BINAGABAG AKO NG EFESO 4:11-13!
Bagaman ang Efeso ay malamang na ang paborito kong sulat na pinangangaralan at pinagtuturuan, ang bahaging ito ang kumumbinsi sa akin na ang aking pagsasanay ay naging kulang at maging naligaw pa ng landas. Paano ninyo gagawin ang isang bagay sa ibang paraan kung iyon lamang ang inyong nakita?
Isinulat ni Pablo:
Nagbigay Siya [si Jesus] ng ilan bilang mga apostol, at ng ilan bilang mga propeta, at ng ilan bilang mga ebanghelista, at ng ilan bilang mga pastor at guro, para sa pagsasangkap sa mga banal para sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo; hanggang sa makamtan nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ng pagkakilala sa Anak ng Diyos, sa isang taong may hustong gulang, sa sukat ng tayog na nauukol sa kapuspusan ni Cristo.
(NASB, akin ang pagkakaayos, JKK.)
Sinasangkapan Ba Ninyo ang mga Karaniwan?
Ang mga apostol ay ang mga “isinugo” na inatasang ibahagi ang kultura ng Kaharian sa lupa gaya ng sa langit, lalo na sa mga lugar kung saan hindi pa kailanman narinig ang Ebanghelyo. Sila ang mga manggagawa ng Kaharian na siyang dulo ng sibat, ang mga pumupunta sa mga bansang hindi nagbibigay ng visa sa mga misyonero.
Ipinapahayag ng mga propeta ang pangitain ng langit dito sa lupa. Tinutulungan nila ang mga tao na isipin, “Ano ang magiging hitsura ng aming komunidad kapag ginawa rito ang kalooban ng Diyos?” Magbabago ang lahat ng negosyo, edukasyon at libangan habang nagiging layunin natin ang pangitain ng Diyos!
Ibinabahagi ng mga ebanghelista ang Magandang Balita nang may alab ng puso ni Jesus saanman sila nakatira, nagtatrabaho at naglilibang. Pinagkalooban ng umaapaw na pagnanais na makitang makilala at mahalin ng lahat si Jesus, hindi mapigilan ng mga pinuspos ng kaloob na ito ng biyaya ang pagsasalita tungkol sa pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Ang mga pastor/guro ay nagtatayo ng banal na komunidad sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga tao sa mga kasanayan sa pakikipag-ugnayan. Dito, ang “pamilya” ang nagiging larawan ng paghilom para sa marami sa mga sirang bahagi ng ating buhay at ng ating mga kapitbahayan. Makikita ang patunay ng kanilang gawain sa pagkakasundo at sa nabagong mga priyoridad.
Ngunit hindi pangunahing nakatuon si Pablo sa mga “kaloob ng biyaya” na ito (apat man o lima ang uri ng mga ito)! Ang kanyang pangunahing pinagtutuunan ay magamit ang lahat ng kaloob na ito “para sa pagsasangkap sa mga banal” upang mabigyan sila ng kakayahang gawin ang gawain ng ministeryo.
Ang layunin ng mga kaloob na ito ng pagsasangkap ay patibayin ang katawan upang maipakita ng lahat ang pagkatao ni Jesus at magmukha, kumilos at magsalita tayo tulad ng ating Ama sa langit!
Nagiging mga lalaki at babae tayong tapat at may integridad. Ginagamit natin ang ating pananalita upang patibayin ang mga tao sa halip na ibagsak sila. Nagtatrabaho tayo sa halip na mandaya at magnakaw sa iba. Nagpapatawad tayo nang kasing-luwag ng pagtikim natin sa kapatawaran ng Diyos. Lahat tayo ay nagiging mga lingkod na naglilingkod nang may habag at nagpapahayag ng Kaharian, gaya ng ginawa ni Jesus (Efeso 4:14-32).
Mga Paradigma ng Kilusan
Bagaman ang mga taong kumikilos nang may awtoridad ng apostol ay talagang mahalaga sa pagpapayunir ng mga tagumpay sa misyon, kailangang mabilis na sumunod ang mga propetiko, pang-ebanghelista at pampastor kung babaguhin ng kultura ng Kaharian ng langit ang isang nayon, bayan o rehiyon ng isang lungsod. Upang makakita ng isang kilusan sa gitna ng isang pangkat ng mga tao, kailangang gamitin ang lahat ng kaloob na ito ng biyaya upang mabuo ang pagkatao ni Cristo sa loob ng bawat alagad, pamilya ng mga alagad at grupo ng magkakaibigang alagad.
Gayunman, ang modelo ng Mangangaral/Dalubhasang Guro na lubhang nakatanim sa iglesya sa North America ay hindi madaling maulit. Nangangailangan ito ng mahabang panahon, magastos na edukasyon at karanasang dahan-dahang natatamo na nagiging preno na nagpapabagal sa bilis ng paglago hanggang sa halos gumapang na lamang. Ngunit iyon ang aking pamumuhay!
Ang mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad (DMM) ay lalo nang nakatuon sa apostoliko. Umiikot ang pangunahing DNA sa pagsasakatuparan ng paghahari ni Cristo—lalo na kung saan hindi pa naririnig ang Kanyang pangalan. Ang higit pa sa ginagawa ng iglesya sa Kanluran ay hindi magdadala sa atin sa pagsunod na hinihingi ng Dakilang Atas. Sa totoo lang, hindi nasa isip ko ang paggawang alagad sa lahat ng bansa. Tumanggap ako ng napakaliit na papel sa Kaharian—ang pagpapalago sa kahustuhan ng ilan sa mga lumapit upang sumunod kay Jesus, ngunit paano tayo makasusunod sa Kanya kung hindi tayo gumagawa ng mga alagad?
Ang Paradigma ng Pag-uulit
Ang unang pagbabago ng paradigma para sa akin ay ang pagtanggap sa prinsipyo ng DNA na: “Anuman ang ginagawa ninyo ay kailangang maulit ng mga taong sinasanay ninyo.” Ang “Kaya ba nilang ulitin ito?” ay isang tanong na yumayanig sa mundo kapag pinilit ninyo ang inyong sarili na sagutin ito. Iginiit ng aking apat-na-taong digri sa Biblia at dalawang digring Master na kailangang mayroon kayong Bible Dictionary at Concordance man lamang, kung talagang pag-aaralan ninyo ang Biblia.
Paano ninyo masasangkapan ang mga tao para sa ministeryo kung hindi ninyo sila kayang sanayin na pakainin ang kanilang sarili sa espirituwal? Bagaman maaari kong igiit na kaya nilang lahat na bumili ng Concordance at Bible Dictionary, dito sa U.S., paano naman ang mga tao sa mga iglesya kung saan iisa lamang ang kopya ng Biblia para sa buong iglesya? Winasak ng Diyos ang aking kahon nang dalhin Niya ako sa West Africa ilang buwan bago naganap ang unang pagsasanay sa DMM.
Ang Paradigma ng Pagtuklas
Ang pagtuklas ang naging sagot. Paano natin mapababagal ang mga tao at mapapakinig nang tunay sa sinasabi ng Salita? Paano natin sila mapasasagot sa mga pangunahing tanong na lumalampas nang kaunti sa pangkalahatang pag-unawa sa binasa, ngunit hindi naman masyadong lampas? Marami sa aking mga pinakaunang pagtatangka ay masyadong komplikado at nangangailangan ng labis na teknolohiya, ngunit patuloy na bumabalik sa aking isip ang nakakukulit na tanong na iyon: “Kaya ba nilang ulitin ito?” Sa animnapung sinubukan kong sanayin sa isang simpleng inductive na proseso ng pag-aaral ng Biblia, lima ang hindi marunong bumasa at sumulat. Paano ninyo gagawing abot-kamay ang Salita at ang Pagtuklas para rin sa mga natututo sa pamamagitan ng pakikinig?
Ang mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad ay talagang nangangailangan ng mga tagapagpasimula na natututong makinig mula sa Diyos at ilapat ang kanilang natutuklasan sa kanilang buhay sa pamamagitan ng mga kongkretong kilos—angkop na pagsunod. Ang legalismo ay ang paglalapat ng listahan ng mga patakarang ibinibigay sa atin ng ibang tao. Ang pagsunod ay ang pagtugon sa mga tagubilin ng Diyos. Ang pagsasangkap sa katawan ay nangangailangan na tayo ay maging mga coach higit pa sa pagiging mahuhusay na manlalaro. Ang mahusay na pag-coach ay nagpapakita ng kamangha-manghang pagtitiwala sa Banal na Espiritu. Kinikilala nito na ang Diyos ay nagbubunga ng mas mabubuting resulta kaysa sa kaya ng coach. Naniniwala ito na ang mga mapagkukunan ay nasa aanihin. Ang puwersang nagpapasulong sa Kaharian ay babangon mula sa bukid na aanihin ng Diyos, kung gagawin nating alagad ang katawan upang gumawa ng mga alagad sa istilo ni Jesus.
Ang Paradigma ng Pag-coach
Ang pagsasanay ay nangangailangan ng pag-aaral ng mga kasanayan. Paano ninyo iko-coach ang isang Taong May Kapayapaan upang siya ang magpadaloy ng isang grupong pagtuklas na binubuo ng kanyang mga kaibigan sa gitna ng mga magulang ng naglalakbay na soccer team? Anong mga tanong ang palagi ninyong gagamitin sa kanya hanggang magkaroon siya ng tiwala sa pagpapadaloy? Kailan siya handang magpadaloy ng isang grupo na may patuloy na pag-coach? Kailan niya kailangan nang mas kaunti ang inyong presensya? Mahusay na nagtutulungan ang pag-coach at mabuting pagsasanay, ngunit sa mundo ng DMM, ang malaking bahagi ng aming pagsasanay ay sadyang ginagawa upang matagpuan ang iilang handang ma-coach. Ang karamihan sa Iglesya sa Kanluran ay hindi handang ma-coach. Kahit ang mga nagiging handa ay kadalasang nangangailangan ng maraming pagkakalantad sa mahahalagang prinsipyo at ng mga karanasan sa pag-eeksperimento sa mga proseso ng Pagtuklas.
Ang paghahanap ng isang Taong May Kapayapaan ang nagiging pinakamalaking kawit upang “mahila” ang mga tulad naming “nabihag” ng kaisipang Pangkilusan. Ang “Tikman at tingnan...” ay maaaring maging panimulang paanyaya. Nakalalasing sa tuwa ang makita ang masayang pagbabago sa buhay ng isang Taong May Kapayapaan na sumusunod sa isang landas ng Pagtuklas.
Ang pagtulong sa mga karaniwang tao na makaranas ng tagumpay sa paggawa ng mga alagad ay nagbibigay sa akin ng malaking kagalakan! Higit na nalalampasan nito ang kasiyahan ng pagkakaroon ng isang Kristiyanong nagsasabi linggo-linggo: “Napakagandang sermon! Hindi ko pa narinig na ipinaliwanag ito nang ganoon!”
Nakararating ang Pagpaparami sa Hindi Natin Kayang Puntahan
Ang una kong mga pagsisikap na gawing alagad ang mga gumagawa ng mga alagad ay naganap sa Rutherford County Jail na ilang milya lamang mula sa aking tahanan sa Murfreesboro. Bagaman makadadalaw lamang ako sa sinumang preso nang dalawang 45-minutong sesyon bawat linggo, siya naman ay kasama ng mahigit 50 lalaki sa kanyang selda nang 24 na oras araw-araw, at dalawang beses sa isang araw, pitong araw bawat linggo ay nakakatagpo niya ang mga lalaki mula sa katabing selda sa silid-ehersisyo. Ang pagsasanay sa kanya na magpadaloy ng isang pag-aaral sa paraang pagtuklas ay nagbigay ng lalong higit na malaking kakayahan upang dalhin ang Ebanghelyo sa bilangguan. Tatlong taon matapos siyang makalaya, nakikipagtulungan na ako noon sa ika-17 na iba’t ibang tagapagdaloy ng isang pag-aaral ng grupo na tuluy-tuloy na nagaganap. Nang mabalitaan ng mga kaibigan sa Africa ang tungkol sa grupong ito, nagkaroon sila ng lalo pang malawak na pagkakataong makapasok sa mga bilangguan. Marami pa ang naakay bilang mga alagad tungo sa pananampalataya at sa kahustuhan.
Alam ninyong gumagamit kayo ng mas mahuhusay na estratehiya kapag nalaman ninyong ang isang batang babaeng Chinese sa isang unibersidad sa U.S. ay nagpapadaloy ng isang proseso ng Pagtuklas kasama ang kanyang ina sa Inner Mongolia sa pamamagitan ng Skype. Bagaman hindi pa mananampalataya ang anak noong panahong iyon, sapat ang pagpapahalaga niya sa nangyayari sa kanyang puso kaya inulit niya ito sa isang taong mahal niya. Kamakailan ay sumampalataya ang batang babae—ipinapanalangin naming sumampalataya rin ang kanyang ina. Hindi ko maiwasang magtaka kung may iba pa kaya sa China na malapit na rin sa Kaharian.
Sinabi ni Floyd McClung, “Dinadala ng mga taong apostoliko ang iglesya sa mundo; hindi nila hinihintay na pumunta ang mundo sa iglesya.” Kailangan natin ng mga taong apostoliko upang maabot ang malaking porsiyento ng mga Amerikano na hindi pupunta sa ating mga iglesya. Kailangan din natin ng mga manggagawang propetiko, pang-ebanghelista at pampastor na nakikipagkapit-kamay sa mga apostoliko upang sangkapan ang katawan na lumago tungo sa kapuspusan ni Cristo!
Kaya ba ng mga taong ginagawa ninyong alagad na gawing alagad ang iba upang maging mga gumagawa ng mga alagad? Ang mga kilusan ng paggawa ng mga alagad ay sumasaklaw sa maraming henerasyon, o hindi talaga sila mga kilusan!
Unang inilathala sa Mission Frontiers 39:6 (Nob./Dis. 2017), pp. 29-31. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


