ANG CITYTEAM INTERNATIONAL MINISTRIES ay nagpapasimula ng Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad (DMM) sa pakikipagtuwang sa Lifeway Mission sa walong bansa sa Silangang Aprika sa nakalipas na labindalawang taon.
Ang walong bansa kung saan umuunlad ang mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad ay ang Burundi, Rwanda, Democratic Republic of Congo, Kenya, Tanzania, Uganda, South Sudan at Sudan.
Sa rehiyong ito, pinagkalooban kami ng Panginoon ng kakayahang makapagsimula ng ministeryo sa 89 na pangkat ng mga tao at siyam na grupo sa lungsod na magkakatulad ang ugnayan.
Mula nang araw na simulan namin ang paglalakbay ng pananampalataya sa paggawa ng mga alagad 12 taon na ang nakararaan, namamangha kami sa Diyos dahil sa libu-libong bagong iglesyang isinilang ng Kaniyang Espiritu, at sa daan-daang libong tao na naging mga tagasunod ni Cristo.
Sa loob ng 12 taong ito, minabuti ng Diyos na pagpalain kami ng pagtatanim ng 7,571 iglesya na may 185,358 bagong alagad. Labing-apat na henerasyon ang pinakamataas na antas ng pagpaparami na nakita na namin sa iisang pangkat ng mga tao.
Ikinagagalak naming ibahagi ang ilan sa mga kamakailang salaysay ng ginagawa ng Diyos at kung ano ang hitsura ng Kaniyang mga bakas ng daliri sa rehiyong ito— dahil karapat-dapat Siya sa malaking kaluwalhatian!
Dahil sa seguridad, gumamit kami ng mga sagisag-pangalan at hindi namin ibinunyag ang mga lokasyon.
Isang Lasenggo na Naging Gumagawa ng mga Alagad
Si Jarso ang lider ng isang sanga na nakapagtanim ng 63 iglesya sa loob ng dalawang taon sa gitna ng isang pangkat ng mga taong pinakakaunting naaabot sa Silangang Aprika. Apat na buwan na ang nakararaan, binabautismuhan ni Jarso ang mga bagong tagasunod ni Cristo mula sa pangkat ng mga taong iyon. Si Jillo, na hindi tagasunod ni Cristo, ay nanonood mula sa malayo habang isinasagawa ni Jarso ang bautismo.
Hawak ang isang bote ng serbesa, pinagmasdan ni Jillo ang mga nangyayari at nagsimulang pagtawanan ang mga paunang bahagi ng bautismo. Bago isagawa ang bautismo, binasa ni Jarso ang kuwento tungkol sa bautismo ni Jesus at nagsimulang magsalita tungkol dito. Ngayong abot na ng kaniyang pandinig ang pangangaral, natagpuan ni Jillo ang kaniyang sarili na lubos na nakatuon sa kaniyang naririnig. Sa pagtatapos ng kuwento, alam niya na kailangan niyang sumunod kay Jesus. Agad siyang nagpasiyang tumigil sa pag-inom at itinapon pa nga ang kalahating ubos na bote ng serbesa na hawak niya.
Maaga siyang umuwi nang gabing iyon. Namangha ang kaniyang asawa nang makita siyang hindi lasing at walang dala dahil karaniwan siyang nag-uuwi ng dalawa o tatlong bote para inumin. Inalok siya ng kaniyang asawa na dalhan siya ng isang bote ng serbesa na binili nito para sa kaniya kanina sa araw na iyon. Ginulat ito ni Jillo nang sabihin niyang tumigil na siya sa pag-inom, at dapat nitong ibalik ang bote sa tindahan at kunin ang ibinayad. Si Jillo, na hindi marunong bumasa o sumulat, ay hiniling sa kaniyang asawa na kunin ang Biblia na nasa kanilang bahay at basahin para sa kaniya ang kuwento ni Jesus na binasa ni Jarso sa seremonya ng bautismo. Dumating ang asawa dala ang Biblia at nang matapos nitong basahin ang kuwento, ibinahagi ni Jillo sa kaniya ang narinig niya mula kay Jarso.
Nang gabing iyon, nagpasiya si Jillo at ang kaniyang asawa na sumunod kay Jesus. Kinabukasan, kinontak ni Jillo si Jarso na nagturo sa kaniya kung paano gumawa ng Discovery Bible Study (DBS), pag-aaral ng Biblia sa paraang pagtuklas, kasama ang pamilya. Mula sa sumunod na araw, si Jillo at ang kaniyang asawa kasama ang kanilang mga anak ay nagsimulang gumawa ng DBS tuwing gabi.
Makalipas ang dalawang linggo, nabautismuhan si Jillo, ang kaniyang asawa at ilang kapitbahay na sumali sa kanilang grupo ng Discovery Bible. Ipinagpatuloy ni Jillo at ng kaniyang asawa ang paglalakbay na ito sa pamamagitan ng pagdadaloy sa paglulunsad ng walo pang grupong pagtuklas.
Isang Nag-aalinlangan sa DMM na Nakapagsimula ng Isang Malakas na Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad
Nagbigay si Agali ng pagsasanay sa mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad sa isang grupo ng mga pastor noong 2015. Mula sa mga kumuha ng pagsasanay sa DMM, isang pastor na nagngangalang Roba ang lumapit sa kaniya at nagpahayag ng malubhang pag-aalinlangan na kayang gawin ng mga umiiral na iglesya ang ganitong uri ng pagbabago. Hindi nakipagtalo si Agali kundi hinamon si Roba na simulan ang proseso sa kaniyang komunidad. Tinanggap ni Roba ang hamon at pumunta sa kaniyang komunidad upang maghanap ng taong may kapayapaan. Ang komunidad ay pangunahing komunidad ng mga Muslim kung saan gustong magtipon ng mga lalaki sa liwasang bayan tuwing hapon upang uminom ng tsaa at makipagkuwentuhan.
Pumunta si Roba sa liwasang bayan isang hapon. Binati niya ang mga lalaki at nag-alok na ibili sila ng tsaa, at sinabi sa kanila na dumating siya upang makilala sila. Sinabi niya sa kanila na bagaman siya ay Cristiano at sila ay mga Muslim, matagal na silang magkakapitbahay at bilang mga taong nagpaparangal sa Diyos, marahil ay dapat silang magkakilala nang mas mabuti. Inanyayahan ng mga Muslim si Roba na umupong kasama nila. Habang nagkukuwentuhan sila, nagkaroon si Roba ng pagkakataong magkuwento sa kanila ng isang kuwento mula sa Biblia. Ikinuwento niya sa kanila ang kuwento ni Zaqueo. Matamang nakikinig ang mga lalaki sa kuwento at nang umabot siya sa bahagi ng kuwento kung saan sinabi ni Jesus, “Ngayon ay dumating ang kaligtasan sa bahay na ito sapagkat ang taong ito ay anak din ni Abraham,” lalong naging matamang nakikinig ang mga nakikinig sa kaniya nang banggitin ang pangalan ni Abraham. Matapos uminom ng tsaa, at habang naghihiwa-hiwalay sila, inanyayahan nila ang pastor na bumalik dala ang mas maraming kuwento.
Makalipas ang ilang araw, muling sumama si Roba sa kanila sa pag-inom ng tsaa. Matapos ang karaniwang pagbabatian at pag-uusap tungkol sa mga kasalukuyang nangyayari sa komunidad, tinanong sila ni Roba kung naaalala pa nila ang kuwentong ikinuwento niya sa kanila sa una niyang pagbisita. Sinabi nila sa kaniya na naaalala nila. Hiniling niya sa kanila na ulitin ang kuwento para sa kaniya, at ginawa nila ito. Matapos ulitin ang kuwento, sumunod ang isang masiglang talakayan. Tinanong ng isa sa kanila si Roba kung naniniwala siya na si Jesus ay Diyos. Ibinalik ni Roba ang tanong sa mga lalaki at tinanong sila, “kung kaya ni Jesus sa kuwento ni Zaqueo na magbigay ng kaligtasan sa mga tao, hindi ba ito nagpapakita na maaaring may mga katangiang banal si Jesus na hindi matatagpuan sa mga tao?” Ang ilan sa mga lalaki ay tumugon nang may pagsang-ayon sa pamamagitan ng pagtango.
Naging madalas at regular ang mga pagtitipong ito habang umiinom ng tsaa. Sa likas na pag-unlad ng mga ugnayan, maraming grupo ng Discovery Bible at mga iglesya ang naitatag sa gitna ng mga Muslim na ito, na nagbunga ng 32 maliliit na iglesya.
Isang Rahab ng Bagong Tipan
Ang aming tagapagtanim ng iglesya na si Wario ay nakilala ang isang dalagang nagngangalang Rahab dalawang taon na ang nakararaan. Napakaganda ng babaeng ito, at nang una siyang makilala ni Wario, siya, tulad ng kapangalan niya sa Biblia, ay isang nagbebenta ng aliw.
Sinimulang ikuwento ni Wario sa kaniya ang kuwento ni Rahab mula sa Biblia, kasama ang binanggit tungkol sa kaniya sa Hebreo 11. Ikinuwento niya kung paano binago ang buhay ni Rahab mula sa pamumuhay ng prostitusyon tungo sa pagiging isang babaeng may pananampalataya at kung paano siya napabilang sa angkan ni Jesus.
Hindi pa kailanman binasa ni Rahab ang Biblia para sa kaniyang sarili. Ngunit alam niya na sa Biblia ay may isang babaeng tinatawag na Rahab at na naging bayarang babae ito. Natutuhan niya ito mula sa iba’t ibang taong nakarinig ng kaniyang pangalan.
Ngunit nang una niyang marinig ang buong kuwento ni Rahab mula kay Wario, naantig siya at tinanong si Wario kung maaari siyang maging tulad ng Rahab ng Biblia. Sinabi ni Wario na “oo” at nag-alok na ipanalangin siya. Sa prosesong iyon, kalaunan ay napalaya siya mula sa pagkagapos sa mga demonyo. Pagkatapos noon ay lubhang nagbago ang kaniyang buhay.
Naging napakatatag siyang tagasunod ni Cristo at isang gumagawa ng mga alagad. Nag-asawa siya ng isang tagasunod ni Cristo at naging nakatalagang mga gumagawa ng mga alagad ang mag-asawa. Sa nakalipas na taon, nakapagtanim sila ng anim na bagong iglesya sa kanilang komunidad.
Bagong Sisidlang-Balat para sa Bagong Alak
Nang anyayahan si Pastor Kamau na magsagawa ng pagsasanay sa DMM sa isang grupo ng mga pastor mula sa isang partikular na distrito, hindi niya inasahang may gaanong mangyayari. Nag-aalinlangan sila dahil kilala ang mga tao sa distrito bilang mga Cristiano sa pangalan lamang at ang mga umiiral na iglesya ay may maraming matitibay na tradisyon ng iglesya na hindi nagpapasulong sa Ebanghelyo. Kaunting pag-asa ang nakita ni Pastor Kamau na tatanggapin ng mga pastor ng mga iglesyang ito ang hamon ng mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad at ilalapat ang mga ito sa gitna ng kanilang mga tao.
Ngunit nakatutuwang napatunayang mali si Pastor Kamau. Apat na buwan lamang matapos ang pagsasanay sa DMM, nakakita ang rehiyong iyon ng 98 bagong grupong pagtuklas, na umabot sa apat na henerasyon sa ilang sanga.
Ibinahagi ni Pastor Ado na binago ng pagsasanay sa DMM na kinuha niya mula kay Pastor Kamau ang kaniyang pag-iisip. Iniulat ni Ado na kaagad matapos niyang kunin ang pagsasanay sa DMM, pinalitan niya ang pangangaral tuwing Linggo ng mga grupong pagtuklas upang makita kung ano ang mangyayari, kung may sinuman sa mga tao ang mag-uulat pabalik kung paano nila sinunod ang Diyos.
Ibinalita niya na iniulat ng kaniyang mga miyembro ang panibagong kagalakan sa kanilang ugnayan sa Diyos at sa isa’t isa. Iniulat ng ilang miyembro na gumaling sila sa mga karamdaman habang nananalangin ang grupong pagtuklas.
Sinabi ni Pastor Ado na binigyan din ng pag-coach ang mga miyembro ng kaniyang iglesya upang magsimula ng mga grupong pagtuklas sa kanilang mga tahanan at sa kanilang mga kapitbahayan at 42 pang grupo ang nasimulan sa loob lamang ng ilang buwan.
Isang babaeng Katoliko na nagngangalang Christy ang naging tagasunod ni Cristo bilang resulta ng pagdalo sa isa sa mga grupong pagtuklas at nagsimula siya ng isa pang grupo na patuloy na dumami hanggang sa ikaapat na henerasyon. Isang iglesyang Katoliko ang nagsimulang gumamit ng mga grupong pagtuklas upang basahin ang Biblia at natuklasan kung paano sundin ang Salita ng Diyos.
Tinapos ni Pastor Ado ang kaniyang patotoo sa pagsasabing kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo, malamang na mababago ang buong distrito sa pamamagitan ng Ebanghelyo.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 39:6 (Nob./Dis. 2017), pp. 12-15. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


