ModeratorSa pagkakaunawa ko, ang Media to Movements ay ang paggamit ng iba’t ibang social media o iba pang daluyan ng media upang makahanap ng mga naghahanap, ng mga Taong May Kapayapaan, at dalhin sila sa “funnel” tungo sa pagiging mga alagad at gumagawa ng mga alagad na nagpaparami. Paano naging matagumpay ang Media to Movements sa inyong larangan? Paano ito gumana?
GPSana’y makapagsimula ako sa mga kuwento ng tagumpay, pero ang totoo, may mga bagay na talagang hindi gumagana. Nagtatrabaho ako noon sa isang malaking ministeryo na gumagamit ng internet upang abutin ang mga bansa. Naglunsad kami ng isang kampanya upang abutin ang mga tao sa isang partikular na bahagi ng rehiyon ng Gitnang Silangan at Hilagang Aprika (MENA). Naaalala ko na isang araw ay nakita ko ang mga tugon mula sa mga post sa Facebook at sa ilang video sa YouTube. Nang makita ko ang lahat ng kanilang pangalan at komento sa wikang Arabe, nalula ako sa lawak ng mga tugon. Kapag isa-isa kang nakikipagtrabaho sa mga tao, sanay kang makipagkita bilang maliit na grupo. Pero sa pagkakataong ito, daan-daan ang nakita ko, at pagkatapos ay naging libu-libo. Hindi ako makatulog sa gabi dahil alam kong wala kaming matibay na ugnayan sa mismong lugar noong panahong iyon—isang taong pupunta at personal na makikipagkita sa isang tumugon. Upang sabihin, “Kinontak mo kami at nagtanong ka tungkol kay Jesus. Puwede ba tayong magkita para magkape at pag-usapan ito?”
Iyon ay isang sandali ng krisis sa aking buhay dahil pakiramdam ko ay hindi kami mabubuting katiwala. Hindi namin pinararangalan ang Diyos, mula simula hanggang dulo. Alam ko sa pamamagitan ng aking mga kaibigan na may mga kamangha-manghang bagay na nangyayari sa mismong lugar upang magparami ng mga alagad. Ang sandaling iyon ng krisis ang nagtulak sa akin upang sabihin, “Diyos, ano ang ginagawa Ninyo? Paano namin pag-uugnayin ang lahat ng kahanga-hangang gawaing nangyayari online at sa pamamagitan ng media tulad ng AM/FM radio, satellite TV at internet radio? Paano namin pagsasamahin ang media na pinapatnubayan ng Ebanghelyo at ang pagpaparami ng mga alagad sa mismong lugar?”
Ang nakikita kong TALAGANG matagumpay ay ang mga sama-samang pagsisikap online at offline kung saan ang mga lokal na tagasunod ni Cristo ang nangunguna at ang mga tagasunod ni Cristo mula sa labas ay nagbibigay ng tulong kung kinakailangan. Halimbawa, kapag ang mga mananampalatayang may pinagmulang Muslim ang lumilikha ng nilalaman online, gamit ang kanilang wika at bokabularyo—tumpak na tumpak ito. Pagkatapos, habang nakikipagtulungan sila sa iba na maaaring may kadalubhasaan sa Google ads at mga kampanya sa Facebook, nagiging sama-sama ang kanilang mga pagsisikap. At kapag naiugnay sila sa mga mananampalataya sa mismong lugar, maaaring magkaroon ng mabilis na follow-up. Kapag may naghahanap na kumontak sa isang tao online, makatitiyak tayo na sa loob ng maikling panahon, magkakaroon siya ng harapang pagdalaw mula sa isang tagasunod ni Cristo sa loob ng ilang oras o ilang araw. Gustung-gusto ko kapag ganoon ito gumagana! Sama-sama ito. Ito ay mga tao mula sa maraming bansa na nagtutulungan online at offline upang magparami ng mga alagad.
ChrisNaglingkod ako sa Bosnia sa loob ng isang dekada at pagkatapos ay nagsimulang ipatupad ang estratehiya ng Media to Movements. Sa unang 20 araw, mas maraming espirituwal na pakikipag-ugnayan ang nakita namin kaysa sa pinagsama-samang nakaraang 10 taon. Naroon lang pala ang mga tao, nang maglabas ka ng ad sa buong bansa. Mas marami kaming natatanggap na mensahe mula sa mga taong talagang nananaginip tungkol kay Jesus, gustong magkaroon ng Biblia, at gustong makipag-usap. Habang binubuo namin ang sistemang iyon, napagtanto namin na madali itong ulitin. Sa huli ay nag-coach at nagsanay kami ng mga koponan sa dalawang kalapit na bansa.
Sa isa sa mga bansang iyon, nagsimula silang magpatakbo ng mga ad sa tatlong lungsod kung saan may mga koponan sila. Sa loob ng unang siyam na buwan, nagpapatakbo na sila ng mga ad sa 16 na lungsod. Nasanay nila ang mga 50 lider na layko at pastor ng iglesya sa mga prinsipyo ng Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad (DMM), at pagkatapos ay sinanay sila sa estratehiya sa media at kung paano mag-follow-up sa mga kontak. Sa unang siyam na buwang iyon, mga 50 tao ang nakita nilang sumampalataya, at mga 250 pa ang nagsimula sa isang uri ng ugnayan ng paggawa ng alagad (noong nakaraang taon, apat na tao lamang ang nasa isang ugnayan ng paggawa ng alagad.). Nagdagdag ito ng isang elementong nagpapasimula: kung totoo ang salita at handa na ang anihin, nagbibigay-daan ito sa atin na mag-ani nang mas mabilis, kahit hindi bilis ang layunin. Pinalalawak lamang nito ang kakayahan.
Ang isa pang naidulot nito ay ang elemento ng pagtutulungan na binanggit mo, GP. Isa itong malumanay na paraan upang makipag-usap sa mga taga-tradisyonal na iglesya tungkol sa DMM. Sinubukan naming magkaroon ng ganoong pag-uusap, sinisikap na ipatupad ang DMM sa Bosnia at sa Balkans sa loob ng halos isang dekada. Pero nakaharap kami ng ilang hadlang sa pakikipag-usap sa mga lider ng tradisyonal na iglesya, malamang dahil masyado kaming mapilit at mali ang mga nasabi namin. Pero ang media ay naging malumanay na paraan upang isaalang-alang ang paggawa ng alagad sa ibang paraan. At talagang nakapagpapalakas-loob ang resulta—mula sa pag-abot sa tatlong lungsod tungo sa 16 na lungsod sa isa sa mga bansa.
JonSa palagay ko, kung minsan ay hinahayaan nating ang laki ng ating mga paa ang magtakda kung ano ang gagawin natin at kung anong paglago ang mangyayari. Gaya ng kasabihan, gumagawa tayo ng sapatos at doon na kailangang magkasya ang paa. Mayroon akong isinulat sa aking journal (mga dalawang taon na ang nakararaan) kung saan isinulat ko ang tatlong salitang ito: komodipikasyon, kompetisyon at kalituhan. Ang nakikita ko ay naniniwala tayo [ang ilang tao] na mahiwagang solusyon ang bagay na ito: magpapatakbo ka ng ilang ad sa Facebook at iisipin mong magkakaroon ka ng isang kilusan. Ang paniniwala ko ay hindi ito tungkol sa media. Hindi ito tungkol sa marketing. Hindi ito tungkol sa teknolohiya. Ito ay ang Banal na Espiritu na kumikilos sa buhay ng mga tao. Lahat ng bagay na iyon ay maaaring magkaroon ng bahagi rito, pero may ilang koponan na ginagawa ang lahat ng tamang bagay at hindi sila nakakakita ng kilusan. Sa palagay ko ay nalulugod pa rin ang Diyos doon, at sa palagay ko rin ay kailangan nilang magkaroon ng tinatawag kong “grit” upang magpatuloy. Kailangan ninyong patuloy na maghanap hanggang matagpuan ninyo kung ano ang gagana sa mga lugar na iyon.
Gayunman, lalong humihirap ang seguridad, ang teknolohiya at ang kakayahang magsimula mula sa wala. Gayunman, gumagana pa rin ito sa ilang lugar. Isa sa mga bagay na pinahahalagahan ko ay ang kakayahang makita kung ano ang nangyayari sa buong mundo. Sa ilang lugar, tila mas mabilis at mas malaki ang epekto nito kaysa sa ibang lugar. Kapansin-pansin na marami sa mga natitirang lugar na hindi pa naaabot ay kabilang sa pinakamabagal.
Kamakailan, naglunsad kami kasama ang mga tao sa Bangladesh, at nakikipagtulungan sa mga tagasalin ng Biblia mula pa sa simula. Naisalin ang Kasulatan sa wika, at gumawa ng isang app, gamit ang nilalaman mula sa Jesus film, LUMO film (https://lumoproject.com—makukuha sa mahigit 1,050 wika), at iba pa. Maraming mensahe ang nakikita naming dumarating. Pagkatapos ay gumagamit kami ng teknolohiya tulad ng Echo Global upang protektahan ang pagkakakilanlan ng mga lokal na tagatugon doon, na siya namang nakikipagkita sa mga tao at nakakakitang may mga nangyayari. Nagkakahalaga ito ng 0.0004 sentimo bawat tao upang mapanood nila ang halos 45 segundo ng isang video clip mula sa Jesus film. Sa katunayan, nagkaroon ng problema sa teknolohiya dahil sa website na ginagamit nila kung saan kailangan mong i-click ang “accept” para gumana ang cookies, kaya hindi gumagana ang video. Nagmemensahe ang mga tao, at sinasabing, “Sandali lang! Gusto naming mapanood ang video na ito!” Napakatindi ng pagkagutom kapag ang mga tao ay hindi pa kailanman nakaharap sa salita ng Diyos sa sarili nilang katutubong wika.
Isang gabi, papasok kami sa isang pub sa London upang maghapunan at sinabi sa akin ng tagasalin ng Biblia, “Animnapung taon na akong nananalangin na mangyari ito, [at nangyayari na ito ngayon] dahil may iba’t ibang organisasyon at mga taong nagtutulungan upang makitang maganap ito.” Alam nila na hindi ito isang kalakal na basta mo na lang ikakabit at gagamitin. Hindi ito kompetisyon. Nagtutulungan ang bawat bahagi, at hindi ito humahantong sa kalituhan kundi sa mga tagumpay at mga bagong kaunawaan.
May pinatatakbo kami ngayon sa isang bansa sa Hilagang Aprika, na may karaniwang 30,000 taong pumupunta sa isang website kada dalawang araw at nagki-click upang makakita ng higit pang nilalaman. Dumaraan iyon sa ilang magkakaibang pahina bago pa man sila magpadala ng mensahe. Lalong tumataas ang kalidad ng mga mensaheng iyon mula sa mga naghahanap. Kung may isang bagay akong pipiliin, hindi iyon ang Facebook at hindi rin ang Tik-Tok o isang partikular na uri ng video. Iyon ay ang Kasulatan lamang: ang Salita ng Diyos. Sa palagay ko, doon kumikilos nang makapangyarihan ang Espiritu. Sa ilan sa mahihirap na lugar na ito kung saan matagal nang nagpapatakbo ng mga ad ang mga koponan at hindi pa rin nakakakita ng tagumpay, nakakakita pa rin sila ng pagkakalantad sa Salita at nakikipagkita pa rin sila sa mga tao. Hindi pa lamang nagaganap ang mga bagay na ganap na tulad ng isang kilusan. Maraming kompetisyon, mataas ang gastos at ang mga teknikal na hamon, pero sa ngayon ay irerekomenda ko ang pamamaraang ito sa sinuman. Kamangha-mangha kapag tiningnan ninyo kahit ang 1,000 tao na nakapanood ng isang clip o nagkaroon ng salita ng Diyos sa kanilang mga kamay sa halagang $20 kumpara sa anumang ibang pamamaraan. Naging tagapagtanim ako ng iglesya sa Taiwan sa loob ng maraming taon kasama ang aking koponan. Sa halagang $20, wala akong pisikal na magagawa upang makamit ang lawak, bilis at saklaw na kaya natin ngayon, sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya at media.
ModeratorNaririnig kong sinasabi ninyong lahat na naging hamon ang pag-usad mula sa pakikipag-ugnayan sa media lamang tungo sa ganap na kilusan. Pero nakakakita man tayo o hindi ng ganap na kilusan, nakikita nating tumataas ang antas ng tubig. Nakikita nating maraming tao ang nakalalantad sa Kasulatan, at naaapektuhan nito ang isang populasyon makarating man tayo o hindi agad sa ganap na kilusan. JLA, hayaan mong itanong ko sa iyo: “Sa panahong ito, ano sa palagay mo ang pinakamahuhusay na gamit ng estratehiyang ito ng Media to Movements? Saang mga lugar malamang makakita ang mga manggagawa ng magandang balik sa kanilang ipinuhunang panahon at posibleng pera?”
JLAMga plataporma ang naiisip ko. Sa buong mundo, ang pinakapopular na mga plataporma ay ang Facebook at Instagram, kahit sa aming pinagtutuunang bansa sa Hilagang Aprika. Nakababahala ang dami ng taong gumugugol ng oras-oras sa platapormang iyon. Sa aking palagay, iyon ang mga may pangunahing kasangkapan na makatutulong sa pagbuo ng mensahe at sa paghahatid ng mensahe sa tamang tao. Posible ang ibang plataporma, pero hindi gaanong maunlad.
ModeratorMay iba pa bang gustong magkomento?
GPOo, gusto naming maabot ang mas maraming tao nang mas mabilis pero mas mabisa rin, upang talagang gumagawa at nagpaparami tayo ng mga alagad upang makakita ng mga kilusan. Ang pinakamalaking pag-usad na nakita namin ay sa paggamit ng Instagram at Facebook at nang kaunti sa YouTube, pero hindi gaano. Tamang-tama ang sinabi ni Jon na may mga bagay na gumagana at may mga hindi.
Tayo bilang katawan ni Cristo ay naging lubhang pabaya sa pag-aakalang ang mga mensaheng inilalabas natin sa Instagram o Facebook ay talagang umaabot sa nilalayong tagapakinig. Kung hindi natin ginagamit ang tamang diyalekto o wika, hindi ginagamit ang tamang bokabularyo o, kapag biswal, ang tamang mga kulay, larawan at grapiko—may sinasabi ang lahat ng iyon—at aabot ito o ganap na lalampas sa ating tagapakinig.
Kapag binibigyang-diin natin ang Kasulatan at iniaangkop sa lokal ang mensahe, doon tayo nakikiisa sa Diyos. Pinalalaki Niya ang espirituwal na pagkagutom sa buong mundo. Para sa amin na naglingkod sa gitna ng mga Muslim sa loob ng ilang dekada, kahanga-hangang makita ang nangyayari ngayon. Tatlumpung taon na ang nakararaan, tuwang-tuwa na kami kapag nakakita kami ng isa o dalawang Muslim sa isang taon na nanaginip tungkol kay Jesus at gustong sumunod sa Kanya.
Pero ang nangyayari ngayon ay daan-daan bawat linggo at libu-libo bawat taon. Sa katunayan ay nakikita namin ang milyun-milyong tinubos na Muslim na sumusunod na ngayon kay Jesus. Kaya, Jon, pinahahalagahan ko ang sinabi mo na hindi ito tungkol sa media. Hindi ito tungkol sa pamamaraan. Ito ay tungkol sa pakikiisa sa Diyos. Kung kaisa tayo ng Diyos, ipakikita Niya sa atin ang pinakamahuhusay na paraan upang gamitin ang media at teknolohiya sa pagpaparami ng mga alagad.
ModeratorJon, ano ang profile ng isang tao o ministeryo na lalapit sa iyo at magsasabing, “Kailangan ko ang tulong mo. Interesado akong magsimula sa Media to Movements”? Anong mga problema ang sinisikap lutasin ng taong iyon, at masasabi mong, “Oo, matutulungan kita”?
JonHayaan ninyong magdagdag muna ako ng kaunting opinyon sa ibang paksang iyon, pagkatapos ay sasagutin ko ito. May push media at may pull media. Ang Facebook at Instagram, at ang mga platapormang tulad nito ay push media. Naglalabas tayo ng nilalaman na inaasahan nating tatagos sa mga tao at mag-uudyok sa kanila na mag-click, upang matuto pa at manood pa. Ang mga search engine, tulad ng Google o YouTube, ay isang pull na estratehiya, kung saan ipinakikita na ng mga tao ang kanilang layunin sa pamamagitan ng kanilang hinahanap. Mga bagay tulad ng, “Paano ako magkakaroon ng Biblia?” o “Sino si Jesus?” Ang layunin doon ay hilahin sila mula sa pahina ng resulta ng search engine patungo sa isang lugar kung saan makikilala nila ang mensahe at “ngunguyain” ito, matututo pa at magkakaroon ng tiwala. Pagkatapos ay inaasahan naming makikipag-ugnayan sila at magpapadala ng komento.
Kung nagsisimula pa lamang ang isang koponan, irerekomenda kong gumawa muna nang organiko. Mag-aral muna ng isang bagay at maging mahusay doon, kahit tulad lamang ng YouVersion Bible app, kung saan naglalagay kayo ng Kasulatan sa mga lokal na wika sa ibabaw ng isang magandang lokal na larawan. Gawin muna ang mga ganoong bagay bago kayo magsimulang magpaulan ng ad o subukang gawin ang kung anu-ano pa. Alamin at tingnan kung anong mga salita ang pinipili ng mga tao sa paghahanap sa Google, at maglagay ng isang bagay doon. Maaari kayong maging tuwiran dito at malamang na makikita ninyong hindi gaanong marami ang kompetisyon at hindi gaanong mataas ang gastos sa mga ganoong lugar. Ang mga lumalapit sa amin sa Kavanah Media ay karaniwang mga ahensya o koponan na nadidismaya na. Maaaring nalulula sila sa mga bagay na ito o ginagawa na nila ito at napagtatanto, “Mukhang hindi ito gumagana.” Sinusuri namin ito at sinasabing, “Narito ang ilan sa mga teknikal na dahilan, o narito ang ilan sa mga dahilan sa marketing, o iba pang bahagi nito.” Marahil ay makatutulong ang isang maliit na pagbabago. Kung minsan ay walang mali. Mahusay ang lahat ng ginawa nila. Kailangan lang nila ng isang taong magsasabing, “Mahusay ang ginagawa ninyo. Magpatuloy lang kayo!”
Pero mataas ang antas ng pagkapagod (burnout) sa ngayon. Tatlong magkakaibang organisasyon ng misyon ang lumapit sa akin nang pribado at nagsabing, “Dismayado at pagod na pagod na ang aming mga tao.” Sa palagay ko, bahagi niyon ay nagmumula sa mga di-makatotohanang inaasahan. Inaabot ng anim na buwan hanggang isang taon bago kayo makakita ng anumang pag-usad, depende sa bansang pinagtatrabahuhan ninyo. Sa Kavanah Media, may nakikita kaming mga taong pumapasok dito at pagkatapos ay nagsasabing, “Hindi ako pumunta sa larangan para matuto ng Facebook. Pumunta ako sa larangan dahil gusto kong kausapin ang mga tao tungkol kay Jesus.” Isa sa mga bagay na pinahahalagahan ko tungkol diyan ay ang pananatili “sa sarili ninyong linya.” Ano ang mahusay ninyong ginagawa? Gawin iyon nang mahusay at hayaan ang ibang dalubhasa sa ibang mga bagay na gawin ang mga iyon. Pagkatapos ay pag-isipan: paano tayo magtutulungan? Kung may lumapit sa akin at nagsabing, “Nasa bansang X ako at gusto kong gawin ang estratehiyang ito sa media,” maaari kong itanong sa kanila, “Sino pa ang gumagawa na nito roon? Kanino kayo maaaring makipagtulungan? Anong mga lokal na tao ang kasangkot na sa mga pagsisikap na iyon?”
Gusto naming mapakinabangan nang husto ang pagsisikap sa halip na sinusubukan ng lahat na matutunan ang lahat ng bagay at gumagastos nang labis sa paggawa ng isang video na 15 minuto lamang ang itatagal. Alamin natin kung paano maging Katawan ni Cristo nang sama-sama. Kung may nangangailangan ng teknikal na tulong, makatutulong ako roon. Pero kung kailangan nilang matuto ng DMM, ipapadala ko sila sa isang taong may kadalubhasaan sa pagsasanay sa DMM. Dumaan na ako sa pagsasanay, pero hayaan nating gawin ng mga dalubhasang iyon ang talagang mahusay nilang ginagawa. Kung gusto ninyong matuto ng Adobe Premiere, ipakikilala ko kayo sa ilan sa mahuhusay na taga-media riyan. Anuman iyon, sa palagay ko ay malaki ang halaga ng pagpapakilala ng mga tao sa isa’t isa, at sa mga bagay na gumagana na. Gusto naming tulungan ang mga tao na huwag nang muling imbentuhin ang gulong.
ModeratorAng 24:14 ay isang koalisyon ng mga kilusan, na may mahigit 1400 kilusan sa buong mundo bilang bahagi ng aming koalisyon. Interesado ako sa pananaw nila. Tila nakatuon nang husto ang Media to Movements sa pagpapasimula ng isang bagay. Pero may gamit ba ito para sa mga umiiral nang kilusan? May pakikipagtulungan ba ang sinuman sa inyo sa mga umiiral nang kilusan?
JonNakikipagtulungan ako sa dalawang magkaibang grupo; ang isa ay patuloy na gumagamit ng media upang gawin iyon. Kung titingnan ninyo kung saan nanggagaling ang mga taong dumaraan sa kanilang sistema, ang bahagi nito ay sa pamamagitan ng satellite feed, ang bahagi ay sa pamamagitan ng social media, ang bahagi ay sa pamamagitan lamang ng mga taong nagbabahagi ng kanilang pananampalataya sa mga taxi at saanman. Nakikita ninyong nagsasama-sama ang lahat ng pirasong ito sa isang pinag-isang sistema na nagbibigay-daan sa napakahalagang follow-up, gaya ng sinabi ni GP. Nafo-follow-up ang mga tao nang mabilis at walang nakakaligtaan.
May isa pa na isang ganap na kilusan at ang talagang ikinamangha ko rito ay sinisikap nilang ibalik ang media sa loob ng kilusan, dahil naitayo na nila ang balangkas. Sinasabi nila, “Ngayon ay kaya na naming tanggapin ang mas marami pa sa itaas ng aming “funnel.” Isa itong funnel na kumikitid pababa hanggang sa isang punto kung saan ito naman ay nagsisimulang kumalat. Iyon ang bahaging kilusan nito. Ang pagkakaroon ng lahat ng pirasong iyon sa lugar ay makagagawa niyon. May isang ministeryo na “purong isinilang” bilang kilusan sa mismong lugar na ngayon ay nagdaragdag ng media rito, at may isa pa na sa maraming paraan ay isinilang mula sa media, pero ang malaking bahagi nito ngayon ay wala nang kinalaman sa media. Ito ay puro gawain sa mismong lugar, at nakikitang may mga nangyayari. Pinahahalagahan ko ang pagkakaiba-iba ng gawain ng Espiritu sa buong mundo roon.
GPAko rin. Hindi ito iisang sukat na angkop sa lahat at wala tayong mahiwagang solusyon. Ito ang Espiritu ng Diyos na kumikilos sa buong mundo. Gaya ng sinabi ni Jon, may isang grupo na may matatag na kilusan na nakatawid na sa ibang mga wika at ibang mga bansa. Isa itong napakalaking kilusan ng mga kilusan.
Gumamit sila ng iba’t ibang aspekto ng media, pero dumating sila sa punto ng krisis kung saan sinabi nila, “Naku! Mayroon kaming libu-libong bagong mananampalataya sa iba’t ibang pangkat ng mga tao at ang pagsasanay na ginagawa namin dito sa mga lider na ito ay kailangan naming isalin sa ibang mga wika.” Iyon ay isang natatangi at apurahang pangangailangan. May nakikita kaming ibang koponan na nasa pinakasimula pa lamang ng pagsisimula ng ministeryong pangkilusan. Gusto nilang makakita ng kilusan, at tapat silang nagpapagal pero hindi pa nakakakita ng tugon. Ang ilan ay nalulula at pakiramdam nila ay hindi sila mabisang nakapag-fo-follow-up sa mga tao.
May mga koponan na kami ngayon sa mismong lugar na nagsasabing, “Kailangan namin ng mga espesyalista sa media bilang bahagi ng aming koponan. Ang kilusan ng mga kilusan na binanggit namin ay nakatawid na sa ibang mga lupain. Sinasabi nila, “Kailangan namin ang mga soft skill na ito. Kailangan namin ng mga espesyalista sa media at mga espesyalista sa komunikasyon na maglalaan ng panahon upang bumuo ng mga ugnayang may tiwala at makipagtulungan sa mga lider ng kilusan.”
Gusto ko kayong palakasin ang loob na may ginagawa ang Diyos. Hindi lamang ito isang tao o isang grupo. Ito ang katawan ni Cristo na tumutugon sa dalawang bagay: 1) ang sarili nating krisis ng pananampalataya at mga desperadong sitwasyon, sa gitna ng 2) isang pandaigdigang pagtatagpo, na pinangungunahan ng Espiritu, ng mga tagasunod ni Cristo na naglilingkod sa media, pagtatanim ng iglesya at paggawa ng mga alagad, na gustong magtulungan.
Ang desperadong krisis na hindi nagpatulog sa akin sa gabi ay ang katotohanang gumugugol kami ng panahon, pagsisikap, at pera upang abutin online ang mga naliligaw, pero hindi talaga kami nagpaparami ng mga alagad sa mismong lugar, at hahatulan kami ng Diyos dahil doon. Pero sa Kanyang awa at habag, binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataong sabihing, “Kaya naming gawin ito nang mas mahusay. Kaya naming gawin ito sa ibang paraan, sa mas mabisang paraan.”
Alam kong narinig na ninyo ang pahayag na, “Kung patuloy ninyong gagawin ang parehong bagay, patuloy kayong makakakuha ng parehong resulta.” Kailangan nating pag-isipan:
- ano ang ginagawa natin na gumagana at kailangan nating ipagpatuloy?
- ano ang ginagawa natin na hindi gumagana at kailangan nating baguhin?
- ano ang ginagawa natin na hindi pa namumunga, pero kailangan nating pagtiyagaan? Nawa’y ipakita sa atin ng Diyos ang susunod na hakbang!
ModeratorSalamat sa inyo, mga panelista. Inaabangan namin kung paano ito gagamitin ng Diyos.
Ilang karagdagang link:
mediatomovements.org • kingdom.training • Christian Media Marketing Podcast • https://open.spotify.com show/4jpCpjr3Sjxvf5hHt7Mf6B • Media4Movements • Visual Story Network • Disciple Tools, Mobile • Ministry Forum • Indigitous Resources • Jesus Film • Project app, Indigitube • Scripture Earth • Max7 Animated Bible Stories • Kolo World app (Android at iOS) • Free Bible Images
Mga Komunidad ng Pagsasanay:
- Campfire Creatives - Isang online na komunidad para sa mga lumilikha ng nilalaman sa media na may malawak na karanasan sa Media at Sining para sa pagsasanay sa Misyon
- Zume—paglalakbay sa paggawa ng alagad na makukuha sa mahigit 40 wika, nagtuturo sa maliliit na grupo kung paano sundin ang Dakilang Atas at magparami ng mga alagad
- Mission Media Coach
Mga App:
- https://thedmmplatform.com
- https://waha.app
- http://SPapp.website
Unang inilathala sa Mission Frontiers 44:5 (Set./Okt. 2022), pp. 40-44. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


