Ang social distancing at pagbubukod na kaugnay ng COVID-19 ay nagdala ng malalaking hamon sa mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad sa buong mundo dahil yumayabong ang mga kilusan sa tuluy-tuloy at masinsinang personal na pakikipag-ugnayan. Pero pinalakas ng Panginoon ang aming loob na ang bawat krisis ay may nakapaloob na pagkakataon para sa Kaharian. Matagal na naming pinaniniwalaan na ang pagtulong sa mga taong nasasaktan ay bahagi ng pagiging alagad gayundin ng paggawa ng mga alagad. Ang paglalapat ng prinsipyong ito sa mga sariwang paraan ay nagpakita na maaari pa ring yumabong ang Kaharian sa gitna ng lubhang masasamang balita.
Sa Silangang Aprika, hinarap namin ang isang ganap na unos na higit pa sa COVID-19 lamang. Bago ang COVID, nagkaroon kami ng matinding tagtuyot sa maraming bahagi ng Hilagang Kenya at sa iba pang lugar sa Silangang Aprika. Pagkatapos noong Oktubre 2019, nakaranas kami ng malakas na buhos ng ulan at matinding pagbaha sa loob ng isang linggo. Sa pagitan ng tagtuyot at baha, naapektuhan ang lahat dahil karamihan sa mga pangkat ng tao ay palipat-lipat ng tirahan. Anumang hayop na natira mula sa tagtuyot ay pinatay ng mga baha.
Pagkatapos noong Disyembre, nagsimula kaming makakita ng mga balang sa unang pagkakataon sa aming buhay. Dumating ang mga balang at sinira ang natitirang mga halaman, ang pagkain ng mga hayop at maging ang mga bukid.
Sa bandang katapusan ng Pebrero 2020, tinamaan kami ng COVID-19 at sa mismong gitna ng gawain ng kilusan dumating ang sunud-sunod na hamong ito. Pagsapit ng unang bahagi ng Marso, lubhang nakapanlulumo ang sitwasyon para sa marami sa aming mga lider. Isinasara ng pamahalaan ng Kenya ang bansa. Nakapaglakbay ako sa hilagang bahagi ng bansa noong panahong iyon at na-lockdown ako roon mula Marso hanggang Agosto.
Isa sa mga hamon ay hindi kami makapaglakbay sa ibang bahagi ng bansa; hindi man lang kami makasalamuha sa mga tao. Nagsimula kaming mag-isip, “Paano kami tutugon dito? Kailangan namin ng mga bagong paraan ng paggawa ng ministeryo, upang patuloy na makasalamuha ang mga tao.” Nakabuo kami ng tatlong tugon.
Ang una naming tugon ay panalangin. Sa kalagitnaan ng Marso, nanawagan kami ng panalangin sa lahat ng miyembro ng aming koponan: ang aming core team at ang aming mga lider sa bawat bansa, na kumakatawan sa lahat ng bansang pinaglilingkuran namin. Sabay-sabay kaming nagsimulang manalangin, gamit ang WhatsApp upang ipamahagi ang mga panalangin. Ipinanalangin namin na panatilihin ng Diyos ang kilusan, dahil napagtanto namin na biglang nawawalan ang mga lider at pamilya ng lahat ng kanilang pinagkukunan ng kita. Napakahalaga ng panalangin upang mapanatili namin ang momentum. Nagsimula kaming lahat na manalangin, lalo na tuwing Martes at Huwebes at nanawagan kami ng pag-aayuno tuwing Miyerkules. Isang buong araw ng pag-aayuno bawat linggo ito, na nagpapatuloy pa hanggang ngayon.
Ikalawa, sinabi namin, “Makikisalamuha kami sa aming koponan sa mga paraang magpapalakas ng kanilang loob, dahil lahat ay dumaraan dito.” Nagsimula kaming magpadala ng mga text at itinalaga namin ang mga lider sa kanilang mga bansa at rehiyon at nagsimulang palakasin ang kanilang loob gamit ang Kasulatan at tanungin sila, “Kumusta kayo? Paano ninyo hinaharap ang sitwasyong ito? Ano ang ginagawa ninyo upang tumulong?” Alam namin na kung hindi napalalakas ang loob ng aming mga lider, maaapektuhan nito ang momentum ng kilusan. Kaya, inilaan namin ang mga Biyernes sa pagtawag sa aming mga lider upang palakasin ang kanilang loob. Ang mga tumawag sa kanila ay mga taong hindi nila inaasahan. Makatatanggap sila ng tawag mula sa isang taong hindi pa kailanman tumawag sa kanila. Ang dahilan ng pagtawag ay para lamang sabihing, “Kasama ninyo kami rito at gusto naming palakasin ang inyong loob.” Talagang nakatulong iyon upang manatili kaming magkakasama.
Pagkatapos noong Abril, nagsimula kaming magkaroon ng mga pulong sa Zoom tuwing Martes at Huwebes kasama ang buong koponan. Sa mga pulong na iyon ay pinag-usapan namin ang sitwasyon, na nakatulong upang patuloy na dumaloy ang komunikasyon. Nang magsimula kaming mag-Zoom, lalo kaming naging malapit sa isa’t isa dahil nakikita at naririnig namin ang isa’t isa.
Ikatlo, sinabi namin, “Kailangang may ilang praktikal na paraan ng pakikisalamuha sa mga tao sa panahon ng krisis na ito. Paano namin mapananatili ang nasimulan na?” (Nasa yugto kami ng pagpapanatili ng mga kilusan. Mula sa pagsisimula at pagpaparami, lumipat kami sa pagpapanatili.) Bahagi ng pagpapanatili ng mga lider, grupo at iglesya ang pagtulong sa kita ng mga tagapagtanim ng iglesya na nangunguna sa mga bagong lugar dahil naglaho ang kanilang kita. Nagtanong kami, “Paano namin sila matutulungan sa pagkain? Maraming pamilya ang nauubusan ng pagkain; hindi sila makakuha ng pagkain dahil naka-lockdown ang Nairobi, at doon dumarating ang lahat ng aming suplay patungo sa iba’t ibang lugar.” Humantong ito sa isang bagong bagay. Nagsimula naming makita ang pagkabukas-palad ng mga alagad; nagsimula nilang ibahagi ang maliliit na bagay na mayroon sila nang may praktikal na pag-ibig. Sa puntong ito, hindi na mahalaga kung gaano karami ang kaya ninyong ibahagi, kundi ang basta pagbabahagi ng kaunting mayroon kayo.
Nagsimulang magbigay ang mga kapitbahay sa kanilang mga kapitbahay. Nagsimula naming makitang dumarami ang mga grupo dahil sa praktikal na kabaitang ipinakikita ng kanilang mga alagad. Nagsimula kaming makatanggap ng kamangha-manghang mga kuwento ng mga taong may sapat lamang na pagkain para sa sarili nilang pamilya, marahil para sa isang linggo, pero nagsimulang magbahagi sa mga pamilyang walang anuman. At karamihan sa mga binahaginan nila ay ang kanilang mga kapitbahay na Muslim. Ang pag-ibig na ito, na ipinakita sa panahong dumaraan ang lahat sa parehong mahihirap na hamon, ay nakatulong upang magbukas ang mga tao sa pakikinig sa Ebanghelyo.
Noong Mayo at Hunyo, nagsimula kaming humingi ng tulong. Paunti-unting dumating ang tulong at pagsapit ng Disyembre ay napakain namin ang mahigit 13,500 pamilya (ang isang pamilya sa aming konteksto ay may karaniwang walong tao). Sa pamamagitan nito, ang bawat isa sa mga pamilyang iyon ay nagpaparami ng mga iglesya.
Gumawa kami ng ilang pagsusuri at pag-uulat noong Disyembre, nang malapit nang matapos ang taon. Natuklasan namin na sa pamamagitan ng sadyang pagbabahagi ng mga tao—hindi lamang ng Ebanghelyo, kundi pagbabahagi rin ng pag-ibig—nakita namin ang pagpaparami ng mga grupo at iglesya. Ang anumang iglesyang umaasa sa pagtitipon sa isang gusali ng simbahan ay hindi na makapagtipon doon. Kaya, nagsimulang magtipon ang mga tao sa mga tahanan, at nagsimulang dumami ang mga pagtitipon sa mga tahanan. Sa lugar na iyon, napakaliliit ng mga tahanan; hindi magkasya ang maraming tao. Kaya, ang mga pagtitipon sa tahanan ay nagsimulang hatiin ang kanilang sarili sa maraming tahanan. Bilang resulta, mas maraming kapitbahay, mas maraming tao, at mas maraming pangkat ng mga taong hindi pa naaabot (UPG) ang naabot.
Tiningnan ko ang nangyari sa nakalipas na 15 taon ng aming kilusan sa Silangang Aprika, at ang 2020 ang naging rurok. Nakita naming 1,300 iglesya ang naitanim sa iisang taong iyon lamang. Kamangha-mangha ito dahil sa unang bahagi ng taon, ibinaba namin nang 30% ang aming mga layunin; sinabi naming magtitiwala kami sa Diyos para sa 600 hanggang 800 bagong iglesya. Pero dinala kami ng Diyos nang higit pa roon, gaya ng Siya lamang ang makagagawa. Halos hindi ako makapaniwala, habang inilalahad ng lahat ng koponan ang kanilang datos para sa taon. Kinailangan kong makita ang mga graph at tingnan mismo ang bawat pangkat ng tao, isa-isa.
Ginawa ito ng Diyos sa pamamagitan ng tinatawag naming tatsulok ng paggawa ng mga alagad: pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa inyong kapwa at paggawa ng mga alagad. Nabuksan ng praktikal na pag-ibig ang puso ng mga tao upang positibong tumugon sa Ebanghelyo. Nasimulan ang ministeryo sa mga bagong pangkat ng tao, nagbukas ang mga bagong lugar at ipinagpapatuloy namin iyon. Kagagaling ko lamang sa pakikipagpulong sa 40 coordinator na nagsimula nang pag-aralan ito upang matukoy kung paano isasalig sa momentum na ito ang gawain para sa taong ito at sa mga darating na taon.
Ang Papel ng Pag-aaral ng Bagong Teknolohiya
Bago ang COVID-19, marami sa amin sa aming konteksto (kasama ako) ang walang kaalaman sa IT. Anumang pagbanggit ng paggamit ng Zoom para sa isang pulong ay sinasalubong ng maraming pagtutol dahil sa bandwidth. Sinubukan ko ang dalawa o tatlong pulong sa Zoom, at kailangan pang may tumawag sa akin at magbigay ng mga tagubilin kung paano ito gawin. Kahit ang pag-alam kung paano buksan ang mikropono sa Zoom ay napakahirap. Sa unang pulong na ginanap namin, maririnig ninyo ang lahat ng uri ng ingay sa likuran. Napakaingay, pero kahit papaano ay nakikita namin ang mukha ng isa’t isa at nakatutuwa iyon. Nagsimula kaming matuto ng mga plataporma tulad ng Zoom, WhatsApp at iba pa. Dahil sa COVID, napagtagumpayan namin ang pagtutol na iyon, sa kabila ng mga hamon.
Ilang buwan akong naka-lockdown sa hilagang Kenya kung saan napakahina ng internet. Naaalala ko ang unang araw ng pangunahing pagsasanay sa DMM. Mga 130 tao ang sumali mula sa buong mundo, at biglang tumigil ang aking internet. Wala akong makuhang anumang signal. Kaya, sumakay ako sa aking kotse at nagsimulang magmaneho nang paikot-ikot, naghahanap ng signal sa aking telepono. Sa wakas, sa isang maliit na paliparan, natagpuan ko ang tanging signal sa buong bayan. Tinitigan ako ng mga tao, iniisip: “Ano ang ginagawa ng baliw na ito na may kompyuter sa gitna ng isang bukas na parang?” Nakakahiya pero handa akong gawin iyon. Nang payagan na ako ng signal na makakonekta muli, nag-uusap na ang mga tao, pero natuwa sila na nakabalik ako. Masamang-masama ang loob ko, dahil iyon ang unang araw ng pagsasanay, pero ginawa namin ang aming makakaya upang matuto at maging malikhain at makahanap ng mga bagong paraan ng pag-uugnayan.
Nagsimula kaming mag-record ng mga turo at ipadala ang mga ito sa aming mga koponan. Nakagagawa kami ng mga Discovery Bible Study (DBS), pag-aaral ng Biblia sa paraang pagtuklas, kasama ang lahat ng aming lider sa bawat bansa o lahat ng aming coordinator sa iisang plataporma. Nang magsimula kaming gumamit ng Zoom, talagang patuloy kaming lumago. Nagsimula kami ng siyam na linggong pangunahing pagsasanay sa DMM kasama ang 115 tao mula sa buong mundo. May mga tao kami mula sa India, Sri Lanka, Indonesia, Timog Amerika at kung saan-saan pa. Ang mga taong hindi pa namin kailanman nakikilala ay nagpatuloy sa buong siyam na linggo at nagpatakbo kami ng mga cohort, na ang ilan ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon.
Maraming organisasyon ng misyon at pandaigdigang koponan ang nagdala ng karamihan sa kanilang mga misyonero para sa mga kurso ng pagsasanay sa unang antas, pagsasanay sa ikalawang antas at mga klase sa pamumuno. Patuloy itong lumawak nang higit pa sa Silangang Aprika. Ginamit ng Diyos ang COVID-19 upang iugnay kami sa iba at maging mas malaking pagpapala sa pandaigdigang katawan ni Cristo sa pamamagitan ng aming pagsasanay.
Nagdaraos kami ng DMM Global Catalyst Camp taun-taon. Noong Oktubre, sinabi namin, “Bakit hindi natin subukang gawin ito nang virtual?” Hindi namin alam kung ano ang kalalabasan nito, pero may mga taong mula sa 27 bansa ang sumama sa amin sa tatlong araw ng catalyst camp. Iyan ang ilan sa kamangha-manghang mga paraan ng paggamit ng Diyos sa teknolohiya upang palawakin ang mga hangganan ng aming ministeryo.
Inaasahan kong magpapatuloy ang mas malawak na paggamit na ito ng teknolohiya. Hindi na kami lilingon pabalik. Mas gusto pa rin namin ang harapan para sa pag-coach at sa mga lokal na ugnayan. Pero ang daan pasulong ay ang paggamit ng bagong teknolohiya upang maabot ang mga taong hindi namin maabot sa mga tradisyonal na paraan. Halimbawa, noong isang linggo ay nagsimula akong gumabay (mentor) sa isang grupo ng mga tagapagpasimula ng DMM tuwing Huwebes sa loob ng isang oras. Hindi ako ang nagtuturo, nagpapadaloy lamang ako. Paano ko hindi iyon gagawin, ngayong naglaan ang Diyos ng kasangkapang ito? Noong una, sa Kenya o sa paligid lamang ng aming lugar ako nakikipagkita sa mga tao. Ngayon ay kausap ko ang isang koponan sa Hilagang India at nagko-coach ako ng isang koponan sa Panama City—mga lugar na hindi ko pa kailanman napupuntahan. Natutunan namin sa lahat ng ito na kailangan naming maging malikhain at gamitin ang bawat pagkakataon (kasama ang mga bagong plataporma at teknolohiya) para sa pagpapalawak ng Kaharian ng Diyos.
Dalawang Aral na Natutunan, na Madadala Namin sa Hinaharap
Una, natutunan namin na ang masasamang panahon ay maaaring maglabas ng mabubuting resulta, kaya hindi tayo dapat panghinaan ng loob dahil sa masasamang panahon. May paraan ang Diyos upang magdulot ng Kanyang sariling mga resulta sa masasamang panahon. Umaasa kami sa Diyos para sa mga resulta dahil ang mga resulta ay nakasalalay sa Diyos, hindi sa mga sitwasyon. Iyan ang dahilan kung bakit hindi namin hinahayaang agawin ng mga sitwasyon ang ibinigay sa amin ng Diyos.
Ikalawa, kailangang maging malikhain ang mga lider sa pagharap sa mga hamon at problema. Pero ang tugong iyon ay dapat magmula sa panalangin at pagdepende sa Diyos dahil papatnubayan tayo ng Banal na Espiritu.
Sa aklat ng Mga Gawa, nakikita natin na tuwing nahaharap ang mga apostol o ang iglesya sa mga hamon, pag-uusig o problema, lagi silang nananalangin. Kung minsan ay gusto nating lutasin ang isang problemang alam nating lampas sa ating kakayahan. Bilang mga lider, nananalangin kami upang tumanggap ng direksyon mula sa Diyos para sa susunod na bagay o para sa susunod na paraan ng paglutas ng isang problema. Kahit sa pinakamasasamang sitwasyon, maaaring magpakita ang Banal na Espiritu ng isang malikhaing daan pasulong.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 44:3 (Mayo/Hunyo 2022), pp. 40-43. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


