Noong 1995, nagsimula akong magbahagi ng Ebanghelyo sa mga taong hindi pa naaabot at magtanim ng mga iglesya. Ang layunin ko ay makapagtanim ng 100 iglesya pagsapit ng 2020. Pagdating ng 2007, 11 iglesya pa lamang ang naitanim ko. Ituturing iyon ng ilan na tagumpay, pero labis akong nanlumo dahil napagtanto kong sa ganoong bilis, hindi ko kailanman maaabot ang 100 iglesya pagsapit ng 2020. Sa loob ng dalawang buwan, dumaing ako sa Panginoon: “Ipakita Mo sa akin ang daan upang makapagtanim ng 100 iglesya!” Pagkatapos, sa kalagitnaan ng 2007, naimbitahan ako sa isang pagsasanay tungkol sa “4 Fields Zero Budget Church Planting” (pagtatanim ng iglesya na walang badyet gamit ang Apat na Bukid). Isang sesyon lamang ang nadaluhan ko, pero binago ng isang oras na iyon ang aking buhay at ministeryo. Nakita kong sinangkapan ni Jesus ang kanyang mga alagad upang dumami sa paraang hindi nangangailangan ng anumang pondo mula sa labas.
Napagtanto kong nagtatanim ako ng mga tradisyonal na iglesya kung saan ang mga bagong mananampalataya ay walang-kibong umaasa sa akin. Nakita kong ang kailangan ko sa halip ay gawing alagad ang mga bagong mananampalataya upang sila ang magbahagi ng Ebanghelyo, gumawa ng mga alagad at bumuo ng mga bagong iglesya. Nagsimula akong magtanim ng mga iglesyang “walang badyet,” at nagsimulang magparami ang mga ito.
Sa simula, labing-apat na tao lamang—mga taong hindi nakapag-aral at natututo sa pamamagitan ng pakikinig at pagsasalita—ang sumampalataya. Sinanay ko ang labing-apat na iyon sa aking bahay sa loob ng isang buwan. Dahil lahat sila ay may regular na trabaho, iba-ibang tao ang dumarating sa iba-ibang araw. Napakahirap nito, pero sinabi sa akin ng Panginoon na huwag sumuko. Matapos silang masanay, humayo sila upang magtanim ng mga iglesya.
Wala pang isang taon ang lumipas, nang tipunin ko silang lahat at gawin ang pagmamapa ng bunga, mayroon na kaming 100 iglesya! Sa paggamit ng pamamaraang Apat na Bukid (4 Fields, isang modelo ng Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM)), naabot namin ang layuning 100 iglesya nang 12 taong mas maaga!
Tinanong ko ang Panginoon, “Saan ako dapat pumunta ngayon?” Sinabi Niya, “Huwag kang pumunta kahit saan. I-coach mo ang mga iglesya. Sanayin mo ang 100 iglesya na magtanim ng tig-tatlo pang iglesya.” Habang sinasanay ko ang aming mga lokal na lider ng iglesya, sinanay naman nila ang kanilang mga tao. May mga iglesyang nakapagtanim ng limang bagong iglesya. Ang iba ay walang naitanim. Pagsapit ng sumunod na taon, ang network ng 100 iglesya ay lumago hanggang 422. Sinanay namin ang mga iglesyang iyon na magtanim ng tig-tatlo pang iglesya. Pagsapit ng kasunod na taon, mayroon na kaming 1268 iglesya.
Pagkatapos ay sinabi sa akin ng Panginoon: “Ibahagi mo ang bisyon sa ibang mga iglesya.” Kaya sinimulan kong gawin ito sa iba pang bahagi ng bansa. Sinabi ko sa mga tao, “Halikayo at tingnan ninyo ang ginagawa ng Panginoon; tingnan ninyo kung paano namumuhay at naglilingkod ang aming mga mananampalataya.” Habang dumarating at nasasanay ang mga tao, dumami sila hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon. Humingi ako ng 5000 at nagbigay ang Panginoon ng 5000. Nang humingi ako ng 50,000, nagbigay ang Panginoon ng 50,000.
Ang kilusang ito ay nagpapasimula ng iba pang mga bagong kilusan sa tatlong pangunahing paraan:
- Ang mga mananampalatayang may bisyong abutin ang sarili nilang mga kababayan ay pumupunta upang obserbahan ang aming gawain at tumanggap ng sampung araw na pagsasanay. Pagkatapos ay bumabalik sila upang magpasimula ng isang kilusan.
- Personal kaming pumupunta sa kanilang mga bansa dahil ang ilan ay walang kakayahang pumunta sa aming lugar. Una, nagsasagawa kami ng panimulang pagsasanay, pagkatapos ay iniimbitahan ko ang ilan sa kanila sa ikalawang pagsasanay kung saan 50% ng pagsasanay ang ginagawa ko at 50% ang ginagawa nila. Pagkatapos, sa ikatlong pagsasanay, kino-coach ko sila na gawin ang lahat ng pagsasanay. Pagkatapos ay nagpa-follow up ako sa pamamagitan ng patuloy na pag-coach sa mga nagsabuhay ng mga prinsipyo ng pagsasanay. Tuwing tatlong buwan, sinisikap naming tawagan sila at alamin kung kumusta ang lahat. Pagkatapos ay bumabalik kami upang mag-follow up. Patuloy kaming nagpa-follow up sa iba't ibang bansa nang paikot kada tatlong buwan.
- Panghuli, ibinabahagi namin ang bisyon sa mga koalisyon ng mga katuwang para sa “Wala Nang Matitirang Lugar” (“no place left”) sa kanilang mga rehiyon. Para sa follow-up na pagsasanay, nagpapadala kami ng mga master trainer (mga taong nakauunawa sa buong modelo at kayang magsanay sa iba upang magpasimula ng mga kilusan) upang sangkapan sila. Sa ngayon, nakapagsimula na kami ng ministeryo sa gitna ng 56 na pangkat ng mga taong hindi pa naaabot (UPG) na dati'y wala pang nagsisimula ng ministeryo. May ministeryo kami sa halos bawat estado ng aming bansa, at lumaganap na ang gawain sa 12 bansa sa Timog Asya at Timog-Silangang Asya. Nakapaghanda na kami ng 150 master trainer sa aming bansa. Lubos akong napalakas ng loob ng 24:14 nang malaman kong hindi ako nag-iisa; nasa tamang landas ako. Ang iba sa 24:14 ay nakakakita rin ng masaganang bunga at may katulad na bisyon. Ang layunin ng aming network ay kaayon ng sa 2414 Coalition: Nais naming makitang wala nang matitirang lugar na walang saksi ng Ebanghelyo pagsapit ng 2025.
Muling inilathala sa Mission Frontiers 45:1 (Ene./Peb. 2023), p. 23. Unang inilathala sa Mission Frontiers, Enero/Pebrero 2018. Ibinahagi nang may pahintulot.


