SINABI NI JESUS, ‘HUMAYO KAYO SA BUONG MUNDO’ (Mc. 16:15) ngunit hindi pa natatapos ang gawaing iyon para sa mahigit 1,300 pangkat ng mga tao na kailanman sa kasaysayan ng Kristiyanismo ay hindi pa nagkaroon ng anumang anyo ng pagsaksi ng Ebanghelyo. Tinutukoy sila bilang mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot at wala pang nagsisimula ng ministeryo (UUPG).
Ang mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot (UPG) ay ang mga lahing walang katutubong kilusan tungo kay Cristo na kayang abutin ang sarili nilang lahi. Ang mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot at wala pang nagsisimula ng ministeryo ay ang mga hindi lamang walang mga tagasunod ni Cristo, kundi kadalasan ay sila rin ang mga hindi hinahanap ninuman.
Inihayag ni Jesus ang Kanyang puso at ang Kanyang mga priyoridad sa kuwento ng pag-iwan sa 99 na tupang ligtas upang hanapin ang isang nawawala (Lc. 15:4). Kung ang talinghagang ito ang gumagabay na liwanag para sa gawaing pangmisyonero, paano posible na matapos ang mahigit 2,000 taon ng misyong Kristiyano ay mayroon pang tinatawag na UUPG? Ang sagot ay may dahilan kung bakit sila Hindi Pa Naaabot at Wala Pang Nagsisimula ng Ministeryo. Kung may sukatang 10 puntos na pinagsasama ang kapwa nakabaong pagtutol at matinding kahirapan, ang karamihan sa mga UUPG ay magiging 11.
Kaya saan tayo pupunta mula rito? Ang sagot ay nasa nagbibigay ng galaw sa mga kilusan. Ang mga mambabasa ng Mission Frontiers ay regular na nakababasa ng iba’t ibang kaalaman tungkol sa kakayahan ng mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad/mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya na mag-ugat at dumami sa isang komunidad o pangkat ng mga tao sa medyo maikling panahon kung ihahambing sa mga tradisyonal na modelo ng ministeryo.
Isa sa mga pangunahing sangkap na nagpapangyari nito ay ang likas na pakikipag-ugnayan sa mga network. Ang bawat isa ay nakakonekta sa iba sa isang paraan o sa iba pa. Maaaring ito ay wika, kultura, hanapbuhay, pag-aasawa o anuman. Ang mga ugnayang tumatawid sa higit sa isang network ang nagbibigay sa Ebanghelyo ng pagkakataong tumalon mula sa isang network tungo sa iba. Naroon ang lihim ng pagsisimula ng ministeryo sa mga wala pang nagsisimula ng ministeryo.
Kung ang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling nakakandado at nakatrangka ang pinto ng mga UUPG ay ang mga saloobing tumututol at mahihirap na kalagayan, kung gayon ang susing magbubukas ng pinto ay maaaring talagang ang mga malapit na kapitbahay na kahati sa mga kalagayan at kayang pahupain ang mga saloobin. Tinutukoy ito bilang isang estratehiyang malapitan (proximate strategy).
Nakabatay ang mga kilusan sa isang sunud-sunod na reaksiyon ng isang buhay na nakaaapekto sa iba sa konteksto ng isang pagkakatulad na pareho nilang taglay. Kapag nag-ugat ang Kaharian sa isang pangkat ng mga tao na isang ‘malapit na kapitbahay’ sa kultura at heograpiya ng isang UUPG, maaaring hindi pa lubos na nawawala ang mga hadlang sa pagpasok ngunit ang mga ito ay nasa pinakamababang antas na marararating nila. At katumbas iyon ng isang estratehikong pagkakataon upang gawin ang hindi pa kailanman nagagawa – magsimula ng ministeryo sa mga wala pang nagsisimula ng ministeryo.
Mga Halimbawa mula sa Cote d’Ivoire
Nagbibigay ang Cote d’Ivoire ng mga halimbawa ng isang bagay na nangyayari sa maraming bahagi ng Africa ngayon.
Pag-aaral ng Kaso #1: Kanluran ng Côte d’Ivoire – isang katuwang
Ilang taon na ang nakararaan, pinasimulan ng Cityteam (ngayon ay New Generations) ang isang nauulit na proseso ng paggawa ng mga alagad sa gitna ng mga taong Mau sa Cote d’Ivoire. Sa paglipas ng panahon, dinalaw ng ilang taong Mau ang kanilang malalawak na pamilyang naninirahan sa gitna ng mga taong Klaa at ipinakilala sa kanila ang Discovery Bible Study (DBS), pag-aaral ng Biblia sa paraang pagtuklas. Di nagtagal, nagsimulang umusbong ang mga iglesyang Klaa.
Nang malaman ni Younoussa Djao, Africa Director ng New Generations, ang nangyari, ang una niyang naisip ay: “Kung maaaring mangyari ito kapag nagsisimula ang mga bagong pamilyang Kristiyano ng mga grupong pagtuklas sa mga bagong lugar, paano kaya kung magiging mas sinasadya tayo sa proseso?” Kaya nagsimulang maghanap si Younoussa ng mga paraan upang gawing karaniwan ang ganitong uri ng pag-usad sa mga kilusan. Hindi na niya kinailangang maghintay nang matagal para sa ikalawang pagkakataon.
Lumabas na nagbigay pala ang New Generations ng pagsasanay sa DMM sa ilang lider ng isang denominasyong Kristiyano at nakaranas sila ng mga nakapagpapalakas-loob na bunga. Makalipas ang ilang panahon, pumili ang denominasyon ng isang bagong pangulo na sinimulan ang kanyang termino sa paglilibot sa buong bansa upang alamin kung ano ang nangyayari sa gitna ng mga iglesya.
Matapos niyang dalawin ang mga lider na nasanay sa mga Kilusan ng Kaharian, dinalaw niya si Younoussa upang magpasalamat, at humiling ng mas malapit na ugnayan ng paggabay. Tumugon si Younoussa: “Kung isasagawa ninyo ang prosesong ito nang may layunin, sasanayin namin ang kasindaming misyonero na handa ninyong isugo. Magiging mga misyonero ninyo silang lahat ngunit malugod namin silang sasanayin, iko-coach, at gagabayan hangga’t sa palagay ninyo ay may halaga ito.”
Kalaunan, nagsimula ng ministeryo ang mga lahing Klaa at Mau sa mga taong Toura, at kalaunan ay nagsimula rin ng ministeryo ang mga Klaa sa mga taong Yacouba.
Pag-aaral ng Kaso #2: Mula sa mga Ouan Tungo sa mga Malinke
Sa rehiyon ng Kounahiri, inilunsad ang mga inisyatiba ng DMM sa gitna ng mga taong Ouan na naninirahan sa gitna ng mga Malinke. Ang mga Ouan ay higit na Animista kaysa Islamiko, ngunit sa kasong ito, likas na tumalon ang mga kilusan sa mga Malinke na Muslim dahil marami silang pinagsasaluhang malalapit na espasyo, kaugalian, panlipunang okasyon, at ugnayang pampamilya sa pamamagitan ng pag-aasawa.
Pag-aaral ng Kaso #3: Sa Burkina Faso – Maraming Malapitang Pagsisimula ng Ministeryo
Sa Burkina Faso, sabay-sabay na inilunsad ang mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad sa gitna ng mga Tussian, (123 iglesya) ng mga Bouaba, (194 iglesya) at ng pangkat ng mga taong Muslim na hindi pa naaabot (MUPG) na Bobo Mandare (44 iglesya). Ang nagresultang mga iglesya ng DMM sa gitna ng mga pangkat ng mga taong ito ay pawang nagsasalita ng Jula, may pinagmulang Muslim at magkakalapit sa heograpiya. Kaya, sa kaunting kritikal na dami, nagsimula ng ministeryo ang mga taong Tussian (123 iglesya) sa mga Tiefo at sa MUPG na Senoufo (25 iglesya). Nagsimula ng ministeryo ang mga Bouaba sa mga Dagari (20 iglesya) at nagsimula rin ng ministeryo ang mga Bobo sa isa pang grupong Senoufo.
Isa Pang Rehiyon sa West Africa
Isa pang rehiyon ng New Generations sa Africa ang nagsimulang mapansin ang pag-usbong ng mga estratehiyang malapitan na nagmumula sa ibaba mga walong taon na ang nakararaan, apat na taon pa lamang sa proseso ng DMM. Hindi natagalan ang lider bago napagtanto na sa pamamagitan ng kaunting estratehikong pagpaplano at taktikal na suporta, magagamit ang penomenong ito sa pagsusugo ng mga misyonero sa mga lokal na pangkat ng mga tao, gayundin sa mga misyonero sa loob ng bansa tungo sa malalayong populasyon ng sarili nilang lahi, at maging sa pagsusugo ng mga misyonero sa mga populasyong diaspora ng kanilang pangkat ng mga tao sa ibang mga bansa.
Binanggit ng lider ng rehiyong iyon na ang mga estratehiyang malapitan ang dahilan ng mga 57-58% ng 7,000 iglesyang naitanim sa rehiyon, dahil ang mga estratehiyang malapitan ay:
- Tumutupad at nag-aalaga sa maagang apostolikong kislap sa puso ng mga taong kamakailan lamang ginawang alagad!
- Lumilikha ng mga likas na daluyan tungo sa mga taong naliligaw na siya namang nakatutuklas ng mga pagbabagong Kristiyano na nagpapainggit sa kanila para sa Kaharian ng Diyos.
- Tumitiyak na nauunawaan ng mga apostolikong team na ang pagsisimula ng ministeryo sa isang lahing wala pang nagsisimula ng ministeryo ay higit pa sa paglalagay ng tsek sa isang kahon bilang “tapos na.” Ito ay unang yugto pa lamang ng isang likas na daloy ng pagsulong ng Kaharian ng Diyos—ang paksang pinagbigyan ni Jesus ng maraming talinghaga.
Sa kasalukuyan, napagtatanto ng New Generations na para sa marami sa mga lahing wala pang nagsisimula ng ministeryo na sinimulan nila ng ministeryo sa pamamagitan ng mga Kilusan ng Kaharian, kadalasan ay may isa o dalawa pang pangkat ng mga tao na naninirahan sa malapit, at isa o dalawa na may ugnayang pangkultura at pangwika sa ibang bahagi ng parehong bansa, o may ganoon ding mga ugnayan sa loob ng ibang bansa. Sa lahat ng kasong iyon, dumarami ang mga halimbawa ng matagumpay na pagsisimula ng ministeryo.
Tiyak kami na ito ay isang estratehiyang naranasan na ng maraming iba pang ministeryo ng CPM/DMM, at marahil ay makatatagpo tayong lahat ng mga paraan upang mapabuti ang ating pagiging mabisa at palakasin ang loob ng isa’t isa sa pagpapasulong sa pagdating ng Kaharian ng Diyos mula sa langit, sa pamamagitan ng “mga estratehiyang malapitan sa paggawa ng mga alagad.”
Sa wakas, ang paglalakbay tungo sa DNA ng Kaharian ay hindi lamang may kasamang pagsunod at pag-uulit, kundi pati panganib (buháy na handog) at pag-aangkin ng pananagutan (isang alagad na binigyan ng kakayahan–hindi lamang isang tagatanggap). Sa 1300 mapanghamong pangkat ng mga tao na wala pa ring nagsisimula ng ministeryo, bigyan nawa tayo ng Diyos ng mga matang makatatagpo sa mga estratehiyang malapitan ng Diyos na maaaring nakatago sa harap mismo ng ating paningin—ang Kanyang paglalaan para sa ating sama-samang paglalakbay tungo sa “wala nang matitirang lugar” (no place left). Rom. 15:23
Unang inilathala sa Mission Frontiers 40:2 (Mar./Abr. 2018), pp. 25-27. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


