ANG EBANGHELYO NG KAHARIAN na ipinangangaral sa buong mundo ang pag-asa at pagsamo ng bawat mananampalataya at ang rurok ng Mateo 24. Sa katunayan, sinasagot ng Mateo 24 ang isa sa mga kritikal na tanong na itinatanong ng bayan ng Diyos mula pa nang itatag ang mundo: Ano ang halaga ng makitang maging “dakila sa gitna ng mga bansa, mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan nito” ang pangalan ng Diyos? (ihambing ang Malakias 1:11). Ano ang kailangang tiisin ng henerasyong tutupad sa Mateo 24:14 sa huling henerasyong iyon?
Sa katotohanan, may pribilehiyo tayong maging ang henerasyong makapagsasabi na literal na walang time zone kung saan hindi sinasamba si Jesus. Gayunman, sa loob ng bawat time zone, may madidilim na bahagi kung saan hindi kilala at hindi sinasamba si Jesus. Hindi dapat ganito.
Bagaman mahal natin ang Mateo 24:14, karaniwang iniiwasan natin ang natitirang bahagi ng kabanata. Ito ay dahil nililinaw ni Jesus na magkakaroon ng maraming kapahamakan sa lupa bago sa wakas ay luwalhatiin ang Diyos sa gitna ng lahat ng lahi sa lupa.
Halimbawa:
- Digmaan sa pandaigdigang antas (t.6-7)
- Mga taggutom at lindol (t.8)
- Pag-uusig at pagpapapatay (t.9)
- Kapopootan ng lahat ng bansa (t.9)
- Marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya (t.10)
- Mga huwad na propeta (t.11, 22-6)
- Paglaganap ng kasamaan (t.12)
- Lalamig ang pag-ibig ng karamihan (t.12)
- Dumaraming paglabag sa batas (t.12)
Nililinaw ni Jesus na ang pagdating na ito ng Kaharian ay hindi maayos, madali, o malinis. Gayunman, sa talata ring ito, binibigyan Niya tayo ng hindi bababa sa limang paraan kung paano dapat magkaroon ang mga mananampalataya ng “tunay na tibay ng loob” upang makapanindigan tayo hanggang sa wakas (t. 13).
Sinasabi sa atin ni Jesus na maging handang kumilos at maliksi. Itinuturo Niya na kailangan nating makatakas sa isang iglap (t. 16). Ang pagsulong na ito ng Kaharian ay darating nang hindi natin inaasahan. Kaya, kailangan tayong maging handa sa mga biglaang pagkakataon at baguhin nang mabilis ang ating buhay, mga priyoridad, at mga plano. Ang kasalukuyang krisis ng mga refugee ay isa sa ganitong pagkakataon. Mas maraming Muslim ang lumapit kay Cristo sa siglong ito kaysa sa lahat ng nakaraang siglo ng Islam. Ang mga tumugon sa krisis ng mga refugee ay nakakita ng maraming Muslim na lumapit kay Cristo. Ngunit marami sa amin ang kinailangang ihinto ang aming regular na gawain upang tumugon sa pagkakataong ito na isinilang ng kaguluhan. Magkakaroon pa ng ibang mga pagkakataon sa hinaharap, at kailangan tayong maging handang tumugon nang mabilis sa pagkilos ng Diyos. Sa katunayan, tila ang mga kapahamakang ito ay maaari ring lumikha ng di-pa-nangyayaring pagkakataon para sa pagtatatag ng mga kilusan ng Kaharian, ngunit kung ang bayan lamang ng Diyos ay handang kumilos at maliksi.
Sinasabi sa atin ni Jesus na kakailanganin nating tumakas ngunit maaari tayong humingi sa Kanya ng awa sa gitna ng ating mga kahirapan (t. 20). Dapat tayong maging mga taong patuloy na nananalangin. Hindi ito ang uri ng panalanging tumatagal nang ilang minuto. Hindi rin ito ang uri ng panalangin kung saan nagmamakaawa tayo sa Diyos na kumilos. Ito ay ang mga anak na lalaki at babae ng Hari na buong-tapang na nakikipaglaban kasama ng kanilang Ama sa Langit (ihambing ang Efeso 6) laban sa mga kaaway na hindi nakikita ngunit nadarama ang mga gawa. Ito ang uri ng panalanging kapwa mahirap at puspos ng kagalakan.
Sinasabi sa atin ni Jesus na magbantay (t. 42). Nangangahulugan ito ng pagiging mulat sa mga estratehiyang isinasagawa ng Diyos. Binabalaan tayong mag-ingat sa mga huwad na propeta. Paano natin makikilala ang mga huwad na propeta mula sa mga tunay na propeta? Sa pamamagitan ng pagkakilala sa puso ng Hari. Binibihag Niya ang ating puso, kaluluwa, isip, at lakas. At kapag ginawa Niya ito, mayroon tayong kapangyarihang maging matapang, maging magiting, mamuhay nang naiiba, ibigin ang mga hindi kaibig-ibig, ibigin ang ating mga kaaway, at magtiis ng kahirapan. Ang pag-ibig na ito sa 1 Corinto 13, ayon kay Leon Morris, ay “…hindi isang matiyaga at sumusukong pagpayag, kundi isang aktibo at positibong katatagan. Ito ang pagtitiis ng kawal na, sa gitna ng labanan, ay hindi nasisiraan ng loob.”
Sinasabi sa atin ni Jesus na maging mabubuti at mapagkakatiwalaang lingkod (t. 45), na magbigay sa mga nangangailangan ng pagkain. Tila hindi literal na tungkol sa pagkain ang talata, kundi isang paghahambing. Hindi tulad ng mga likas na taggutom, kung saan tumutugon tayo ng tulong na pagkain sa mga pinakanangangailangan, madalas tayong nagpapadala ng mga manggagawang dapat sanang magpagaan ng espirituwal na taggutom sa mga lugar kung saan may labis na espirituwal na mapagkukunan. Tinutulungan tayo ng paghahambing na ito na maunawaan kung bakit inuuna natin ang mga napababayaang lahi sa lupa. Kailangan tayong maging tapat at walang-awa sa ating sarili upang makita kung ang ating mga manggagawa para sa Dakilang Atas ay tunay na gumagawa kung saan pinakamalaki ang espirituwal na pangangailangan.
Sinasabi sa atin ni Jesus na huwag kumapit sa mga bagay sa lupa. Itinuturo Niya na hindi na tayo dapat bumalik upang kunin ang ating mga gamit (t. 17-18). Ang pamumuhay nang ganito ay naiiba sa pamumuhay ng ating mga kapitbahay. Hindi tayo nabubuhay para sa sarili nating makalamang pagnanasa sa libangan, kayamanan, at kagandahan (ihambing ang Roma 8:5). Sa halip, nabubuhay tayo para sa kagandahan ng Hari. Nangangahulugan ito ng paggugol ng mas kaunting panahon para sa sarili nating mga kasiyahan, at sa halip ay mas masipag na paggawa para sa kapakanan ng iba, pagbibigay ng ating panahon at pera, at pamumuhay para sa isang kaluwalhatiang hindi nakikita.
Ang mamuhay para sa kagandahan ng Hari ay mangangailangan ng sakripisyo—matinding sakripisyo, sakripisyong masakit. Gayunman, kasama ng sakripisyo, sinasabi sa Malakias 1:11 na sa bawat lugar kung saan dakila ang Kanyang pangalan sa gitna ng mga bansa, naroon ang mabangong insenso ng ating malilinis na handog. Walang sakripisyong napakalaki kung gagawin nitong lalong dakila ang Kanyang Pangalan sa gitna ng mga bansa.
Unang inilathala sa Mission Frontiers 40:1 (Ene./Peb. 2018), pp. 42-43. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


