Ang Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya (CPM) ay maaaring ilarawan bilang pagpaparami ng mga alagad na gumagawa ng mga alagad at ng mga lider na humuhubog ng mga lider. Nagbubunga ito ng mga katutubong iglesyang nagtatanim ng mga iglesya. Nagsisimulang mabilis na lumaganap ang mga iglesyang ito sa isang pangkat ng mga tao o bahagi ng populasyon. Nagsisimulang baguhin ng mga bagong alagad at iglesyang ito ang kanilang mga komunidad habang isinasabuhay ng bagong katawan ni Cristo ang mga pagpapahalaga ng kaharian.
Kapag palagiang nagpaparami ang mga iglesya hanggang apat na henerasyon sa maraming sanga, ang proseso ay nagiging isang kilusang nagpapatuloy. Maaaring abutin ng mga taon bago ito magsimula. Ngunit kapag nagsimula na ang mga unang iglesya, karaniwan naming nakikita na umaabot ang isang kilusan sa apat na henerasyon sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Bukod dito, madalas na ang mga kilusang ito mismo ay nagpaparami ng mga bagong kilusan. Parami nang parami, nagsisimula ang mga CPM ng mga bagong CPM sa loob ng iba pang mga pangkat ng mga tao at mga bahagi ng populasyon.
Naglulunsad ang Espiritu ng Diyos ng mga CPM sa buong mundo, gaya ng ginawa Niya sa iba’t ibang panahon sa kasaysayan. Matapos magsimula ang ilan sa mga makabagong kilusang ito noong unang bahagi ng dekada 1990, isang maliit na grupo ng mga unang tagapagpasimula ng kilusan ang nagtipon upang pag-usapan ang mga kamangha-manghang gawang ito ng Diyos. Binuo nila ang terminong “Mga Kilusan ng Pagtatanim ng Iglesya” upang ilarawan ang ginagawa ng Diyos. Higit ito sa kanilang inakala.
Habang lumilitaw ang mga makabagong kilusang ito, gumagamit ang Espiritu ng Diyos ng iba’t ibang modelo o estratehiya upang magsimula ng mga CPM. Kabilang sa mga terminong ginagamit upang ilarawan ang mga modelong ito ang Pagsasanay sa mga Tagapagsanay (T4T), Discovery Bible Study (DBS), pag-aaral ng Biblia sa paraang pagtuklas, mga Kilusan ng Paggawa ng mga Alagad (DMM), Apat na Bukid (Four Fields), Rapidly Advancing Discipleship (RAD), at Zume. Maraming kilusan ang pinaghalong anyo ng iba’t ibang paraang ito. Marami ring kilusan ang umusbong nang katutubo sa labas ng mga modelong ito ng pagsasanay.
Pinili ng mga pandaigdigang lider na bumuo sa 24:14 Coalition ang CPM bilang pinakanakatutulong at pinakamalawak na sumasaklaw na termino. “Ang 24:14 ay isang network ng mga CPM at mga organisasyong CPM sa buong mundo na nagtutulungan nang may pagmamadali, at nananawagan sa pandaigdigang iglesya na makibahagi sa katulad na mga pagsisikap.”1
Kung minsan ay ginagamit ang terminong “Kilusan ng Kaharian,” na halos kapareho ng kahulugan ng CPM: “Layunin naming magsimula ng ministeryo sa bawat pangkat ng tao at lugar na hindi pa naaabot gamit ang isang mabisang estratehiya ng Kilusan ng Kaharian (CPM) pagsapit ng Disyembre 31, 2025.”2
Ang mga Kilusan ng Kaharian na ito ay kahawig ng nakikita natin sa Bagong Tipan.
“Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng Banal na Espiritu; at kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa mga dulo ng mundo.” Mga Gawa 1:8
“Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa kakayahang ibinigay sa kanila ng Espiritu…. Lubos na namamangha, nagtanong sila: ‘Hindi ba’t mga taga-Galilea ang lahat ng nagsasalitang ito? Paano nangyaring naririnig sila ng bawat isa sa atin sa sarili nating katutubong wika? Mga Parto, Medo at Elamita; mga naninirahan sa Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia, Frigia at Pamfilia, Egipto at mga bahagi ng Libya na malapit sa Cirene; mga dayuhang galing sa Roma (kapwa mga Judio at mga nakumberte sa Judaismo); mga Cretense at mga Arabe—naririnig natin silang nagpapahayag ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos sa sarili nating mga wika!’” Mga Gawa 2:4,7-11
“Ngunit marami sa mga nakarinig ng mensahe ang sumampalataya; kaya ang bilang ng mga lalaking sumampalataya ay lumaki hanggang humigit-kumulang limang libo.” Mga Gawa 4:4
“Kaya ang salita ng Diyos ay lumaganap. Mabilis na dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem, at napakaraming pari ang naging masunurin sa pananampalataya.” Mga Gawa 6:7
“Kaya ang iglesya sa buong Judea at Galilea at Samaria ay nagkaroon ng kapayapaan at patuloy na itinatayo. At sa paglakad sa takot sa Panginoon at sa kaaliwan ng Banal na Espiritu, ito ay dumami.” Mga Gawa 9:31
“Ngunit ang salita ng Diyos ay patuloy na lumaganap at umunlad.” Mga Gawa 12:24
“Lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong rehiyon. Ngunit inudyukan ng mga pinunong Judio ang mga babaeng may mataas na katayuan na may takot sa Diyos at ang mga pangunahing lalaki ng lungsod. Pinukaw nila ang pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at pinalayas sila sa kanilang rehiyon. Kaya ipinagpag nila ang alikabok sa kanilang mga paa bilang babala sa kanila at nagtungo sa Iconio. At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.” Mga Gawa 13:49-52
“Nang maipangaral na nila ang Ebanghelyo sa lungsod na iyon at makagawa ng maraming alagad, bumalik sila sa Listra at sa Iconio at sa Antioquia, pinalalakas ang kaluluwa ng mga alagad, hinihikayat silang magpatuloy sa pananampalataya, at sinasabing sa pamamagitan ng maraming kapighatian ay kailangan nating pumasok sa kaharian ng Diyos.” Mga Gawa 14:21-22
“At ang ilan sa kanila ay nahikayat at sumama kina Pablo at Silas, gayundin ang napakaraming debotong Griego at hindi kakaunting pangunahing kababaihan…. Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kasama ang hindi kakaunting Griegong babae na may mataas na katayuan pati na rin mga lalaki…” Mga Gawa 17:4, 12
“Si Crispo, ang pinuno ng sinagoga, ay sumampalataya sa Panginoon, kasama ang kanyang buong sambahayan. At marami sa mga taga-Corinto na nakarinig kay Pablo ang sumampalataya at nabautismuhan. At sinabi ng Panginoon kay Pablo isang gabi sa isang pangitain, ‘Huwag kang matakot, kundi magpatuloy kang magsalita at huwag kang manahimik, sapagkat ako ay kasama mo, at walang sinumang sasalakay sa iyo upang saktan ka, sapagkat marami akong tao sa lungsod na ito na aking bayan.’...” Mga Gawa 18:8-11a
“Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon, kaya narinig ng lahat ng naninirahan sa Asia ang salita ng Panginoon, kapwa mga Judio at mga Griego.” Mga Gawa 19:10
Sa mga makabagong kilusang ito, nakikita natin ang mga dinamikang katulad ng ginawa ng Diyos sa unang iglesya:
- Ang Banal na Espiritu na nagbibigay-kapangyarihan at nagsusugo. Isa sa mga kapansin-pansing aspeto ng mga makabagong CPM ay ang papel ng “karaniwang tao.” Hindi limitado ang gawain ng Diyos sa mga sinanay na propesyonal. Sa halip, nakikita natin ang mga karaniwang tao na ginagamit ng Banal na Espiritu upang ibahagi ang Ebanghelyo, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng mga maysakit, at magparami ng mga alagad at iglesya. Ang mga taong hindi marunong bumasa ay nagtatanim ng napakarami-raming iglesya sa mga kilusang ito. Ang mga bagong-bagong mananampalataya ay makapangyarihang nagdadala ng Ebanghelyo sa mga bagong lugar. Sila ay mga karaniwang taong puspos ng Espiritu ng isang di-pangkaraniwang Diyos.
- Ang mga mananampalatayang patuloy na nananalangin at nagpapakita ng dakilang pananampalataya. May nagsabi na ang CPM ay laging pinangungunahan ng isang kilusan ng panalangin. Ang mga CPM ay tinatatakan din ng panalangin, dahil sila mismo ay mga “kilusan ng panalangin.” Ito ay dahil kapag nananalangin tayo, kumikilos ang Diyos, at ang mga CPM ay gawa ng Diyos, hindi gawa ng tao. Gayundin, ang pananalangin ay isa sa mga pangunahing utos ni Jesus. Kaya napagtatanto ng bawat alagad ang pangangailangang manalangin at magparami ng panalangin para sa kanyang sarili at para sa kilusang kinabibilangan niya.
- Isang makapangyarihang patotoo sa pamamagitan ng paraan ng pakikitungo ng mga alagad na ito sa ibang tao. Maraming Cristiano at iglesya sa buong mundo ang naghiwalay sa pisikal at sa espirituwal. Tila ang ilang Cristianong grupo ay nag-aalala lamang sa mga bagay na espirituwal, habang pinababayaan nila ang mga pisikal na pangangailangan ng mga tao sa kanilang paligid. Gayunman, nakatuon ang mga alagad sa mga kilusang ito sa pagsunod sa Kasulatan. Bilang resulta, masigasig nilang ipinakikita ang pag-ibig ng Diyos sa mga tao. Ang pagsunod sa Kasulatan ay umaakay sa kanila na ibigin ang kanilang kapwa. Kaya ang mga tao at iglesya sa mga kilusang ito ay nagpapakain sa nagugutom, nag-aalaga sa mga balo at ulila, at lumalaban sa kawalang-katarungan. Ang isang biblikal na pananaw sa mundo ay hindi naghihiwalay sa sagrado at sekular. Nais ng Diyos na ang buo nating buhay at mga lipunan ay mabago nang buo ng Magandang Balita.
- Ang mabilis na pagdami ng bilang ng mga alagad. Tulad ng unang iglesya sa Mga Gawa, mabilis na dumarami ang mga makabagong CPM na ito. Ang bilis na ito ay nagmumula sa bahagi sa isang makapangyarihang pagkilos ng Espiritu. Nagmumula rin ito sa pagsunod sa mga prinsipyong biblikal. Halimbawa, naniniwala ang mga nasa kilusan na “bawat mananampalataya ay gumagawa ng mga alagad.” (Mateo 28:19) Naiiwasan nito ang pag-iiwan sa iilang bayad na propesyonal lamang ng gawaing paggawa ng mga alagad. Sa mga kilusang ito, natututuhan ng mga alagad, iglesya at lider na isa sa kanilang mga pangunahing tungkulin ay ang mamunga. At ginagawa nila ito sa lalong madaling panahon at nang madalas hangga’t maaari.
- Ang mga alagad na ito na nagiging masunurin sa Diyos. Lubhang sineseryoso ng mga alagad sa mga CPM ang Kasulatan. Inaasahan ang bawat isa na tunay na maging alagad ng Salita. Ang lahat ay may kalayaang hamunin ang isa’t isa sa tanong na: “Saan mo iyan nakikita sa teksto?” Maingat na binibigyang-pansin ng mga mananampalataya ang pakikinig o pagbabasa ng Salita, kapwa nang pribado at sa mga grupo. Ang Diyos ang pangunahing guro, sa pamamagitan ng Kanyang Salita, at alam nilang may pananagutan sila sa pagsunod sa Salita.
- Ang mga sambahayang naliligtas. Tulad sa aklat ng Mga Gawa kung saan nakikita natin ang mga sambahayan, maraming sambahayan at maging ang ilang komunidad na nanumbalik sa Panginoon, nakikita rin natin ang gayong bagay sa mga kilusang ito. Karamihan sa mga kilusang ito ay nangyayari sa gitna ng mga grupong hindi pa naaabot, na may hilig na maging higit na sama-sama ang pamumuhay kaysa sa kulturang Kanluranin. Sa mga kulturang ito, ang mga pagpapasya ay ginagawa ng mga pamilya at/o mga angkan. Sa mga makabagong CPM na ito, nakikita natin ang ganito ring uri ng pangkatang pagpapasya.
- Pagsalungat at pag-uusig. Madalas na nangyayari ang mga kilusang ito sa pinakamahihirap na lugar, at dahil dito ay may hilig na magkaroon ng malaking pag-uusig. Sa kasamaang-palad, kung minsan ay dumarating ang pag-uusig na iyon sa anyo ng mga matatag nang iglesya na nag-uulat ng mga gawain ng mga bagong kilusang ito, upang maiwasan ang negatibong epekto sa kanilang sarili mula sa mga relihiyosong pundamentalista o mga pamahalaan. Madalas na nagmumula ang pag-uusig sa mga puwersang panrelihiyon at/o pampamahalaan na nagsisikap pigilan ang mga kilusang ito ng Diyos. Ngunit napagtatagumpayan ng mga kilusan ang pag-uusig na ito sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at ng salita ng kanilang patotoo. May halagang dapat bayaran at maraming tao sa mga kilusang ito ang nagbabayad ng halagang iyon.
- Mga alagad na napupuspos ng Banal na Espiritu at ng kagalakan. Sa kabila ng pagsalungat at pag-uusig na nakikita natin laban sa mga kilusan, may napakalaking kagalakan ang mga mananampalataya, dahil nanggaling sila sa kailaliman ng kadiliman tungo sa liwanag. Bilang resulta, lubha silang naudyukang ibahagi ang Magandang Balita sa mga nasa paligid nila. Sa maraming pagkakataon, sinasabi ng mga dumaranas ng pag-uusig na nagagalak sila na itinuring sila ng Diyos na karapat-dapat magdusa para sa Kanyang Pangalan.
- Ang Salitang lumalaganap sa buong rehiyon. Nakikita natin sa Mga Gawa 19 na lumaganap ang Ebanghelyo sa buong lalawigang Romano ng Asia sa loob lamang ng dalawang taon. Tila hindi ito kapani-paniwala! Nakikita natin ang ganito ring dinamika sa mga kilusang ito. Literal na libu-libo at maging milyun-milyong tao sa iba’t ibang rehiyon ang nakaririnig ng Ebanghelyo sa unang pagkakataon sa loob ng iilang maiikling taon dahil sa napakabilis na pagpaparami ng mga alagad.
- Ang Ebanghelyong lumalaganap sa mga bagong wika at bansa. Malibang umaangkop ang isang kilusan sa kontekstong panlipunan at pangkultura nito, ito ay mabibigo. Nagsisimula ito sa unang pakikipag-ugnayan sa isang pangkat ng mga tao. Naghahanap ang taga-labas ng isang lalaki o babaeng may kapayapaan na siyang magiging tagapagtanim ng iglesya. Kung ang taga-labas ang tagapagtanim ng iglesya, magpapasok siya ng isang banyagang padron ng pananampalataya. Kung ang mga taga-loob ang mga tagapagtanim ng iglesya, maaaring malayang lumago ang mga binhi ng Ebanghelyo na itinanim mula sa labas. Mamumunga ang Magandang Balita sa mga paraang likas sa kulturang iyon ngunit nakaugat sa Kasulatan. Kaya maaaring mas mabilis na lumaganap ang Ebanghelyo. Pansinin na ang mga kilusang ito ay karaniwang nangyayari sa loob ng isang pangkat ng mga tao o bahagi ng populasyon. Ang pagtawid sa ibang grupo ay karaniwang nangangailangan ng mas maraming pagtuturo at ng mga taong may kaloob para sa gawaing cross-cultural. Karamihan sa mga CPM ngayon ay nangyayari sa gitna ng mga pangkat ng mga taong hindi pa naaabot. Ito ay bahagyang dahil mas mahusay na umuusbong ang mga katutubong kilusan sa mga lugar na hindi pa (gaanong) nalalantad sa isang nakabalot na at Kanluraning bersyon ng Ebanghelyo.
May ilang tiyak na katangian ang isang CPM.
- Kamalayan na ang Diyos lamang ang makapagsisimula ng isang kilusan. Kasabay nito, maaaring sundin ng mga alagad ang mga prinsipyong biblikal upang manalangin, magtanim, at magdilig ng mga binhing maaaring humantong sa isang kilusang tulad ng sa “aklat ng Mga Gawa.”
- Hinihikayat ang bawat tagasunod ni Cristo na maging isang alagad na nagpaparami, hindi lamang isang bagong mananampalataya.
- Mga padron ng madalas at regular na pananagutan sa pagsunod sa sinasabi ng Panginoon sa bawat tao. Gayundin sa pagpapasa ng katotohanan ng Diyos sa iba sa mapagmahal na ugnayan. Nangyayari ito sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa isang maliit na grupo.
- Sinasangkapan ang bawat alagad para sa espirituwal na kapanahunan. Kabilang dito ang pagsasangkap upang magpaliwanag at maglapat ng Kasulatan, isang buo at balanseng buhay-panalangin, pamumuhay bilang bahagi ng mas malaking Katawan ni Cristo, at mabuting pagtugon sa pag-uusig/pagdurusa. Nagbibigay-kakayahan ito sa mga mananampalataya na kumilos hindi lamang bilang mga mamimili, kundi bilang mga aktibong ahente ng pagsulong ng kaharian.
- Binibigyan ang bawat alagad ng pangitain para sa pag-abot sa kanilang network ng ugnayan at para sa pagpapalawak ng kaharian ng Diyos hanggang sa mga dulo ng mundo. Binibigyang-priyoridad ang pinakamadidilim na lugar, na may pangakong makitang ang bawat tao sa mundo ay may access sa Ebanghelyo. Natututo ang mga mananampalataya na maglingkod at makipagtulungan sa iba sa katawan ni Cristo sa bawat konteksto.
- Nabubuo ang mga nagpaparaming iglesya bilang bahagi ng proseso ng pagpaparami ng mga alagad. Layunin ng isang CPM na 1) ang mga alagad, 2) ang mga iglesya, 3) ang mga lider at 4) ang mga kilusan ay dumami nang walang katapusan sa kapangyarihan ng Espiritu.
- Nakatuon ang mga CPM sa pagsisimula ng mga kilusan ng dumaraming henerasyon ng mga iglesya. (Ang mga unang iglesyang nasimulan sa isang grupo ay mga iglesya ng unang henerasyon, na nagsisimula ng mga iglesya ng ikalawang henerasyon, na nagsisimula ng mga iglesya ng ikatlong henerasyon, na siya namang nagsisimula ng mga iglesya ng ikaapat na henerasyon, at iba pa.)
- Ang mga lider ay nagsusuri at gumagawa ng radikal na mga pagbabago kung kinakailangan upang lumago. Tinitiyak nila na ang bawat elemento ng pagkatao, kaalaman, kasanayan sa paggawa ng mga alagad at kasanayan sa pakikipag-ugnayan ay 1) biblikal at 2) masusunod ng iba pang mga henerasyon ng mga alagad. Nangangailangan ito na panatilihing napakasimple ang lahat ng bagay.
Nakikita na natin ngayon ang paglaganap ng Ebanghelyo sa maraming lugar gaya ng nangyari sa aklat ng Mga Gawa. Nananabik kaming makitang mangyari ito sa bawat pangkat ng tao at lugar sa ating henerasyon!
Mga tala
- Parks, Stan at Steve Smith, sa “24:14 – The War That Finally Ends,” Mission Frontiers, Ene-Peb 2018, pp. 7-12. Bumalik sa teksto
- Ibid. Bumalik sa teksto
Unang inilathala sa Mission Frontiers 41:4 (Hul./Ago. 2019), pp. 36-39. Frontier Ventures. Ibinahagi nang may pahintulot.


