Nang sumiklab ang pag-uusig sa Jerusalem, maraming tagasunod ni Jesus ang tumakas—ang ilan ay hanggang Antioquia. Ibinahagi ng mga Judiong Helenista sa kanila (lalo na ang mga taga-Chipre at taga-Cirene) ang Ebanghelyo sa mga Helenistang Siryano (Mga Gawa 11:19–21). Tinanggap ng dalawang magkaibang bayang iyon, sa loob ng mga umiiral na network, ang mensahe ng kaharian. Kaya, umusad ang Ebanghelyo nang dalawang hakbang na pangkultura lampas sa base nitong mga Judio sa Palestina.
Ang iglesya sa Antioquia ang naging panimulang himpilan ng isang pangkat ng misyonero, kasama si Pablo na may tatlong kultura: ipinanganak na isang Judiong Helenista sa lugar na ngayon ay Turkey, nag-aral tulad ng isang Judio ng Palestina sa Jerusalem, at may pagkamamamayang Romano mula pagkapanganak. Dinala ni Pablo ang Ebanghelyo mula sa Helenistang Palestina hanggang sa mismong lupang tinubuan ng mga Griego—isang ikatlong hakbang. Mula roon, nakita ni Pablo ang Ebanghelyo na humahayo lampas sa mga Judio at maging sa mga Griego, tungo sa mga barbaro at mga Escita.
Ginamit ng Diyos ang mga ugnayan sa pagitan ng magkakaibang pangkat ng mga tao na may matagal nang kaugnayan at pagkakatulad, upang isulong ang Kanyang mensahe noong unang siglo. Nakikita natin Siyang gumagawa ng katulad na bagay upang maabot ang maraming pangkat ng taong hindi pa naaabot sa ika-21 siglo.
Ang estratehiyang malapitan (proximate strategy)1 ay nakatuon sa pag-abot sa isang pangkat ng mga tao o bahagi ng populasyon na may di-pangkaraniwang impluwensya (positibo o negatibo) sa kanilang lugar. Kabilang dito ang pagsasanay sa mga alagad sa grupong iyon hindi lamang upang abutin ang sarili nilang bayan, kundi upang gamitin din ang kanilang mga ugnayan upang tumawid sa mga hadlang na pangkultura, pangwika, sosyo-ekonomiko, sosyo-relihiyoso o heograpiko upang makitang maabot ng Magandang Balita ng Hari ang iba pang mga grupo (at kalaunan ang lahat ng grupo) sa kanilang lugar.
Sa biyaya ng Diyos, bahagi ng tagumpay na naranasan ng New Generations ang pagbibigay-kapangyarihan at pagsasanay sa mga katutubong lider na “malapit ang ugnayan” sa iba pang mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot at wala pang nagsisimula ng ministeryo (UUPG).
Mga Kilusan sa Gitna ng mga Muslim sa Kanluran at Gitnang Africa
Noong 2003, sa patnubay ng Banal na Espiritu, sinimulan nina Younoussa Djao, Jerry Trousdale at Shodankeh Johnson ng Final Command Ministries na ipanalangin na pagsapit ng Disyembre 2013, magkakaroon ng mga iglesya sa lahat ng pinakamalalaking Muslim na UUPG (MUUPG) sa Kanluran at Gitnang Africa. Kabilang sa mga grupong ito na may malawak na saklaw na heograpiko at malalaking populasyon ang mga Hausa (sa ngayon ay 54 milyon sa 18 bansa2), ang mga Fulani (40 milyon sa 16 na bansa3) at ang mga Kanuri (13 milyon sa anim na bansa4).
Noong Pebrero 2005, naglunsad ang Final Command ng mga pagsasanay na pinangunahan ni David Watson, isang dating misyonero sa India na gumanap ng papel na strategist-trainer, sa tinawag kalaunan na “mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad” (DMM).5 Mahigit 100 lider mula sa 12 bansa ang nagtipon sa Sierra Leone at Guinea upang matuto tungkol sa DMM. Pagkatapos ay itinalaga ng Final Command sina Djao, Trousdale at Johnson upang sumama kay Watson sa pangkat ng CityTeam International6 upang pagsikapan ang pangitain ng DMM.
Nang sumunod na taon, matapos mag-ayuno at manalangin, napagpasyahan ng pangkat na ang pinakamabuting paraan upang makapagsimula ng ministeryo sa lahat ng UUPG sa rehiyon ay ituon ang kanilang mga pagsisikap sa 18 sa mga pangkat ng mga taong pinakakaunting naaabot at pinakamatigas sa pagtanggap ng Ebanghelyo (na kalaunan ay dinagdagan ng mga Pygmy). Ang nagpaging natatangi sa mga grupong ito ay ang di-pangkaraniwang taas ng kanilang impluwensya, kapangyarihan, laki at/o kayamanan, na nag-udyok sa ibang mga grupo na tanggapin ang ilang aspeto ng kultura ng mga grupong ito.
Dahil dito, kung malaking bahagi ng mga pangunahing pangkat ng mga taong ito ang yayakap sa Ebanghelyo, malamang na lalaganap ito sa iba pa sa rehiyon. Tinawag sila ng pangkat na “mga pangkat ng mga taong nagsisilbing pintuan,” at tinawag ni Trousdale ang paraang ito na “estratehiyang malapitan.” Sa kanyang mga salita, “Mas madaling makakita ng pagbabago sa isang kultura kapag may umiiral ka nang ugnayan sa kulturang iyon. Kapag ang isang kalapit na UUPG ay may ugnayang pangwika at pangkultura sa isang pangkat kung saan nakakakita ka na ng mga resulta, higit na mas madaling makagawa ng pagbabago.”
Noong 2007, lalo na ang mga Fulani, na 99 porsiyentong Muslim, ang pumukaw ng pansin ng New Generations. Nakalatag ang mga komunidad ng Fulani sa isang malawak na sakop mula Senegal hanggang Central African Republic. Alam ni Djao, na isa ring Fulani, na sila ang nagdala ng Islam sa Sub-Saharan Africa ilang siglo na ang nakararaan, kaya nagsimula siyang manalangin na sila ang maging mga taong tutulong sa ibang mga pangkat ng mga tao na matuklasan si Jesus.
Sa biyaya ng Diyos, pagsapit ng 2021 ay nakita ng mga lider na ito ang limang magkakaibang Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad sa gitna ng mga Fulani, ang isa ay may 10 henerasyon ng pagpaparami. Binubuo ang mga ito ng 1,761 iglesya na may 22,863 bagong alagad (na may karaniwang 12 bawat iglesya) na naitanim sa kumpol ng magkakaugnay na pangkat ng mga Fulani (Fulani, Fulfulde, Fula Jalon, Peuls, Fulani Maroua, at iba pa).
Ang kumpol ng mga Fulani ay isa lamang kuwento ng tagumpay. Pagsapit ng 2022, 94 na pagsisimula ng ministeryo ang nasimulan sa pamamagitan ng 19 na pangkat ng mga taong nagsisilbing pintuan, na nagbunga ng 249,001 bagong tagasunod ni Cristo, sa 11,191 bagong iglesya.
Isang Mahalagang Pagtuklas
Noong 2017, nabasa ni Djao ang isang panloob na ulat na nagdodokumento ng gawaing paggawa ng alagad sa hilagang bahagi ng isang bansa sa Kanlurang Africa, ang Kundu (hindi tunay na pangalan), na humantong sa pagsiklab ng ministeryo sa isang ibang UUPG sa isang kalapit na bansa sa Hilagang Africa, ang Sangala (hindi tunay na pangalan). Gayunman, alam niyang walang anumang sinimulan ang kanyang pangkat sa Sangala o sa gitna ng bayang iyon.
Tinawagan ni Djao ang area coordinator, na nagpaliwanag na ang mga iglesya sa Kundu ay may mga negosyanteng regular na naglalakbay pahilaga upang bumili at magbenta ng mga produkto sa Sangala. Karaniwan silang nananatili nang dalawa o tatlong buwan bawat pagkakataon. Habang naroon, nakatagpo sila ng mga taong may kapayapaan at ibinahagi ang mga kuwento tungkol kay Jesus na narinig nila sa kanilang mga Discovery Bible Study (DBS), pag-aaral ng Biblia sa paraang pagtuklas, sa Kundu. Iniulat ng coordinator na may nagaganap na pagpaparami sa hilaga. Ang mga masunuring tagasunod ni Jesus ay likas na gumagawa ng mga alagad sa kanilang malawak na network sa Sangala, gamit ang tulay na naitayo na ng kanilang maimpluwensyang pagkakakilanlang pangkultura.
Pagkatapos ay napansin ni Djao na ganito rin ang nangyayari sa pagitan ng mga alagad na Fulani sa hilagang Cote d’Ivoire at ng mga Malinka sa Guinea. Madalas dalawin ng dalawang alagad na Fulani ang kanilang tiyahin na nakapag-asawa ng isang Malinka sa kabila ng hangganan, at nagsimula silang magbahagi ng mga kuwento tungkol kay Jesus kapag dumadalaw sila. Dahil nagpakita ng interes ang kanilang mga pinsan at ang mga kaibigan ng kanilang mga pinsan, nagsimula ang magkapatid na Fulani ng isang Discovery Bible Study na kalaunan ay dumami tungo sa tatlong iglesyang Malinka.
Sa mas maraming pananaliksik, natuklasan ni Djao na nangyayari rin ito sa ibang mga lugar—hindi lamang mula sa isang bansa patungo sa ibang bansa kundi pati sa loob ng mga bansa, mula sa isang rehiyon patungo sa iba. Nagsimulang maging lalo pang sinadya ng pangkat ang pagsasanay at pag-coach sa mga lider ng DMM na unahin ang mga pangkat ng mga tao kung saan malamang na tumalon ang proseso ng paggawa ng alagad patungo sa iba na nakasasalamuha nila. Hinikayat din nila ang mga alagad na magbahagi sa mga tao ng ibang kultura o rehiyon sa loob ng kanilang mga network panlipunan.
“Kung mahusay ang takbo ng DMM, ganito dapat ito gumana,” sabi ni Djao. Isinasama na ngayon ng pangkat ang mga presentasyon tungkol sa mga estratehiyang malapitan sa lahat ng kanilang pagsasanay, at nagtatanong: ‘Anong pangkat ng mga tao ang sapat na malapit upang tumalon ang proseso ng paggawa ng alagad mula sa inyo patungo sa kanila? May pangkat ba ng mga tao kung saan may mga pinsan kayo?’ Kapag nakaisip ang mga sinasanay ng ilan, sinasabi namin, ‘Bakit hindi ninyo ituring ang inyong sarili na mga misyonero sa kanila?’”
Sa Cote d’Ivoire, nakita ng New Generations na tumalon ang mga DMM mula sa mga Mona patungo sa mga Tura at mula sa mga Malinka patungo sa mga Senoufo. Sa dalawang kasong ito, nangyari ito nang likas. Hindi ito bahagi ng anumang plano o inisyatiba. Ibinahagi ng mga tapat na alagad ang kanilang natututuhan sa kanilang network ng ugnayan.
“Kapag isinugo kayo ng Diyos sa isang lugar,” sabi ni Djao sa mga sinasanay, “Ang inyong pananagutan ay hindi lamang abutin ang pangkat ng mga taong iyon o ang heograpikong lugar na iyon. Huwag lamang isipin ang maliit na bayang ito o ang nayong ito. Ang inyong pananagutan ay sumasaklaw hindi lamang dito kundi pati doon sa kabilang panig. Tumingin nang malawak, mula sa pananaw ng isang ibon sa itaas ng rehiyon. Tingnan ang nasa paligid ninyo habang kayo ay nananalangin, nagpaplano at bumubuo ng estratehiya. Huwag limitahan ang Diyos. Tumingin at mag-isip nang malaki. Huwag matakot tumawid ng mga hangganan. Ngunit gawin ito nang may layunin. Maging mulat sa mga ugnayan at saloobin sa pagitan ng mga bayan at mga lugar. Bigyang-pansin lalo na ang mga lugar kung saan mabuti ang mga ugnayan.”
Tatlong Prinsipyo ng Pagiging Malapit
Tatlong prinsipyo ang namumukod-tangi mula sa maikling kasaysayang ito.
Masidhing panalangin. Nais ni Jesus na ang Kanyang mga alagad ay “mamunga nang sagana” dahil niluluwalhati nito ang Ama. Gayunman, dahil Siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga, sinasabi Niya, “kung hiwalay kayo sa akin ay wala kayong magagawa.” Nakasalalay ang ating pagiging mabunga sa ating pananatili sa Kanya (Juan 15:5–8).
Tapat sa salita ni Jesus, ang tagumpay ng DMM na nakita ng New Generations ay hindi nagmula sa talino o pagsisikap ng tao—ni hindi mula sa estratehiyang malapitan mismo—kundi mula sa kapangyarihan ng Diyos na nabubuksan sa pamamagitan ng pananatili sa panalangin. Nanawagan si Trousdale, “Kung susubukan ninyong makitang mangyari ang mga kilusan—nakikiusap ako sa inyo—huwag itong tangkain nang walang nakahandang mga tagapamagitan sa panalangin. Manalangin bago kayo sumabak dito.”
Kapag nagkukuwento si Djao tungkol sa mga kilusan, paulit-ulit niyang binabanggit ang panalangin at pag-aayuno. Sa tuwing nakakakita siya ng gawaing hindi umuunlad, karaniwan niyang sinasabi, “Sige, nananalangin sila, pero…” na nagpapahiwatig na hindi nananalangin ang mga manggagawa nang kasing-taimtim ng nararapat.
Pagkaunawa: Ang paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno ay nagpapataas ng kamalayan. Nagbubunga ito ng mga sandaling “Aha!” Halimbawa, hindi nagkataon lamang na napansin ni Djao ang ulat ng pagpaparaming tumatagas patungo sa Sangala. Ipinapanalangin ng pangkat na dumami ang mga kilusan sa gitna ng mga MUUPG na nagsisilbing pintuan sa rehiyon, upang makitang maabot ang ibang mga grupo. Itinatatag din nila ang pagsusuri bilang pamantayan ng kultura ng New Generations. Nang matanggap ni Djao ang isang ulat, ang kanyang pagkaunawa ay naging matalas na kaalaman dahil masigasig na nagsusuri ang pangkat: kapwa sa dami at kalidad ng nangyayari sa lugar mismo.
Pagsisikap tungo sa pagiging malapit. Ang pinatalas na pagkaunawa ng pangkat ang nagbigay-daan sa kanila upang mapansin ang likas na nangyayari, na siya namang nag-udyok sa kanila na magsanay para dito nang lalo pang sinasadya. Tinuturuan na nila ngayon ang mga lider na hanapin ang susunod na hangganan o hadlang na maaari nilang tawirin, kung paanong naghanap sila ng mga taong may kapayapaan sa sarili nilang mga bilog. Lalo na kapag kabilang sa mga bilog na iyon ang kanilang mga kaaway: mga tao ng ibang kultura o wika na kailangan ding makatuklas kay Haring Jesus.
Ginagamit ng Diyos ang mga katutubong manggagawa na “halos mga taga-loob,” upang makibahagi sa masidhing panalangin, magsuri mula sa pagkaunawa, at magsikap tungo sa pagiging malapit. Hindi limitado ang paraang ito sa Kanluran at Gitnang Africa o sa mga Muslim na UUPG. Ang mga gumagawa ng mga alagad sa gitna ng alinmang pangkat ng mga tao sa mundo ay maaaring magsagawa ng estratehiyang malapitan, upang ang lahat ng pangkat ng mga tao, affinity group at bahagi ng populasyon ay magkaroon ng pagkakataong pumili kay Jesus.
Mga tala
- Ipinakilala sa isang naunang artikulo ng pangkat ng New Generations: “God’s Gift of Surprising Proximate Strategies,” Mission Frontiers, Marso-Abril 2018 Bumalik sa teksto
- “Hausa People Cluster,” Joshua Project, https://joshuaproject.net/clusters/186 Bumalik sa teksto
- “Fulani/Fulbe People Cluster,” Joshua Project, https://joshuaproject.net/clusters/173 Bumalik sa teksto
- People Cluster (kumpol ng magkakaugnay na pangkat ng mga tao): Kanuri Saharan https://peoplegroups.org/explore/ClusterDetails.aspx?rop2=C0063 Bumalik sa teksto
- Ang DMM ay isang sunud-sunod na reaksyon ng hindi bababa sa apat na henerasyon ng mga iglesyang nagtatanim ng mga iglesya, na sumasaklaw sa hindi bababa sa 100 bagong iglesya. Bumalik sa teksto
- ang naunang anyo ng New Generations Bumalik sa teksto
Unang inilathala sa Mission Frontiers 45:1 (Ene./Peb. 2023), pp. 16-19. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


