ANG PAGLALAKBAY NI VIJAY SA PRAYER WALKING AY NAGDALA sa kanya sa isang bayan kung saan hindi siya kilala. Nagpunta siya roon dahil ang mga tao ay bahagi ng isang grupong hindi pa naaabot na lubha niyang ninanais na makitang maabot. Ngunit habang naglalakad siya sa paligid, puro di-magiliw na titig lamang ang natanggap niya. “Sino ka?” hamon ng lalaki sa tindahang hinintuan niya para sa kanyang tsaa sa umaga. “Bakit ka pumunta rito?”
Bilang taga-labas at estranghero, humarap si Vijay sa isang maselang sitwasyon. Ang susunod niyang gagawin ay maaaring maging pagkakaiba sa pagitan ng isang bukas na pinto sa komunidad na ito o isang saradong pinto. Ang isang mahusay na sinanay na pagtugon na pinangungunahan ng Espiritu ay maaaring magpabilis sa pagkalat ng balita na ang estrangherong ito ay “ayos lang.”
Nagsisimula ang DNA sa mga unang hakbang.
Mapagtanto man niya ito o hindi, mas malalim pa ang kahalagahan ng mga unang hakbang ng isang tagapagpasimula sa isang bagong komunidad. Itinatakda ng mga ito ang padron ng kalusugan para sa iglesyang inaasahan niyang masimulan sa hinaharap. Ang mismong DNA ng mga iglesya sa hinaharap ay nagsisimula sa ginagawa ng gumagawa ng mga alagad sa kanyang mga unang araw. Nag-iiwan ang mga panimulang hakbang na iyon ng marka sa bawat iglesya sa kilusan sa mga darating na taon. Makikilala ba ang mga alagad sa hinaharap sa pagpapakita ng habag ni Jesus? Magdudulot ba sila ng pagbabago? Magpaparami ba sila? Magiging pangmatagalan ba ang kilusan?
Palaging hinaharap ng mga tagapagpasimula ng mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad (DMM) ang sitwasyon ni Vijay. Sa katimugang Asia, bihirang makaranas ng magiliw at bukas na pagtanggap sa mga bagong komunidad. Iisang pagkakataon lamang mayroon ang mga gumagawa ng mga alagad upang makagawa ng mabuting unang impresyon. Ngunit ano ang pinakamabuting paraan upang gawin iyon — sa pamamagitan ba ng isang mamahaling proyektong panlipunan, o sa pamamagitan ng napakaraming tagasunod ni Jesus na may mga matang nakakikita sa nakikita ni Jesus at may paninindigang tumugon gaya ng ginawa Niya?
Personal, kusang nagaganap at angkop sa lokal
Ang mga tradisyonal na paraan ng pagpasok sa isang bagong komunidad ay madalas na kinapapalooban ng mga programang itinakda na nang maaga. Madalas na umaasa ang mga ito sa mga mapagkukunan at sistemang galing sa labas na nangangailangan ng pagpapasahod at pagpapanatili sa mga manggagawa at gawain. Madalas na nagbubunga nga ang mga taktikang ito ng pagsilang ng isang iglesya. Ngunit itinuturing ang mga ito na walang personal na ugnayan, at nauuwi ang mga bagong iglesya sa malulubhang depekto sa kanilang DNA. Ang mahahalagang elemento ng paggawa ng mga alagad ay kailangang ituro o “ihugpong” kalaunan kapag matatag na ang iglesya.
Ang mga mahusay na sinanay na gumagawa ng mga alagad na sumusunod sa mga padron ng Biblia ay mas may kakayahang magpakita ng habag sa mga paraang natatanging makahulugan at angkop sa bawat komunidad. Natututo silang gumawa ng mga bagay na hindi nangangailangan ng mamahaling mga programa. Ang mga alagad na ito ay lubos na umiibig sa Diyos, at lubos na pamilyar at masunurin sa Kanyang mga daan. Nagsisimula sila sa paghahanap ng Kanyang patnubay sa pamamagitan ng panalangin para sa bawat bagong komunidad.
Kapag nagpasok ang mga tagapagpasimula ng DNA na sumasalamin sa ganitong pamumuhay, nailulunsad ang mga bagong Discovery Bible Study (DBS), pag-aaral ng Biblia sa paraang pagtuklas, na humahantong sa pagsilang ng mga bagong iglesya. Nakikilala sila sa kanilang pamumuhay ng pag-ibig, habag, kapangyarihan at katotohanan na tumutulad kay Jesus. Nakikita ng mga bagong alagad na mayroon silang mga mapagkukunan upang magsimula ng mga bagong grupo, na humahantong sa pagpaparami hanggang ika-3 at ika-4 na henerasyon.
Tatlong kuwento ang naglalarawan sa pagkakaibang dulot nito sa isang lugar na hindi pa naaabot.
“Hindi ninyo kailangang magdusa nang ganito.”
“Nang makita Niya ang maraming tao, nahabag Siya sa kanila, sapagkat sila ay ginigipit at walang magawa, tulad ng mga tupang walang pastol.” Mateo 9:36
Naglalakad si Stephen sa isang nayon, nananalangin habang naglalakad. Sa pakikipag-usap sa mga residente, nalaman niyang nalalagasan sila dahil sa paglaganap ng swine flu. Nagsimula siyang magtanong kung ilang tao ang apektado at ilan na ang namatay.
Nakadudurog ng puso ang marinig ang mga nawalang buhay, dahil alam niyang hindi nila kailangang magdusa nang ganito. May libreng bakuna mula sa pamahalaan, ngunit wala silang alam tungkol dito o kung paano ito makukuha.
Kaya nakipagpulong siya sa mga lider at ipinaalam sa kanila ang tungkol sa bakuna. Tinulungan niya silang maingat na idokumento ang bilang ng mga taong nakatira sa nayon upang maaprubahan ang tamang bilang ng bakuna. Nagpadala ang mga lider ng isang delegasyon kasama niya sa mga nararapat na awtoridad at nakakuha ng pahintulot para sa mga bakuna.
“Bakit mo ito ginawa para sa amin?” nagsimulang itanong ng mga tao kay Stephen. Agad siyang inanyayahan ng isang pamilya sa kanilang tahanan. Nagsimula siya ng isang Discovery Bible Study kasama nila. Hindi nagtagal, naging bagong iglesya ang grupong pagtuklas na iyon. Nagsimula ang pamilyang iyon ng isa pang DBS sa ibang lugar na lumago rin bilang isang iglesya. Ang isa sa mga bagong alagad mula sa iglesyang iyon ay mabilis na nagsimula ng isa pang grupo nang mag-isa. Sa loob ng maikling panahon, lumago ito hanggang tatlong henerasyon ng mga iglesya.
Ang habag bilang pamumuhay ay isang pangunahing katangian ng mga alagad ni Jesus. Nagpapakita ng habag ang mga karaniwang tao bilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi nakita si Stephen bilang kinatawan ng isang organisasyon. Nagpakita lamang siya ng tunay na malasakit. Alam niya ang isang mapagkukunang makatutulong, at siya ang nag-ugnay.
Paano ako makatutulong?
“Huwag kayong magdala ng supot ng pera, ni sisidlan, ni sandalyas….” Lucas 10:4
Ayon sa mga tagubilin ni Jesus, hindi nagdala si Samuel ng dagdag na pera nang simulan niyang dalawin ang isang nayon na may humigit-kumulang 150 bahay. Gaya ng dati, walang gustong kumausap sa kanya, ngunit nanalangin siya para sa isang paraan upang makaugnay sa mga taong ito.
Napansin niya ang mga batang nagtatakbuhan, walang nag-aalaga at walang disiplina. Nalaman niyang mga anak ito ng mga magulang na nagtatrabaho na walang panahon o kasanayan upang tulungan sila sa kanilang mga aralin sa paaralan. Hindi nag-alok ng tulong ang pampublikong paaralang pinapasukan nila upang matuto silang mag-aral at maghanda para sa mga pagsusulit. Kaya naiiwan silang walang nagbabantay sa halos buong hapon.
Sa pamamagitan ng panalangin, naudyukan si Samuel na siya mismo ang magturo sa kanila. May malaking puno sa gitna ng nayon kung saan nag-alok siyang makipagkita at turuan ang mga batang ito. Nagsimula siya sa lima at hindi nagtagal ay naging labinlima. Pagkatapos ng oras ng pag-aaral, nagbabahagi siya ng mga kuwento sa Biblia, tinuturuan silang maging mabuti at sumunod sa kanilang mga magulang.
Nagsimulang makakita ang mga magulang ng mga pagbabago sa kanilang mga anak. Pinagmasdan ng isang mag-asawa ang ginagawa niya at inanyayahan siya sa kanilang tahanan, at kalaunan ay sinabi sa kanya ang mga problema sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Hindi nagtagal, nagbabahagi na si Samuel ng mga kuwento sa Biblia sa buong pamilya. Tinatanong niya kung ano ang natutuhan nila mula sa mga kuwento at kung ano ang gagawin nila tungkol dito. Nagsimulang lumago ang grupong ito. Pagkatapos ay nagsimula ang anak nilang babae na nasa ika-siyam na baitang ng isa pang grupo kasama ang lima sa kanyang mga kaibigan. Pagkatapos ay nagsimula ang nanay at tatay ng isa pang grupo sa komunidad kung saan sila nagtatrabaho.
Salungat sa karaniwang inaakala ang pagpasok sa isang komunidad nang walang anumang mapagkukunang maibabahagi. Mas karaniwan ang magdala ng isang bagay mula sa labas. Nakatuon ang tradisyonal na paraang ito sa pagtulong sa komunidad sa isang bagay na hindi nila kayang gawin para sa kanilang sarili. Gayunman, ang mabubuting hangarin ay madalas na binibigyang-kahulugan bilang “pagbili” ng karapatang mapakinggan, isang karaniwang palagay sa halos buong Asia. Halos wala nang mas nakasisira sa pagsisimula ng isang kilusan kaysa sa pagpapatuloy ng isang paraang humahantong sa ganitong maling pagkaunawa.
Determinadong hindi maging pabigat
“Naaalala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at paghihirap: Nagtrabaho kami gabi at araw, upang hindi kami maging pabigat sa sinuman sa inyo habang ipinahahayag namin sa inyo ang Ebanghelyo ng Diyos.” – 1 Tesalonica 2:9
Nakahanap si Dileep ng ibang paraan upang paglingkuran ang komunidad. Nagkaroon siya ng trabaho bilang tagapagbenta ng diyaryo. Sa ganitong paraan, hindi siya naging pabigat sa komunidad at nagkaroon siya ng paraan upang makilala ang mga tao.
Sa isang bahay sa ruta ng kanyang paghahatid, lumalabas ang isang lalaking nagngangalang Ravi upang magbayad para sa kanyang diyaryo. Isang araw, hindi si Ravi, kundi ang kanyang asawa, ang lumabas ng bahay. “Nasaan ang asawa mo?” tanong ni Dileep. Ipinaliwanag ng babae, “Dalawang linggo na siyang masama ang pakiramdam. Dinala pa namin siya sa ospital para magpagamot, pero hindi siya gumagaling.” Nagtanong si Dileep, “Maaari ba akong pumasok at makipag-usap sa kanya?”
Kaya dinalaw ni Dileep si Ravi, pinakinggan ang lahat ng kanyang mga problema at ibinahagi ang kuwento ng paglikha ng Diyos sa mundo at ng Kanyang pangangalaga sa sangkatauhan. “Huwag kang mag-alala,” sabi niya, “Ipananalangin ko sa Diyos na pagalingin Niya ang iyong sakit.” Kinaumagahan, bumuti ang pakiramdam ni Ravi. Humantong ito sa regular na pagdalaw ni Dileep at sa mas marami pang kuwento mula sa Biblia. Ang mga pagdalaw ay naging isang grupong pagtuklas na may pitong miyembro. Hindi nagtagal, nagsimula ang isa sa pito ng isa pang grupo na may limang miyembro.
Ang pagiging malikhain ni Dileep ay nagdulot kapwa ng personal na kita at ng tuloy-tuloy na daan ng pakikipag-ugnayan. Nang maitatag na ang isang ugnayan, ang kailangan na lamang niyang gawin ay ipagpatuloy ang dati na niyang ginagawa. Hindi maaaring maging huling isipin lamang ang pagiging pangmatagalan. Maaaring maubusan ng mapagkukunan ang isang programa, ngunit ang isang buhay ng pagsasakripisyo ng sarili ay isang tuloy-tuloy na patotoo sa biyaya ng Diyos.
Personal, angkop at tuloy-tuloy
Natuklasan ng tatlong gumagawa ng mga alagad na ang personal na paninindigang makita ang mga pangangailangan at makahulugang ibigin ang kanilang kapwa bilang tugon ay nagbunga ng pangmatagalang bunga.
Sa isang kaso, nakita ng gumagawa ng mga alagad ang problema at tinulungan ang komunidad na mapakinabangan ang isang mapagkukunan ng pamahalaan. Sa isa pa, gumamit siya ng isang personal na mapagkukunan – ang sarili niyang panahon at pagsisikap upang turuan ang mga bata. At sa ikatlo, nakahanap siya ng trabaho upang matustusan ang kanyang sarili at maging handang maglingkod nang hindi nagiging pabigat.
Sinanay at ginabayan (mentoring) ang tatlo upang maisagawa ang mga prinsipyo mula sa Kasulatan, na ginagawang mga praktikal na hakbang ng pagkilos na nagkakamit ng estratehikong epekto. Sa masalimuot na mundong ating ginagalawan, ang daan pasulong ay nangangailangan ng napakaraming alagad na namumuhay at kumikilos nang dilat na dilat ang mga mata at may paninindigang gagamitin sila ng Diyos upang gumawa ng pagbabago. Ang resulta ay ang pagsilang ng mga bagong pagtitipon na may ganito ring DNA na nakatanim sa kanila mula pa sa simula. May kapansin-pansing pagkakaiba sa mahahalagang katangian ng mga kilusang nagsisimula sa ganitong paraan.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 39:6 (Nob./Dis. 2017), pp. 16-19. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


