Kumikilos ang Diyos! Nagpapasimula Siya ng mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM), ang tanging pamamaraan sa ministeryo kung saan ang paglago ng Kaharian ay lumalampas sa paglaki ng populasyon, habang binabago rin ang mga lipunan mula sa loob—sa mga paraang buo at matatag sa pananalapi. Sa mga CPM, ang mga alagad ay nagpaparami ng mga alagad, ang mga iglesya ay nagpaparami ng mga iglesya, at ang mga lider ay nagpaparami ng mga lider. Natututunan din natin na ang mga kilusan ay nagpaparami ng mga kilusan! Ipinakita ng isang sarbey sa mga lider na kumakatawan sa mahigit 1500 CPM na 80–90% ng mga kilusan ay pinasimulan ng ibang mga kilusan. Ang mga kilusang ito ay sunud-sunod na umaagos mula sa kanilang unang mga bayan at lugar tungo sa ibang mga bayan at lugar, malapit man o malayo. At ang mga kilusang ito ang ating pinakamagandang pag-asa, sa ilalim ng Diyos, upang matupad ang Dakilang Atas sa ating panahon.
Itinatala ng Mateo 28:19 ang utos ni Jesus na gawing alagad ang lahat ng ethnē. At alam natin mula sa Pahayag 7:9 na magkakaroon ng napakaraming tao mula sa bawat tribo at wika at bayan at ethnē na sumasamba sa Diyos sa harap ng trono ng Diyos. LAHAT. BAWAT. Hindi natin alam kung kailan ito mangyayari, pero alam nating ito ang plano ng Diyos.
Ginagamit ko ang salitang Griego na ethnē dahil ang karaniwang salin na “bansa” ay madalas na nagpapaisip sa mga tao ng mga pulitikal na bansang-estado sa halip na mga bansang etnolingguwistiko. Pero hindi sapat na makitang naitatag ang iglesya sa isang pulitikal na bansa.
Isinilang ako sa Indonesia, kung saan misyonero ang aking mga magulang at naglingkod sa panahon ng isang kamangha-manghang kilusan ng Diyos noong 1966-68, nang tinatayang dalawang milyong Muslim na Javanese ang pumasok sa iglesya.1 Makalipas ang ilang taon, ipinapanalangin naming mag-asawa ang aming pagkatawag sa misyon. Saan kami nais papuntahin ng Diyos? Nadama namin ang paghimok ng Diyos na paglingkuran ang mga pinakanangangailangan ng Ebanghelyo.
Dahil sa milyun-milyong Cristianong Indonesian, wala akong nakitang pangangailangan para sa pangunguna sa misyon doon. Isipin ang aking pagkagulat nang mapagtanto kong tinatayang 121 milyong Indonesian ang bahagi ng mahigit 200 pangkat ng mga taong hindi pa naaabot (UPG)! Noong 1996, nagtipon ang mga lider ng Indonesia upang isaalang-alang ang pangangailangan para sa Dakilang Atas sa loob ng Indonesia. Malalaking sama-samang pagsulong ang nagawa sa panalangin, pananaliksik at mobilisasyon. Sa loob lamang ng limang taon, ang bilang ng mga UPG sa Indonesia na pinaglilingkuran ng mga manggagawa ng Ebanghelyo ay lumaki mula 21 lamang tungo sa mahigit 100! Kamangha-mangha at mapagsakripisyong mga pagsisikap ang ginawa sa mga siglo bago nito at sa mga taon pagkatapos ng 1996, pero 28 taon na ang nakararaan ay may 121 milyong Indonesian na hindi pa naaabot at ngayon ay may 192.5 milyong Indonesian na hindi pa naaabot.
Noong 1996 at pagkatapos nito, tama ang aming motibasyon, malaki ang aming hangarin, napakaraming panalangin at mobilisasyon ang naganap, at maraming tao ang gumawa ng malalaking sakripisyo. Pero nakagawa kami ng isang pundamental na pagkakamali. Inakala namin na ang pagsusugo ng mga manggagawa sa lahat ng grupong ito ay magbubunga ng pag-abot sa kanila. Pero ang napakalaking bahagi sa amin ay gumamit ng mga tradisyonal na pamamaraan upang subukang abutin ang mga grupong alinman sa matagal nang tumatanggi o nahiwalay sa Ebanghelyo sa loob ng maraming siglo. May ilang maliwanag na bahagi kaming nakita, pero sa kalakhan ay nabigo kaming magkaroon ng sapat na epekto upang mag-alok ng tunay na pag-asa na maabot ang mga grupong ito.
Sa buong mundo, dumami ang pansin sa mga hindi pa naaabot sa nakalipas na 30 taon. Pero hindi bumuti ang mga resulta. • 2.25 bilyon (28%) ng mga tao sa mundo ang walang pagkakataong marinig ang Ebanghelyo.2 • 3.37 bilyon (42.5%) ng mga tao sa mundo ay mga miyembro ng 7,415 Pangkat ng mga Taong Hindi Pa Naaabot sa mundo3. • 18.3% lamang ng mga hindi Cristiano ang personal na nakakakilala ng isang Cristiano,4 at kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo, lalaki lamang iyon sa 20% pagsapit ng 2050! Paano sila makaririnig kung walang magsasabi sa kanila? At mas masalimuot ang problema kaysa sa mga katotohanang ito lamang.
Problema #1: Kailangan nating magbilang pataas bago tayo makapagbilang pababa.
Isang panganib sa ilang nag-iisip tungkol sa Dakilang Atas ang hangaring magbilang pababa. Gusto nating tukuyin ang bilang ng mga grupong kailangang abutin, at pagkatapos ay ekisan sila sa ating listahan—batay sa ilang palatandaan ng mga gawain sa halip na mga kinalabasan. Pero ang ating layunin ay ang Ebanghelyo para sa bawat tao at mga iglesyang nagpaparami na pumupuno at nagbabago sa bawat komunidad sa loob ng bayan/ wika/tribo/ethnē na iyon.
Halos tiyak na mas marami tayong bahaging aabutin kaysa sa 7415 UPG lamang. Tinatantiya ng ilang estratehista na kailangan ang isang pagsisikap na pangkilusan para sa bawat bahagi na may 100,000 tao. Ang isang pagsisimula ng ministeryo para sa bawat bahagi na may 100,000 tao sa gitna ng 3.37 bilyon sa mga Pangkat ng mga Taong Hindi Pa Naaabot ay katumbas ng hindi bababa sa 33,700 bahagi. Kapag idinagdag ninyo sa mga “bayan” ang kanilang mga “lugar” (gaya ng 43,000 distrito sa mundo), nakapanghihina ng loob ang paglaki ng pagiging masalimuot. Kung may karaniwang tatlong bahagi ang bawat distrito, maaaring umabot iyon sa 120,000 lugar na nangangailangan ng mga kilusan.
Sagot: Ang mga kilusan ay sunud-sunod na umaagos tungo sa maraming bayan at lugar sa kanilang paligid. Dahil sa DNA na ang bawat alagad ay gumagawa ng mga alagad at sa malapit na pagkakahawig ng kultura nila sa mga bayan sa kanilang paligid, higit na angkop sila upang abutin ang mga ito.
Problema #2: Ang ilang “iisang” pangkat ng tao ay talagang maraming grupo (mga waffle sila, hindi mga pancake).
Hindi sinabi sa atin ni Jesus na gawing alagad ang iilang indibidwal, kundi gawing alagad ang buong ethnē. Ang salitang Griego na ethnos (isahan ng ethnē) ay binibigyang-kahulugan bilang “isang pangkat ng mga taong pinag-iisa ng pagkakamag-anak, kultura, at magkakatulad na tradisyon, bansa, bayan.”5 Kinukumpleto ng Pahayag 5:9 at 7:9 ang larawan ng ethnē na maaabot, at nagdaragdag ng tatlo pang salitang naglalarawan: mga tribo, mga bayan, at mga wika—iba’t ibang grupo na may magkakatulad na pagkakakilanlan.
Sa ating pagmamadaling pasimplehin ang gawain, para sa mobilisasyon at estratehiya, nawala sa atin ang ilang karunungan mula sa mga unang nagpasimula ng konsepto ng hindi pa naaabot. Sinabi ng taskforce ng Lausanne 1982 tungkol sa pangkat ng tao: para sa layuning pang-ebanghelismo ito ay “ang pinakamalaking grupo kung saan maaaring lumaganap ang Ebanghelyo bilang isang kilusan ng pagtatanim ng iglesya nang hindi nakakaharap ng mga hadlang sa pag-unawa o pagtanggap.”6
Narito ang isang tiyak na halimbawa. Noong dekada 1990, natuklasan ng isang pangkat ng mananaliksik na pinangunahan ni Marvin Leech na ang pangkat ng taong Jawa (Javanese), na may milyun-milyong mananampalataya at ibinilang na iisang malaking pangkat ng tao na “naabot na,” ay halos tiyak na hindi bababa sa walong magkakahiwalay na pangkat ng mga tao ayon sa depinisyon ng Lausanne. Tatlo sa mga grupong ito ay may 7–10% Ebanghelikong Cristiano samantalang ang lima sa kanila ay wala pang 1% Cristiano. Malinaw na may mga hadlang sa pagitan ng Jawa Negarigung na 10% Cristiano at ng Jawa Pesisir Lor na 0.1% Cristiano. Ang pagbibilang sa kanila bilang iisang pangkat ng taong Jawa ay lubhang nagpabaya sa limang grupong hindi pa naaabot.
Sagot: Nakita naming nagsimula ang mga kilusan sa lahat ng limang UPG ng Jawa sa nakalipas na 10 taon. Pinasimulan ang mga ito ng mga tagapagpasimula ng kilusan na may pinagmulang Indonesian at Javanese. Higit na malaking pagsisikap ang kailangan upang maabot ang mahigit 100 milyong taong Jawa, pero ito ay isang lubhang nakapagpapalakas-loob na simula. Napakahalaga rin na ang mga kilusang Jawa na ito at ang iba pang nagsasagawa ng kilusan ay umaabot palabas at nakapagsimula nang magparami ng mga alagad at iglesya, na may mga kilusan sa mahigit 30 UPG at ilang bungang pre-kilusan sa mahigit 40 pang UPG. Ang dinamikong ito ay nangyayari sa buong mundo! Mababasa ninyo ang iba pang kapana-panabik na halimbawa sa natitirang bahagi ng isyung ito.
Problema #3: Maaaring masyadong mababa ang 2%.
Ipinakikita ng kasaysayan ng terminong “hindi pa naaabot” na bago ang 1980, ang 20% ang tila tinatanggap na hangganan sa pagitan ng naabot na at hindi pa naaabot. Pagkatapos noong dekada 1980, nagsimulang kumalat ang iba’t ibang bilang tulad ng 5%, 10%, 20%.
Noong 1995, isang komiteng kumakatawan sa Operation World, Adopt-a-People, IMB, SIL, at AD2000 ang nagpasyang pumili ng “medyo arbitraryong” pamantayan na wala pang 2% Ebanghelikong Cristiano at 5% Cristiano ayon sa pagpapahayag.7
Sinabi ni Dave Datema na “wala siyang natagpuang anumang ibang pananaliksik o pag-aaral na sumusuporta sa pagpili ng 2% Ebangheliko bilang pamantayan” ni natagpuan niya ang “pananaliksik na magbibigay-katwiran” sa paggamit ng 5%.”8
Kapansin-pansin na isinulat ni Patrick Johnstone noong 2011 na itinuturing ng maraming sosyologo ang 20% bilang punto kung saan nagsisimulang maimpluwensyahan ng isang bahagi ng populasyon ang pananaw sa mundo ng mas malawak na lipunan.9
Noong 2011, natuklasan ng isang pag-aaral mula sa Rensselaer Polytechnic Institute na 10% ang “tipping point” para sa mabilis na paglaganap ng mga ideya. “Kapag lumaki ang bilang na iyon nang higit sa 10 porsiyento, kumakalat ang ideya na parang apoy.”10 Marahil ay dapat nating muling buksan ang usapan tungkol sa mga porsiyento at isaalang-alang ang kasalukuyang ebidensya sa paggawa ng pasyang ito.
Sagot: Hindi lamang mahusay ang mga kilusan sa pagsisimula; napakalakas din nila sa pagpapanatili ng mga pagsisikap. May ilang kilusang nakakakita ng 15, 20, kahit 30 henerasyon. Kapag naabot ng isang kilusan ang apat na henerasyon sa maraming sanga, malamang na malamang na magpapatuloy itong magparami at mabisang aabot sa mga bahagi at mas maliliit na bahagi ng kanilang (mga) pangkat ng tao.
Problema #4: Labis na pagbibigay-diin sa mga grupong etnolingguwistiko
Naging masigasig akong tagapagtaguyod ng pagtutuon sa mga UPG. Pero kailangan nating aminin na marami sa atin ang halos eksklusibong nakatuon sa mga grupong etnolingguwistiko, nang hindi gaanong napapansin ang mga pagpapangkat ayon sa tribo, wika, kultura, pagkakamag-anak at marami pang iba.
Isaalang-alang ang katotohanang ang mga pangkat ng tao ay hindi nakahiwalay sa iisang dalisay at magkakatulad na lupang tinubuan. Lalo silang nahahalo sa ibang mga grupo. Ito ang dahilan kung bakit ang 24:14 Coalition ay may pangitain ng mga kilusan sa bawat pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot.
Ang pinakamatingkad na halimbawa ay ang mga lungsod. May “593 megacity na karamihan ay hindi Cristiano”.11 Sinabi ni Justin Long na ang di-kapani-paniwalang pagiging masalimuot ng mga lungsod ay “nangangahulugang ang pagsasama ng ‘mga lungsod’ bilang mga bahaging ililista, pagtutuunan, ilalarawan, sasaliksikin, idodokumento, susubaybayan, susukatin, at estratehikong sisimulan ng ministeryo ay malamang na kasinghalaga ng ‘mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot.’”12
Sagot: Lalong nakatuon ang mga kilusan sa pag-abot sa mga lungsod at mga heograpikong bahagi, bukod pa sa mga bahaging etnolingguwistiko. Nagbibigay ng mga halimbawa nito ang ilan sa mga artikulo sa isyung ito.
Problema #5: Ang mga kabiguan ng Iglesya13
• Ang Iglesya ay may humigit-kumulang 3,000 ulit ng pinansiyal na mapagkukunan at 9,000 ulit ng lakas-tao na kailangan upang tapusin ang Dakilang Atas. • Kayang ibigay ng mga Ebanghelikong Cristiano ang lahat ng pondong kailangan upang magtanim ng isang iglesya sa bawat isa sa 7,400 pangkat ng mga taong hindi pa naaabot, gamit lamang ang 0.03% ng kanilang kita. • Taun-taon, gumagastos tayo ng $52 bilyon para sa misyon ng anumang uri. Samantala, $59 bilyon ang nawawala dahil sa pagnanakaw ng mga miyembro ng iglesya. Sagot: Gumagawa ang Diyos ng isang bagong bagay! Ang mga kilusang ito ay mga bagung-bagong tagumpay mula sa Diyos, na may mga padrong 2,000 taon na. May pagkakataon ang pandaigdigang Iglesya na makiisa sa sariwang pagkilos na ito ng Diyos. Nagpapasimula ang Diyos ng mga batis sa disyerto, dahil ang pinakamabungang mga kilusan ay lumalago sa marami sa (dating) pinakamahirap at pinakakaunting naaabot na mga bayan at lugar sa mundo. Ipinakikita ng natitirang bahagi ng isyung ito ang pangunahing paraan na tila ginagamit ng Diyos upang abutin ang mga hindi pa naaabot.
Sa artikulo sa isyung ito: “How Long to Reach the Goal?,” idinodokumento ni Justin Long na mula noong 1995, lumago ang mga kilusan sa “karaniwang taunang antas ng paglago na 23%, o ang bilang ng mga mananampalataya ay dumodoble sa karaniwan kada 3.5 taon.” Malayung-malayo iyon sa 1.18% na karaniwang antas ng paglago ng pandaigdigang Cristianismo sa nakalipas na 20 taon, o maging sa 1.8% na paglago ng mga Ebanghelikong Cristiano at 1.89% ng mga Pentecostal na Cristiano.
Ang 23% na paglagong ito ay pangunahing mula sa loob, habang inaabot ng mga kilusan ang sarili nilang mga populasyon. Gayunman, habang nagsisikap na abutin ang sarili nilang mga pangkat ng tao na lubhang hindi pa naaabot, madalas na pinakikilos ng Espiritu ang mga alagad ng mga kilusang ito na umabot lampas sa kanilang mga hangganan sa ibang kalapit na mga bayan at lugar.
Sa kasalukuyan ay alam natin ang: • 1,967 CPM • mahigit 1600 pre-kilusan, na may bunga sa ika-2 at ika-3 henerasyon • mahigit 2000 iba pang pagsisimula ng ministeryong pangkilusan Kapansin-pansin na mahigit 200 unang CPM ang nakapagpasimula ng humigit-kumulang 3,300 CPM at pre-CPM! Makikita na natin kung paanong maaaring maging posible ang 33,700 o maging 120,000 pagsisimula ng ministeryong pangkilusan.
Mahal ng Diyos na ating Manlilikha ang pagkakaiba-iba. Kaya bagaman nakikilala natin ang magkakatulad na prinsipyo, natatangi ang bawat kuwento ng isang kilusang nagpapasimula ng isa pang kilusan. Matuto mula sa mga sumusunod na halimbawa ng umaagos na Ebanghelyo ng Diyos, habang nagpapasimula ng mga kilusan ang mga kilusan.
Habang nagbabasa kayo, itanong sa Diyos kung paano kayo makikilahok. Pagkatapos ay basahin ang pangwakas na artikulo, “What Must be Done?” para sa ilang tiyak na ideya na magpapagising sa inyong pag-iisip.
Si Stan Parks, Ph.D. ay naglilingkod sa 24:14 Coalition (2414now.net) kasama ng Beyond (beyond.org). Siya ay isang tagapagsanay at coach ng iba’t ibang Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya sa buong mundo at sila ng kanyang asawang si Kay ay nanirahan at naglingkod sa gitna ng mga hindi pa naaabot mula pa noong 1994. Tingnan ang anunsiyo sa likod na pabalat para sa 24:14—A Testimony to All Peoples, na inedit nina Stan Parks at Dave Coles. May libreng elektronikong bersyon sa 11 pangunahing wika sa 2414now.net/resources. Paperback at Kindle sa Amazon.
Mga tala
- Willis, Avery T. 1977 Indonesian Revival: Why Two Million Came to Christ. Pasadena: William Carey Library Publishing. Bumalik sa teksto
- www.gordonconwell.edu/center-for-global-christianity/wp-content/uploads/sites/13/2022/01/Status-of-Global-Christianity-2022.pdf Bumalik sa teksto
- Ayon sa depinisyon ng Joshua Project sa mga grupong may Ebangheliko <= 2%; Cristiano ayon sa pagpapahayag <= 5% Bumalik sa teksto
- www.gordonconwell.edu/center-for-global-christianity/wp-content/uploads/sites/13/2022/01/Status-of-Global-Christianity-2022.pdf Bumalik sa teksto
- Danker, Frederick William. 2000 A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, ikatlong edisyon, batay kay Walter Bauer at sa mga naunang edisyong Ingles nina W.F. Arndt, F.W. Gingrich, at F.W. Danker. Chicago at London: University of Chicago Press, 276. Bumalik sa teksto
- www.missionfrontiers.org/issue/article/unreached-peoples Bumalik sa teksto
- Datema, Dave. 2016 “Defining Unreached: A Short History”. International Journal of Frontier Missiology 33:2, 55-60. www.ijfm.org/PDFs_IJFM/33_2_PDFs/IJFM_33_2-Datema.pdf. Bumalik sa teksto
- Ibid., 60-61. Bumalik sa teksto
- Johnstone, Patrick. 2011 The Future of the Global Church (Colorado Springs, CO: Global Mapping International), 224. Bumalik sa teksto
- Xie, J., et. al. 2011 “Minority Rules: Scientists Discover Tipping Point for the Spread of Ideas,” news.rpi.edu/ luwakkey/2902. Ang orihinal na papel ay nasa: www.cs.rpi.edu/~szymansk/papers/pre.11.pdf. Bumalik sa teksto
- Long, Justin. 2021 “Urbanization and Measuring the Remaining Task.” Mission Frontiers, Sept/Oct, 30-31. Bumalik sa teksto
- Ibid. Bumalik sa teksto
- Ang mga sumusunod na estadistika ay mula sa www.thetravelingteam.org/stats. Bumalik sa teksto
Unang inilathala sa Mission Frontiers 45:1 (Ene./Peb. 2023), pp. 8-11. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


