Noong Jul/Aug 2013, nag-ulat ang MF tungkol sa modelo ng ebanghelismo na Any-3 na iniangkop para sa mga kontekstong Muslim mula sa halimbawa ni Jesus sa Juan 4. Ang sumusunod ay isang karagdagang kaunawaan mula sa kilusang ito rin sa gitna ng mga Muslim.
Lumipat ako mula sa tradisyonal na ministeryo ng iglesya tungo sa pagsisikap para sa isang kilusan ng iglesya na umaabot sa maraming henerasyon noong Ene. 2005. Ang hangaring abutin ang mga naliligaw at isang tapat na pagtingin sa kung paano ginawang alagad ang mundo noong unang siglo sa pamamagitan ng mga iglesyang nagpaparami ang nagbigay-inspirasyon sa amin na “Re-en-ACT” (muling isabuhay ang Mga Gawa) ang aming pamamaraan sa Dakilang Atas. Bilang resulta, humigit-kumulang 1000 grupo at iglesya na umaabot sa maraming henerasyon ang nasimulan sa aming pangkat ng tao, at ng aming mga kaibigan na gumagamit ng halos parehong pamamaraang ginagamit namin.
Nakatira kami sa labas ng aming pangkat ng tao, pero personal kong naakay sa pananampalataya ang dalawang tao na nakapagsimula ng mga sanga ng iglesya na umaabot sa maraming henerasyon. Gayundin, ang isang boluntaryong koponan na kasama ko ay nakaakay sa pananampalataya ng isa pang tao na nakapagsimula ng isang malaking sangang umaabot sa maraming henerasyon. Bilang resulta, ang aking pangunahing tungkulin ay lumipat mula sa ebanghelismo tungo sa pagsasanay.
Ang paggawang alagad sa mga bagong mananampalatayang ito bilang mga katuwang na saserdote sa halip na mga estudyante ang nagpalago sa paglagong umaabot sa maraming henerasyon. Ipinakita ng isang pag-aaral noong 2010 sa aming kilusan na mahigit sa ikatlong bahagi ng lahat ng grupo at iglesya ay G4 at higit pa (apat o higit pang henerasyon mula sa koponang nagtanim ng iglesya). Malamang na tumaas pa ang porsiyento ng mga grupo at iglesyang G4+ mula noon. Hindi bababa sa isang iglesya ang G10.
Nakatuon kami sa pagsasanay sa mga alagad na manatili kay Cristo upang gawing alagad ang mundo sa pamamagitan ng mga iglesyang nagpaparami. Sa lahat ng ipinakikita namin sa halimbawa, tinutulungan namin ang mga bagong lokal na mananampalataya na simulang gawin ito mismo sa lalong madaling panahon.
Habang nananatili kay Cristo, buong tapang at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ay sinisikap naming akayin ang mga tao sa pananampalataya gamit ang pamamaraang Any-3 (Kahit Sino, Kahit Saan, Kahit Kailan).1 Tinuturuan namin sila ng pagsunod sa agarang bautismo, ayon sa padron sa Mga Gawa. At tinuturuan namin sila ng pagsunod sa pagpaparami habang ginagawa silang alagad. Nagbubunga ito ng mga grupong sinimulan at pansamantalang pinangungunahan ng bagong mananampalataya hanggang sa magtalaga ang mga iglesya ng mga lider (Tito 1:5). Karamihan sa mga grupo ay mahusay na nagiging mga iglesya.
Nagaganap ang regular na pagsamba nang hindi bababa sa lingguhan sa Prosesong Tatlong Bahagi (3/3rds) ng Pagsasanay sa mga Tagapagsanay (T4T).2 Hinihikayat nito ang mga mananampalataya sa pagsunod sa lahat ng utos ni Cristo at sa pagiging ganap kay Cristo. Likas na nagaganap ang paggawang alagad habang sama-samang pinag-aaralan at inilalapat ng mga mananampalataya ang Salita, na may mga layunin at pananagutan sa pagsunod. Kapag nabuo na ang mga iglesya, ang aming pansin ay ibinibigay sa pagpapaunlad ng mga iglesya at sa pagsasangkap sa mga lider sa paraang nagpaparami.
Tumatanggap ang mga lider ng iglesya ng pagsasanay habang naglilingkod sa pamamagitan ng mga pulong tuwing ikalawang linggo, na pinangungunahan ng mga guro mula sa mga lokal na network.3 Nakatuon ang mga pulong na ito sa pananagutan (paghayo) at sa isang mas malalim na aralin (paglago). Ang pagsasanay sa pamumuno ang susi sa pagpapanatili ng paglagong umaabot sa maraming henerasyon at sa paglalim sa Salita. Ang paghayo nang mas malayo at ang paglago nang mas malalim ay kailangang maisagawa nang sabay sa pagpapaunlad ng pamumuno upang matiyak ang isang malusog at lumalagong kilusan.
Ang susi sa paglagong umaabot sa maraming henerasyon ay ang simpleng pagsunod sa Dakilang Atas. Ituring ang bawat bagong mananampalataya bilang 100% saserdote, na may kapamahalaan at presensya ni Cristo para sa tatlong gawain ng Dakilang Atas—ang paghayo (pagpapahayag ng Ebanghelyo), ang pagbabautismo, at ang pagtuturo sa kanila na sundin ang lahat ng utos ni Cristo (simula sa Dakilang Atas mismo).
Ang bawat mananampalataya ay isang saserdote, na gumagawa ng bawat isa sa mga gawaing ito upang gumawa ng mga alagad at magtanim ng mga iglesya sa gitna ng bawat uri ng tao. Ang susi sa paglagong umaabot sa maraming henerasyon ay ang pagsasanay sa bagong mananampalataya bilang saserdote, sa halip na bilang estudyante.
Hangga’t ginagawang alagad ang mga mananampalataya bilang 100% saserdote at sinusunod nila ang Dakilang Atas, maaaring sumunod nang walang katapusan ang mga henerasyon ng mga bagong mananampalataya at iglesya. Maliban sa Ikalawang Pagdating ni Cristo, dalawang katotohanan lamang ang nagpapahinto sa Dakilang Atas: 1) Hindi ito sinusunod ng bagong mananampalataya, o 2) Hindi siya sinasanay at isinusugo ng taong umakay sa kanya kay Cristo upang sundin ito.
Ang pagsasanay sa bagong mananampalatayang saserdote na manatili kay Cristo at sa Kanyang Salita habang sinusunod ang Dakilang Atas ay malapit na nag-uugnay sa sanga sa Puno ng Ubas, na gumagarantiya ng lumalagong pagiging mabunga (Juan 15:1–8). Ang pananatili kay Cristo sa pamamagitan ng panalangin, ng Kanyang Salita at ng Kanyang mga gawa ay nagbibigay-kakayahan sa bagong mananampalataya na maranasan si Cristo nang malapit at makapangyarihan habang isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa pamamagitan nila. Isa sa pinakamalaking kagalakan ng pagdanas ng isang kilusan ng iglesya na umaabot sa maraming henerasyon na tulad ng sa Mga Gawa ay ang makitang ang mga karaniwang bagong mananampalataya ay nagiging mga apostol, ebanghelista, propeta, pastol at guro (Efe. 4:11–12) habang lumalago sila sa biyaya at umaabot sa kahustuhan.
Napapangiti ako habang inaalala ko ang mukha ng mga karaniwang taong naging namumukod-tanging mga mananampalatayang saserdote mula nang isuko nila ang kanilang sarili kay Cristo. May kilala akong ilang taong nasa edad otsenta na may makadiyos na hangaring ipamuhay ang natitira nilang buhay sa kabanalan, na may matinding sigasig na makitang maluwalhati ang kanilang Tagapagligtas. Nang sumampalataya sila, may mantsa sila ng mga nakaraang kasalanan at nasayang ang karamihan ng kanilang buhay. Ngayon, namumuhay sila nang may walang humpay na sigasig para kay Cristo at sa paglaganap ng Ebanghelyo, handang mamatay para sa Kanya kung tatawagin silang gawin ito. Nakapagsimula sila ng mga network ng iglesya sa tahanan na umaakay sa daan-daang iba pa kay Cristo. Ang kanilang buhay at ang buhay ng kanilang mga pamilya ay sumasalamin sa pagkatao ni Cristo, at kapag nagsasalita sila ay puspos sila ng karunungan ng Diyos.
Mula nang lumipat kami sa isang paradigma ng pagtatanim ng iglesya na tulad ng sa Mga Gawa, naranasan namin ang kapangyarihan ng Diyos sa maraming himalang tulad ng sa Mga Gawa. Pero mabilis kaming pinaaalalahanan ng mga mananampalataya, “Ito ay tungkol sa Ebanghelyo, hindi sa mga himala.” Ang makitang dumadaloy ang Ebanghelyo mula sa isang tao tungo sa iba, at dumarami ang mga iglesya sa bahay-bahay, ay lumuluwalhati kay Cristo sa ika-21 na siglo sa parehong paraan na niluwalhati Siya ng mga gawa sa Mga Gawa noong unang siglo.
Mga tala
- Shipman, Mike. Anyone, Anywhere, Any Time: Lead Muslims to Christ Now! WIGtake Resources, 2013. (Tingnan ang buod sa isyung Jul/Aug 2013 ng Mission Frontiers.) Bumalik sa teksto
- Smith, Steve at Kai, Ying. T4T: A Discipleship Re-Revolution. WIGtake Resources, 2011. (Ang paggamit ng Prosesong Tatlong Bahagi (3/3rds) ng T4T ay nagtatanim ng pagpaparami sa DNA ng mga bagong mananampalataya at iglesya mula pa sa simula. Mayroon na kaming mahigit 10,000 mananampalatayang nagpapahayag ng pananampalataya, na ang ilan ay malamang na G15+.) Bumalik sa teksto
- Ang mga guro ng network ay pinipili mula sa bawat network ng mga iglesya, at sila ay sinasanay nang sentralisado ng mga lider mula sa kilusan. Bumalik sa teksto
Unang inilathala sa Mission Frontiers 36:2 (Mar./Abr. 2014), pp. 22-23. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


