang email ng sumusunod na kahilingan: “Handa ba kayong magdala sa amin ng isang gitara, katulad ng tinutugtog ni Mike kapag narito siya? Iniisip din namin na kailangan naming magtayo ng matitirhan ng pastor sa lupa ng iglesya. Gagawin nitong mas mabisa ang aming gawaing pastoral para kay Jesus at maaari kayong tumuloy roon kapag dumating kayo.” Tumulong sina Mike at Rebecca sa tila makatwirang kahilingang ito.
Sa sumunod na pagdalaw nina Mike at Rebecca, isang lalaking dumadalo sa isa sa mga lokal na iglesya ang humingi kay Mike ng pera upang mapag-aral ang kanyang mga anak. Halatang nadismaya ang lalaki nang sabihin ni Mike sa kanya na kailangan muna niyang pag-isipan ito. Ito ang unang pagkakataong napaisip si Mike kung may nasimulan ba silang hindi nila sinadya sa pamamagitan ng kanilang pagbibigay na may mabuting hangarin. Ang pagpapahalagang naranasan nila sa simula ay tila nauwi sa pakiramdam ng karapatan. Sa ngayon, isinantabi muna ni Mike ang bumabagabag na kaisipan.

Habang lalong tinutulungan nina Mike at Rebecca ang mga tao roon, lalong naging masalimuot ang mga ugnayan. Matapos ang dalawang taon ng pagtulong sa tatlong iglesyang ito, napagtanto nina Mike at Rebecca na maaaring naitatag nila ang pagdepende.
Ang kathang-isip ngunit napakamakatotohanang kuwentong ito ay nagpapakita na hindi hihigit sa limang beses ng isang-direksiyong tulong mula sa ibang bansa ang kailangan upang maitatag ang di-malusog na pagdepende.1
Siyamnapung Araw
Masamang balita ito kung di-malusog ang ugali at mabuting balita kung malusog ang ugali. Halimbawa, kung palagi ninyong tinutustusan ang 90 araw na halaga ng mga pagsisikap sa ministeryo para sa isang iglesya sa ibang bansa, magiging permanenteng ugali sa pamumuhay ng iglesyang iyon ang tumingin sa labas ng kanilang kongregasyon para sa mga mapagkukunan upang patakbuhin ang kanilang mga ministeryong bigay ng Diyos. Sa kabilang banda, kung hihikayatin ninyo ang parehong iglesya na pakilusin ang mga lokal na mapagkukunan para sa 90 araw na halaga ng sarili nilang mga ministeryo, magiging permanenteng ugali sa pamumuhay ng iglesyang iyon ang pakilusin ang sarili nilang mga mapagkukunan para sa sarili nilang mga pagsisikap sa ministeryo. Nasa atin kung paaandarin natin ang tuntuning 21/90 para sa kabutihan ng paglikha ng isang kultura ng dignidad, pagpapatuloy sa sariling kakayahan, pagpaparami at mga kilusan, sa halip na laban dito.
Isang Henerasyon
Sumulat si Saranya Kapur ng isang online na artikulo para sa Business Insider na pinamagatang “Parents on Welfare Are Bequeathing a Culture of Welfare unto Their Children.”2 Sa artikulong ito, isinulat ni Kapur ang tungkol sa isang pag-aaral mula sa National Bureau of Economic Research (NBER) na nakabase sa Estados Unidos. Ipinapakita ng pag-aaral ng NBER na ang mga magulang na tumatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan ay lumilikha ng kultura ng pag-asa sa ayuda para sa kanilang mga anak. Ipinaliwanag pa ni Kapur na may tatlong pangunahing dahilan kung bakit ito nangyayari:
- Ang mga magulang na tumatanggap ng ayuda ay palaging nagbibigay ng impormasyon sa kanilang lumalaking mga anak tungkol sa lahat ng programang pantulong na makukuha.
- Binabawasan ng mga magulang ang stigma ng paglahok sa mga programang ito ng ayuda.
- Hindi namumuhunan ang mga magulang sa pagpapaunlad ng sarili nilang pamilya.
Sa huli, ipinapakita ng pananaliksik na kadalasan, ang pagtanggap ng ayuda ng mga magulang ang pangunahing sanhi ng pagtanggap ng ayuda ng kanilang mga anak, sa halip na ibang kaugnay na lehitimong salik.
Sa parehong paraan, ang pagdepende ng unang henerasyon ng mga iglesya sa suporta mula sa labas ang pangunahing sanhi ng pagdepende ng susunod na henerasyon ng mga iglesya sa suporta mula sa labas, sa halip na ibang kaugnay na lehitimong salik. Sa ibang salita, ang mga iglesyang pinalaki sa isang eklesiyastikong kultura ng pag-asa sa ayuda ay nagpapamana ng isang eklesiyastikong kultura ng pag-asa sa ayuda sa susunod na henerasyon ng mga iglesya:

Limang beses ng isang-direksiyong pagbibigay ang kailangan upang lumikha ng pagdepende. Siyamnapung araw ang kailangan upang mabuo ang mga permanenteng ugali sa pamumuhay na kaakibat ng pag-asa sa iba. Isang henerasyon lamang ng mga pamilya at iglesyang babad sa isang eklesiyastikong kultura ng pag-asa sa ayuda ang kailangan upang maipamana ito sa susunod na henerasyon ng mga pamilya at iglesya.
Nakapanghihinang-loob na impormasyon iyan. Narito ang kagandahang mula sa abo. Ang alinman sa mga tuntuning ito ay maaaring gumana sa ating pabor para sa mabubuting resulta.
Ano ang mangyayari kung pangungunahan ninyo ang isang grupo ng mga alagad na magbigay at magbahagi ng mga lokal na mapagkukunan para sa isang adhikaing mahal sa kanilang puso nang limang beses, o sa loob ng 90 araw, o para sa unang henerasyon ng mga alagad? Maitatatag ninyo ang pagtutulungang lokal-sa-lokal, makalilikha ng permanenteng ugali sa pamumuhay at maipamamana sa susunod na henerasyon ng mga alagad ang hangarin at kakayahang magbigay at magbahagi ng kanilang mga mapagkukunan.

Ang kamangha-mangha rito ay kailangan nating magsimula sa ating sarili. Kung pipiliin nating gawing layunin at gawi ang paggamit ng mga lokal na mapagkukunan upang likhain ang kailangan natin sa loob ng 90 araw, magiging permanenteng ugali natin ito sa misyon. Higit pa sa pagbuo ng malusog na gawi sa misyon para sa atin, nauuwi tayo sa pagbibigay-inspirasyon at pagpapakita ng halimbawa ng pagiging maaaring ulitin at ng kusang pagpaparami sa iba na sakop ng ating impluwensiya. Sa ibang salita, ang pagiging maaaring ulitin ay magiging ating pinahahalagahan at ating ugali, at gagayahin ito ng iba.
Limang beses lamang ng di-matalinong pagbibigay at libreng serbisyo ang kailangan upang lumikha ng pagdepende. Napakabilis nitong lumulusot sa atin. Pero kung ipapasya nating gamitin ang prinsipyong 21/90 sa positibong paraan, maipamamana natin ang dignidad, pagtataguyod sa sarili, pananampalataya, pagkamalikhain, determinasyon at marami pang iba sa mga henerasyon ng dumaraming mga alagad at iglesya. Nawa'y mangyari ito!
Mga tala
- Robert Lupton, Toxic Charity (New York, NY: Harper One 2011), 130. Bumalik sa teksto
- Saranya Kapur, “Parents on Welfare Are Bequeathing a Culture of Welfare unto Their Children,” Business Insider. http://www.businessinsider.com/children-of-parents-on-welfare-are-more-likely-to-be-on-welfare-2013–11. Bumalik sa teksto
Unang inilathala sa Mission Frontiers 43:3 (Mayo/Hunyo 2021), pp. 13-15. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


