DaveGaano na katagal nagpapatuloy ang kilusan sa gitna ng mga Bhojpuri?
VictorNagsimula ang kilusan noong 1998. Nagsimula akong magtuon sa gawain sa gitna ng mga Bhojpuri mula pa noong 1992 at noong 1994 ay sineryoso na namin ang ministeryo. Idinaos namin ang unang konsultasyon tungkol sa mga Bhojpuri, nagsimula ng isang sistematikong sarbey sa lahat ng distrito ng Bhojpuri at nagpasyang magtuon sa paggawang alagad na nakabatay sa pagsunod. Hindi kami nagsimula na may plano kung paano lalaganap ang ministeryo; unti-unting umunlad ang lahat sa paglipas ng mga taon. Ang tunay na tagumpay na may malaking bilang ay nangyari nang ilabas namin ang unang edisyon ng Bagong Tipan sa wikang Bhojpuri noong 1998. Pagkatapos niyon, nagsimulang lumago nang napakabilis ang kilusan. Hindi pa ito napakalaking kilusan noong panahong iyon. May mga nangyayari sa iba’t ibang lugar, pero wala kaming ideya sa kabuuang larawan ng ginagawa ng Panginoon. Noong 2000, nagsagawa ng audit ang International Mission Board (IMB), at itinuro nila na nagaganap ang napakabilis na paglago. Ang tipping point ay noong 1998, nang biglang tumaas ang lahat. Mayroon lamang kaming 800 pastor noong panahong iyon, at ang lahat ng kanilang ministeryo ay lumago sa loob ng nakaraang dalawa o tatlong taon. Ipinakita ng audit ng IMB ang kurba ng mabilis na paglago at hindi na ito tumigil mula noon. Nagsagawa ng karagdagang mga audit ang ibang mga grupo sa mga sumunod na taon, na nagpapakita ng pagtitiis at paglago ng kilusan. Kahapon lamang ay nakipagkita ako sa 35 o 40 lider na nagbahagi ng kamangha-manghang mga kuwento. Binibilang namin ang mga henerasyon ng mga mananampalataya at iglesya at mahigit 100 henerasyon na ito! Ang bawat henerasyon ng mga mananampalataya ay nagsisimula ng isang bagong iglesya. Hindi namin binibilang ang dami ng mga mananampalataya (kung ilang tao ang naligtas). Binibilang namin ang dami ng mga iglesyang nasimulan.
DaveAng kilusan sa gitna ng mga Bhojpuri ay isa sa pinakamatagal na kilusang nagpapatuloy pa rin taglay ang dinamika ng Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM). Tila ipinakikita nito na hindi lamang ito isang uso.
VictorOo. Patuloy pa ring kumikilos ang kilusan. Sa mga nakaraang taon, may ilang taong namuhunan ng maraming panahon at pagsisikap sa mga bagay na lumabas na uso lamang pala. May ilang nag-aatubiling mamuhunan sa pagpapasimula ng isang CPM, sa takot na lalabas din itong uso lamang. Pero napakabuti ng Diyos! Nagpapatuloy ang pagpaparami, at nakikita natin na hindi naman di-maiiwasang magwakas ang isang kilusan o mauwi ito sa mga tradisyonal na iglesya.
DaveNoong dekada 1990, hindi marami ang gumagamit ng terminong “CPM.” Nang magsimula ang ministeryong ito sa gitna ng mga Bhojpuri noong kalagitnaan ng dekada 90, ano ang inyong inaasahang mangyari? Anong mga salita ang ginagamit ninyo upang ilarawan ang inaasahan ninyong gagawin ng Diyos?
VictorNoong panahong iyon, napakapopular ng “church growth” o paglago ng iglesya. Lubha itong ginawang komersiyal at napakaraming seminar tungkol sa paglago ng iglesya. Popular din ang modelo ng megachurch mula sa South Korea, at malaking bagay ang mga megachurch sa US. Pero hindi ko inisip na maaabot ang mga Bhojpuri sa pagsisikap na magtayo ng isang malaking iglesya. Ang iniisip ko ay isang bagay na tulad ng sa aklat ng Mga Gawa – maliliit na iglesya sa tahanan na mabilis na maaaring paramihin. Sa halip na magkaroon ng isang iglesyang may 500 miyembro, inisip kong mas mabuti, kahit 10 tao lamang ang mga iglesya, na magkaroon ng 50 iglesya. Mas madali itong paramihin at higit na mas mababa ang gastos. Ang pagpapatakbo ng iglesyang may 500 miyembro ay isang napakalaking proyekto – kasama ang mga kawani, gusali, pagpapanatili, pamamahala at administrasyon. Nagkakahalaga ng pera ang lahat ng mga bagay na iyon.
Madaling dumami ang maliliit na iglesya sa tahanan na walang bayad na kawani. Hindi rin sila gaanong nakababahala sa mga taga-labas at mas maliit ang posibilidad na magdulot ng negatibong reaksyon at pag-uusig. Nakita ko na noong dekada 90 na kailangan namin ng isang modelo ng iglesya na madaling makapagtatago sa ilalim ng lupa kung kailangan. At iyon mismo ang nangyayari ngayon, sa kasalukuyang sitwasyon ng pagkapoot.
Ang kasalukuyang pag-uusig na ito ay hindi isang kakaibang sorpresa para sa amin. Hindi kami nakaupo lang at nagsasabing, “Naku! Ano ang gagawin namin, ngayong nakararanas kami ng matinding pag-uusig?” Patuloy naming ginagawa ang lahat gaya ng dati, mas maingat lamang nang kaunti. Maraming organisasyon ang kinailangang magsara, magtanggal ng kanilang mga kawani o baguhin ang kanilang ginagawa. Pero lumalago kami, at lumalago rin ang mas bagong kilusan sa silangan namin, na naimpluwensyahan ng mga Bhojpuri. Naghahanda kami para sa higit na mas malaking anihang darating.
DaveHabang pinag-uusapan ang pag-uusig, ano ang ilan pang hamong hinarap ninyo sa paglipas ng mga taon?
VictorIsang hamon ang mga organisasyong may mas tradisyonal na modelo na gustong makisawsaw at makakuha ng bahagi. Nagkaroon ng napakahirap na taon ang kilusan sa gitna ng mga Bhojpuri noong 2011. Maraming organisasyon ang dumating, at pagkatapos ay nanggulo at nag-upa ng mga tao. Lumikha iyon ng maraming kalituhan at labis akong pinanghinaan ng loob. Inisip ko, “Baka mamatay o magkawatak-watak ang buong bagay na ito.” Pero nagpatuloy ang ministeryo at pinatibay ng hamong iyon ang mga lokal na lider na nanatiling mga tagapagpasya. Lalo nilang inangkin ang ministeryo sa loob ng kanilang lugar sa halip na magtrabaho bilang mga ebanghelista sa ilalim ng iba. Ginamit nila ang anumang alam nila. Doon ko sinimulan ang kasabihang, “Kung isang bagay ang alam mo, sundin ang isang bagay; kung dalawang bagay ang alam mo, sundin ang dalawang bagay.”
Isa pang hamon ang mababang antas ng edukasyon ng marami sa mga inaabot. Maaaring magtaka ang ilan: “Paano makapagsisimula at makapagpapalago ng iglesya ang isang tao kung napakakaunti ng kanyang kaalaman?” Pero hindi kaalaman ang susi; ang susi ay pagsunod kay Cristo at kahandaang talagang isagawa ang kaunting alam nila. Hindi ito mga taong nakapila upang upahan sa trabaho; ito ay mga karaniwang taong sumusunod sa Panginoon at nakikitang pinagpapala Niya ang kanilang pagsasabuhay ng pananampalataya sa araw-araw. Alam nila kung paano isakatawan ang kanilang sarili at ilahad si Cristo sa gitna ng isang lubhang mapagpoot na komunidad.
Isang mas bagong hamon ang lumitaw mula sa lawak ng kilusan. Pakiramdam ng nakararami sa bansa ay nagulat sila sa tahimik na dumarami sa kanilang gitna. Inakala ng mga militanteng Hindu na ang Cristianismo ay ang nakita lamang nila sa loob ng 200 taon – isang dayuhang inangkat mula sa Kanluran, na may nakikitang mga istruktura at dayuhang padron. Bigla nilang natuklasan na bumabaling ang mga tao kay Cristo sa mga paraang hindi sila ginagawang mga taga-Kanluran. Isang artikulong inilathala noong nakaraang taon ang sumipi sa ministro ng pamahalaan na si Giriraj Singh na sinisisi ang mga Cristiano sa pagkumberte ng mga tao nang “tahimik.” Sinabi niya, “Mga Cristiano ang gumagawa ng pinakamaraming [sic] pagkumberte sa relihiyon sa bansa, at tahimik pa.” Hindi ko inakalang mabubuhay ako upang marinig ang reklamong iyon.
DaveKung minsan, naglalakbay ang mga tao sa isang lugar kung saan may naiulat na kilusan at wala silang nakikitang ebidensya nito, kaya hinuhinuha nilang wala talagang kilusang nangyayari roon. Paano ninyo iyon tutugunan?
Victor(tumatawa) Maaari kayong maglakad sa isang gubat at hindi makakita ng anumang hayop. Hindi ibig sabihin niyon na walang hayop sa gubat. May ilang taong may tiyak na larawan sa kanilang isip kung ano ang hitsura ng isang Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya. Iniisip nilang makakakita sila ng mga taong umiiyak sa mga lansangan, o sumisigaw nang ubod-lakas na sila ay naligtas na. Inaasahan nilang makakita ng mga krus sa ibabaw ng mga bahay, at wala nang mga templo o moske o diyus-diyosan. Mayroon silang guni-guni na kapag nangyari ang isang kilusan ay magmumukhang napaka-Cristiano ng lugar. Marahil ay nangyayari iyon sa ilang lugar, pero hindi sa kontekstong tulad ng sa amin. Wala kaming mga taong dumadagsa sa mga gusali ng simbahan tuwing Linggo ng umaga. Ang mga mananampalatayang Bhojpuri ay namumuhay, nagbibihis at kumakain tulad ng ibang mga Bhojpuri. Nagtitipon sila upang sumamba sa mga paraang hindi gaanong napapansin. May ginagawang kahanga-hangang bagay ang Diyos sa gitna ng lahat ng kaguluhan at diyus-diyosan. Tahimik na tumatagos ang Kanyang Kaharian – gaya ng lebadura sa mga lugar kung saan hindi pa kailanman sinamba si Cristo.
Isang lalaki ang dumalaw sa aming lugar, tumingin-tingin sa paligid at sinabi sa akin, “Wala akong nakikitang kilusang nangyayari.” Sinabi ko, “Mabuti!” Nagtanong siya, “Bakit mo nasabi iyan?” Sumagot ako, “Dahil ligtas ang kilusan mula sa mga taong tulad mo na pumupunta upang turuan ang mga mananampalataya ng ‘kung paano maging Cristiano,’ at sa huli ay sinisira ang kilusan.” Kung minsan ay napakaprangka ko. Pero ang totoo ay masyadong maraming Cristiano ang gustong “kumbertihin” ang mga mananampalataya ng kilusan upang maging “mas mabubuting Cristiano” ayon sa sarili nilang depinisyon. Ang ideya nila ay kadalasang mas maraming kaalaman sa isip o mas maraming impluwensya ng Kanluran at mas kaunting pagsunod na maaaring ulitin.
DaveSa inyong aklat, isinasalaysay ninyo kung paanong ang kilusan sa gitna ng mga Bhojpuri ay umagos tungo sa ibang mga grupong etnolingguwistiko upang magpasimula ng mga tagumpay ng Ebanghelyo. Sa puntong ito, ilang iba pang grupo sa palagay ninyo ang tuwirang naapektuhan ng kilusan sa gitna ng mga Bhojpuri?
VictorMga walong iba’t ibang grupo ng wika sa buong Hilagang India ang naapektuhan at ang mga grupong pangwikang iyon ay may iba’t ibang mas maliliit na grupo sa loob nila. Ang gawain sa hindi bababa sa isa sa mga iyon ay umabot na sa puntong maaari na itong ituring na sarili nitong Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya. Kadadalo ko lamang sa isa nilang kumperensya at lubha akong napalakas ang loob na makitang pinagpapala ng Panginoon ang gawaing iyon. Naging isa na itong mabilis na lumalagong kilusan, na hindi umaasa sa pananalapi o sa iisang lider.
Ang kalikasan ng Ebanghelyo ay ang dumami at lumaganap. Pinupuri namin ang Diyos sa mga paraang patuloy nitong ginagawa iyon sa gitna ng mga Bhojpuri at ngayon ay lumalaganap din sa gitna ng ibang mga grupo.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 41:3 (Mayo/Hunyo 2019). Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


