SA BAWAT PANAHON, MAY MGA misyonerong cross-cultural na may kaloob at pagtawag na nagnais na maging bahagi ng pagsasabi sa lahat ng tao sa buong mundo tungkol kay Jesus. Nang batuhin si Esteban, nagsimulang tumakas para sa kanilang buhay ang mga tagasunod ng Daan patungo sa Samaria at iba pang lugar. Ibinahagi ng mga walang-pangalang tagapagkalat ng Ebanghelyong ito ang Magandang Balita sa salita at gawa. Noong 1989, ipinahiwatig ni David Barrett na nagkaroon na ng 788 plano upang maabot ng Ebanghelyo ang mundo mula AD 33 hanggang sa panahong iyon. Mula noon, maraming bagong plano ang lumitaw. Angkop na itanong: “Bakit naiiba ang 24:14?”
Institusyon v. Mga Karaniwang Tao sa Ibaba: Karamihan sa mga naunang plano ay higit na nakatuon sa institusyon o denominasyon. Bagaman nagkaroon ang mga ito ng positibong resulta sa pagdami ng gawaing pangmisyon at ng bilang ng mga taong lumalapit kay Cristo sa buong mundo, walang matalas na pokus sa pag-abot sa lahat ng nasa labas ng abot ng Ebanghelyo. Ni hindi rin sila nakatuon sa pagtatanim ng mga komunidad ng pananampalataya na kusang nagpaparami.
Ang 24:14 ay hindi nakasentro sa isang institusyon o sa isang denominasyon. Hindi ito binuo nang teoretikal ng mga lider ng institusyon. Pinatatakbo ito ng mga maalam na tagapagpatupad na aktibong kasangkot sa mga aktuwal na kilusan. Mas praktikal ito at hindi gaanong teoretikal. Nakatuon ito sa ninanais na pangwakas na resulta ng pagsisimula ng ministeryo sa lahat ng Pangkat ng mga Taong Hindi Pa Naaabot—ang mabisang pag-abot sa kanila.
Walang-Hadlang na Pagsusugo: Isa sa mga kalakasan ng 24:14 ay hindi limitado ang mga tauhan sa mga grupong nagsusugo nang cross-cultural at napakakaunting pinansiyal na resource ang kinakailangan. Habang nagiging katuwang ang mga bagong mananampalataya ng mga nagdala sa kanila ng Magandang Balita, dumarami ang bilang ng mga saksi.
Ang Mga Pag-unlad sa Teknolohiya ay nagbibigay ng isa pang mahalagang kalamangan. Kabilang sa mas halata ang transportasyon at komunikasyon. Nagreresulta ito sa mas mabilis na pagsasalin ng Kasulatan, mas mahusay na pamamahagi ng mga materyal sa pagsasanay, at mas madalas na pakikipag-ugnayan sa mga kasapi ng pangkat at sa mga posibleng mananampalataya. Gayunman, kinikilala ng planong ito na hindi napapalitan ng teknolohiya ang personal na presensiya. Kaya ang palagiang harapang pakikipag-ugnayan ay mahalagang bahagi ng pagsisimula at paghubog ng planong ito.
Mas Mahusay na Pagtatasa at Pagsubaybay: Isang resulta ng teknolohiya ang mas tumpak na paglalarawan sa hindi pa tapos na gawain. Ilang mahahalagang tagumpay ang lumitaw sa unang Lausanne Congress on World Evangelization noong 1974. Isa sa mga iyon ang konsepto ng pag-abot sa “Mga Nakatagong Bayan” (Hidden Peoples) ni Ralph Winter ng Fuller Seminary. Noong 1982, pinalitan ang termino ng “Pangkat ng mga Taong Hindi Pa Naaabot.” Ang mga plano noong nakaraan ay karaniwang nakatuon sa mga bansa at hindi isinaalang-alang ang dami ng mga wika at pangkat etniko sa loob ng maraming bansa. May kalamangan ang 24:14 na lubhang dumaming impormasyon na mas mapagkakatiwalaan at mas makabuluhan. Higit na mas tiyak na binibigyang-kahulugan ang gawain. Bukod dito, sinusubaybayan ang makabuluhang impormasyon hindi lamang tungkol sa pagsisimula ng ministeryo, kundi tungkol sa mabisang pagsisimula ng ministeryong CPM na maaaring magbunga ng pagdami ng mga alagad na kinakailangan upang makitang tunay na naabot ang isang grupong hindi pa naaabot.
Nakasentro sa Biblia: Isa pang di-matatayang kalamangan ang pamamaraan ng 24:14 na nakabatay sa Biblia. Ang ilang naunang pagsisikap ay nakatuon sa “taga-labas” bilang mahalagang espirituwal na gabay. Kaya habang mas maraming grupo ang nasisimulan, nadama ng misyonero ang mas malaking presyon sa kanyang oras, lakas at resource. Gayunman, ang mga kilusang 24:14 ay nakatuon sa Lucas 10 at sa mga katulad na talata bilang balangkas sa paghahanap ng “mga taong may kapayapaan” at sa pagkahikayat ng kanilang mga network ng ugnayan. Sa pamamagitan ng induktibong pag-aaral mula sa Biblia sa patnubay ng Espiritu at pagbibigay-diin sa “paggawa ng mga alagad” at “pagtuturo sa kanila na sumunod,” bawat bagong grupo ay nagdaragdag ng mas maraming henerasyon ng mga gumagawa ng mga alagad. Sa halip na dagdagan ang bigat sa “taga-labas,” kinikilala ng planong ito na ang mga katutubong lider ang susi sa paggawa ng mga alagad sa gitna ng sarili nilang mga kababayan.
Napatunayang Modelo ng Pinakamahusay na Gawi: Ang mga kilusang kinakatawan sa koalisyong 24:14 ay nakakakita ng napakalaking pagdami ng mga alagad at iglesya. Ang mga modelong ito na iniangkop sa kultura ay hindi limitado ng pantaong resource. Maaaring gamitin ito ng Panginoon upang maabot ang lahat ng UPG. Ang mga pangunahing kalahok sa 24:14 ay may malaking karanasan sa pagsisimula ng ganitong uri ng gawain. Sapat ang kanilang talas upang suriin ang nangyari na. Sa paggawa nito sa loob ng mahigit dalawang dekada, natukoy nila ang mga elementong nagbibigay-daan sa paglago ng isang kilusan at ang mga sintomas ng mga kilusang hindi na gumagalaw o namamatay. Masyadong madalas noong nakaraan, kapag sinubukan ang mga bagong pamamaraan o paraan, walang magagamit na kasangkapan sa pagsusuri upang magmungkahi ng angkop na pagsasaayos. Ngayon ay maaari na silang patuloy na gumawa ng kinakailangang pagsasaayos. Maaaring kabilang dito ang pagpapanibago ng pamumuno o pakikipag-ugnayan sa iba pang kalapit na grupo o pagdadala ng isang taong magbibigay ng kinakailangang kadalubhasaan.
Natatanging Pakikipagtulungan: Sa malaking larawan, niyayakap ng 24:14 ang dalawang mahalagang katotohanang umaasa sa isa’t isa: ang mga pangkat ng taong hindi pa naaabot at ang pakikipagtulungan ng mga pinakamabungang kilusan. Alam natin na ang Magandang Balita ay para sa lahat ng etnikong bayan sa mundo. Ang mga tagapagpatupad ng 24:14 ay nagmula sa napakaraming iba’t ibang pangkat etnikong iyon at may kalamangan ng kalayaan mula sa pagkabihag sa kulturang Kanluranin.
Panalangin: Malamang na bawat plano upang maabot ng Ebanghelyo ang mundo ay nagsama ng panalangin bilang mahalagang elemento. Gayunman, karamihan sa kanila ay may batayan ng suporta sa panalangin na limitado sa isang organisasyon o denominasyon. Ang planong ito naman ay nagsisimula sa mga kalahok sa panalangin sa buong mundo. At habang nadaragdagan ang mga bagong alagad, ang mga dating hindi pa naaabot na taong ito ay nagdaragdag ng isang buong bagong dimensiyon sa panalangin bilang mahalagang bahagi ng planong ito. Ang mga elementong ito ng panalangin ay maaaring ang pinakamalaking kalamangan ng 24:14.
Noong 1985, tumingin kami sa isang mapa ng mundo at napagtanto na ang aming “matatapang” na plano upang maabot ang mundo ay hindi kasama ang mahigit kalahati ng mga bansa sa mundo na sarado sa mga tradisyonal na misyonero at kinabibilangan ng napakalaking karamihan ng mga hindi pa naaabot ng Ebanghelyo. Nakiisa kami sa iba upang subukang ayusin ang mga pamamaraang pangmisyon upang baguhin ang katotohanang iyon.
Labis kaming nagagalak na makita ang ginawa ng Diyos sa mga taong nagdaan mula noon at nakikiisa kami sa aming maraming kapatid sa buong mundo sa pagiging bahagi ng koalisyong 24:14 upang madaliin ang araw kung kailan ipahahayag ang Ebanghelyo sa buong mundo sa bawat bayan, tribo, wika at bansa.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 40:1 (Ene./Peb. 2018), pp. 38-39. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.